Thursday, September 23, 2004

IKALAWANG AKLAT NG ETIKA NIKOMAKEYO AYON KAY ARISTOTELES

IKALAWANG AKLAT NG ETIKA NIKOMAKEYO
AYON KAY ARISTOTELES
isinalin ni AGUSTIN M. RODRIGUEZ

1. Ang kabutihan (birtud/arete) bilang bunga ng ugali

Katulad ng nakita natin, mayroong dalawang uri ng kabutihan (birtud/arete), ang kabutihang moral at kabutihang intelektwal. Nagmumula at tumutubo ang kahusayang intelektuwal sa pagtuturo, at dahil dito, nagiging mahalaga ang panahon at karanasan. Sa kabilang dako, hinuhubog ang kabutihang moral ng kinaugalian, ethos, at ang pangalan nito, ethike, ay nagmumula, nang may kaunting pagbabago, sa ethos. Ipinapakita rin nito na walang kabutihang moral na itinatanim sa atin ng kalikasan, dahil walang umiiral sa kalikasan na mababago ng ugali. Halimbawa, imposible para sa bato, na likas na nahuhulog, na maugaliang kumilos pataas, kahit pa subukan ng isang tao na itanim ang ugaling ito sa bato sa pamamagitan ng pagbato nito pataas ng sampung libong beses; ni hindi masasanay ang apoy na kumilos pababa. i.e. Hindi mababago ng pagsasanay ng ugali ang direksyon ng ano mang pagbaling na nagmumula sa kalikasan. Sa ganitong paraan, ang kabutihan ay hindi naitatanim sa atin sa pamamagitan ng kalikasan ni sa paraang labag sa kalikasan. Nasa ating kalikasan ang kakayahang tanggapin ang mga ito, ngunit ginagawang ganap at buo ang kakayahang ito ng kaugalian.

Higit pa sa ano mang katangian na ibinabahagi sa atin ng kalikasan, ibinabahagi muna ang kakayahan at sumusunod ang pagsasatupad ng kilos nito. Mipakikita ang katotohanan nito sa kilos ng pandama. Hindi nakakamit ang ating pandama ng madalas na pagtingin o madalas na pagdinig; sa halip, nagagamit natin ito dahil taglay na natin ang mga ito. Hindi ito nakakamit lamang sa pamamagitan ng paggamit. Sa kabilang dako, nakakamit lamang sa paggawa ng mga bagay na kailangang matutunan bago matupad ang mga uri ng kabutihan. Nagiging karpentero ang tao sa pamamagitan ng pagtayo ng bahay, at natututo sa pagtugtog ng lira ang musikero. Sa ganoong paraan, nagiging makatarungan ang tao sa pagtupad ng makatarungang gawain, nagkakaroon ng pagpigil sa sarili sa pagtupad ng pagpigil sa sarili, at katapangan sa pagtupad ng matatapang na kilos.

Napagtitibay ito ng mga bagay na nagaganap sa estado. Ginagawang mabuti ng mga mambabatas ang mga mamamayan sa pamamagitan ng pagtatanim ng mabuting kaugalian sa kanila: ito ang hangarin ng bawat mambabatas. Kung hindi siya magtagumpay rito, bigo ang kanyang paggawa ng batas. Sa ganitong paraan nagkakaiba ang masamang saligang batas.

Higit pa, maaaring makasira nito ang parehong sanhi at parehong paraan na nagpapabunga ng kahusayan o galing, at totoo rin ito sa bawat sining. Nasa paglalaro ng lira nagiging mahusay o masamang manlalaro ng lira ang tao, at ganoon din sa mga manggagawa at manlilikha: mahusay na manggagawa ang mahusay gumawa at masamang gumawa ang masamang manggagawa. Dahil kung hindi ganito, hindi mangangailangan ng tagapagturo, sa halip ipapanganak na mahusay o masamang manggagawa ang lahat. Totoo ito maging sa mga uri ng kabutihan na may kinalaman sa ating kaugnayan sa kapwa tao. Dahil sa pamamagitan ng pagkilos, nagiging makatarungan ang iba, nagiging hindi makatarungan ang iba, at nasa pagkilos sa harap ng panganib at sa pagpapatibay ng ugali ng pagdama sa takot o sa lakas ng loob kung kaya nagiging matapang o duwag ang tao. Ganoon din sa pagnanais at sa pagdama ng galit. Nang dahil sa pagkilos ng ganito o ganoong paraan, ang nagiging taimtim at mabait ang ibang tao, ayon sa pagkakataon ang iba: mapagbigay-hilig sa sarili at mainitin ang ulo. Sa madaling salita, ibinubunga ang mga katangian ng mga katumbas na gawain. Dahil dito, kailangang tiyakin naaayon sa iisang patakaran ang ating kilos, dahil isasalamin ng ating mga katangian ang ano mang pagbabago rito. Samakatuwid, hindi maiwawalang-bahala ang paghubog ng ganito o ganoong ugali mula sa kabataan. Sa halip, malaki ang halaga, o kaya, ito na mismo ang bukal ng lahat na pagkakaiba ng ating pagkatao.

2.Ang Pamamaraan sa mga praktikal na agham

Hindi katulad ng ibang pananaliksik, hindi sinisikap ng pananaliksik na ito ang pagkamit ng kaalamang teoretikal. Sinisikap nating maging mabuti, dahil kung hindi, bale wala ang pananaliksik. Dahil dito, nagiging mahalagang suriin ang tanong ukol sa pagkilos, at tanong kung papaano ito isinasakatuparan. Tulad nga ng nasabi, itinatakda ng kilos kung anong uri ng katangian ang nahuhubog.

Tinatanggap na ng karamihan at ipinapalagay na batayan ng ating pagtatalakay na dapat tayong kumilos ayon sa tunay na katwiran. Pag-uusapan at tatalakayin pa [sa hinaharap] ang kahulugan ng tunay na katwiran at ang kaugnayan nito sa ibang uri ng kabutihan. Ngunit dapat nating pagkasunduan na nananatili sa nibel ng balangkas lamang at nagkukulang sa pagkaeksakto ang anumang pagtalakay sa mga bagay na may kinalaman sa pagkilos dahil katulad ng nabanggit sa simula, maaaring ayon lamang sa ipinahihintulot ng paksa ang maaaring hilinging pagtalakay, at walang eksaktong sagot sa mga bagay na nauukol sa kilos at sa mga tanong ukol sa makabubuti, higit na may katiyakan tayo ukol sa kalusugan. At kung totoo ito ukol sa ating pangkalahatang talakayan, higit na hindi eksakto ang ating pagtatalakay sa mga partikular na tanong, dahil hindi ito sumasailalim sa kategoriya ng anumang sining na naibabahagi sa pamamagitan ng mga itinakdang pamantayan. Ngunit kailangang ipasya ng kumikilos ang hinihingi ng bawa't pagkakataon, tulad sa paggamot at sa pagtawid ng dagat. Bagaman ito ang uri ng talakayan na ating isinasagawa kailangan nating gawin ang pinakamabuting magagawa.

Unang-una, dapat nating pansinin na nasa kalikasan ng mga katangiang moral na nawawasak sila ng pagkukulang o pagkalabis. Ganito ang kalagayan sa lakas at kalusugan, na ginagamit bilang paglalarawan dahil kailangang linawin ng nakikita ang hindi makita. Kalabisan o pagkukulang ng pagsasanay sa katawan ang nakasisira sa ating lakas, at ganoon din sa labis at kulang na pagkain at inuming nakasisira sa kalusugan. Subalit nagbubunga, nagpapayaman, at nagpapanatili nito ang tamang sukat. Ganito ang kaso sa hinahon, katapangan, at sa ibang uri ng kabutihan. Nagiging duwag ang taong tumatanggi at natatakot sa lahat at hindi naninindigan. Sa kabilang dako, nagiging mapangahas ang hindi natatakot at hinaharap ang lahat ng panganib. Sa ganoong paraan, nagiging mapagbigay sa sarili ang taong walang tinatanggihan at sumusuko sa lahat ng kasarapan. Habang nakikilala natin bilang manhid ang taong tumatanggi sa lahat; tulad ng taong barok. Nakikita natin na nasisira ng pagkalabis at pagkukulang ang hinahon at katapangan, at pinananatili ng gitnang sukat.1

Hindi lamang sabay na sanhi at paraan ng kanilang pagkawasak ang mga kilos na sabay na pagpapabunga at pagpapatubo ng mga uri ng kabutihan; kundi ipinapahayag rin sila sa aktibong pagsasatupad ng mga uri ng kabutihan. Makikita ang katotohanan nito sa kalagayan ng ibang mapag-aaralang katangian, halimbawa, ang lakas. Nagkakaroon ng lakas sa pamamagitan ng pagkain ng marami at pagtitiis ng mabigat na trabaho, at ang taong malakas ang higit na may kakayahang makagagawa ng mga bagay na ito. Ganoon din sa mga uri ng kabutihan: sa pamamagitan ng pagtanggi sa mga bagay na nagbibigay-sarap, nagkakaroon ng kapangyarihan sa sarili ang isang tao, at higit na may kakayanang tumanggi sa mga bagay na nagbibigay-sarap ang taong nakakakamit ng kapangyarihan sa sarili. Ganito na rin sa katapangan: sa pagsasanay na maliitin at tiisin ang mga bagay na nakatatakot, nagiging matapang tayo at kapag naging matapang, higit na natitiis ang nakatatakot.

3.Sarap at sakit bilang pagsubok sa kabutihan

Maituturo ang ating mga katangian ng sarap at ng sakit na sumusunod sa mga gawaing ating naisasatupad. May kapangyarihan sa sarili ang taong malugod na nakatatanggi sa kasarapang pangkatawan: kung mahirap ito para sa kanya, siya'y mapagbigay-hilig. Matapang ang taong malugod, o kahit man lang ang walang pagdurusang pagtitiis sa panganib. Kung tinitiis niya ito na may pagdurusa, duwag siya. Kaakibat ang kahusayang moral sa sarap at sakit; ang sumasanhi ang sarap sa ating mga mababang kilos at ang sakit ang humahadlang sa ating pagtupad sa mabuting gawain. Dahil dito, katulad ng sinasabi ni Platon, dapat patubuin ang tao mula sa kabataan sa paraan na ipinararanas sa kanya ang sarap at ang sakit para sa tamang bagay dahil ito ang kahulugan ng mabuting edukasyon.

Higit pa, dahil may kinalaman sa kilos at damdamin ang mga uri ng kabutihan, at dahil bunga ng bawat damdamin ang sarap at sakit, at sa pananaw na ito, may kinalaman din sa sarap at sakit ang kabutihan ng bawat pagkilos. Pinatitibay ito ng katotohanan na ibinibigay ang parusa sa pamamagitan ng sakit. Dahil isang uring gamot ang pagpaparusa at ayon sa kalikasan ng gamot, kailangan nitong ibigay ang kabaliktaran ng sakit upang maging mabisa. Katulad ng nasabi na, ipinakikita ng bawat katangian ng kaluluwa ang kanilang tunay na kalikasan sa kaugnayan at pagkasangkot sa mga bagay na nagpapabuti o nagpapasama. Ngunit nasa pamamagitan ng sakit at ng sarap ang pagkakorap ng tao, i.e. nasa paghahanap at pag-iwas sa sarap at sa sakit na maling uri, o sa maling panahon, o sa maling paraan, o sa pagkakamali sa anumang maipakikitang aspeto. Sa ganoong paraan, inuunawa ng ibang tao ang kabutihan bilang kalagayan ng kalayaan mula sa damdamin at ng kalagayan ng kapayapaan. Gayunpaman, nagkakamali sila sa paggamit ng pang-uunawang ito nang walang pasubali at hindi dinadagdag ang ilang mga katagang nagpapalinaw tulad ng sa tamang paraan, sa tama o sa maling panahon, etc. Samakatuwid, maaari nating ipalagay bilang batayan ng ating pagtalakay na, bilang may kinalaman sa sarap at sa sakit sa paraang natalakay na natin, nagpapakilos ang kabutihan sa atin sa pinakamabisang paraan sa mga bagay na kaugnay ng sarap at ng sakit, at ang kabaligtaran naman ang ginagawa ng masamang gawi.

Maaaring maipakita na may kinalaman ang kabutihan sa sarap at sa sakit sa sumusunod na mga bagay na dapat isaalang-alang. May tatlong bagay na nagtatakda sa pagpili at may tatlong bagay na nagtatakda sa pag-iwas: sa isang banda, ang magiting, ang makabubuti, at ang nakapagbibigay ng giliw at sa kabilang banda ang kanilang kabaliktaran: ang mababaw, ang makasasama, at ang nakakapagdulot ng sakit. Pumapatungo sa paggawa ng tama ang mabuting tao at pumapatungo sa paggawa ng mali ang masama, kapag ang kahit ano sa mga ito, lalo na ang kagiliwan, ay nakasangkot. Hindi lamang parehong bahagi ng tao at ng hayop ang pagkamagiliw, ngunit bahagi rin ito ng mga obheto ng pagpapasya. Kung tutuusin, tila kagiliw-giliw sa atin ang magiting at ang makabubuti. Higit pa, tumutubong kasama natin mula sa pagkasanggol ang pagnanais sa pagkamagiliw. Samakatuwid, naiuukit na sa ating buhay ang damdaming ito at mahirap nang alisin. Ginagamit sa malaki o maliit na paraan, kahit bilang pamantayan ng ating pagkilos, ang sarap at sakit. Dahil dito, kailangang nakasangkot ang buong pagmumunimuning ito sa sarap at sakit: dahil hindi maliit na bagay para sa ating mga kilos kung nararanasan natin ang kagiliwan o sakit sa tama o maling paraan. Sa pag-uulit, mas mahirap labanan ang sarap kaysa sa sakit, katulad ng sinasabi ni Heraklitus, at ang kabutihan at ang sining ay laging nauukol sa higit na mahirap, dahil higit na mabuti ang tagumpay kung mahirap itong makamtan. Kaya, sa ganito ring dahilan, kinakailangang harapin ang ukol sa sarap at sakit ng bawa't pagmumuni-muni ukol sa pagpapakabuti at sa pulitika; dahil kung may tamang pananaw ang tao rito, magiging mabuti siya, at kung may maling pananaw, magiging masama siya.

Naitatag na natin ngayon kung papaano nakasangkot ang kabutihan, galing o kahusayan, sa sarap at sa sakit, na napapatubo nito ang mga kilos na nagbubunga rito at kung mali ang pagtupad, winawasak ito. At higit na natutupad ng kabutihan ang sarili nito sa pamamagitan ng mga gawaing pinagmumulan nito.

4.Ang mabuting pagkilos at ang kabutihan

Ngunit maaaring itanong kung ano ang ibig nating sabihin kapag sinasabi na nagiging makatarungan ang tao sa pagpapatupad ng makatarungang gawain at ang ibig sabihin ng nagkakaroon ng hinahon kapag tinutupad ang pagpipigil sa sarili. Dahil kung naisasatupad nila ang makatarungang gawain at naisasatupad ang pagpigil sa sarili, masasabing makatarungan na at hinahon na sila--sa parehong paraan na nakapag-araal at may kakayanan sa musika ang tao kung nakakapagsulat na siya ng tama at nakakatugtog na ng musika.

Subalit may katotohanan ba ang ganitong pagtutol kahit sa larangan ng sining? Hindi. Maaaring makapagsulat ng tamang komposisyon ang isang tao dahil naka-tsamba siya o dahil sa tulong ng iba. Ngunit may pinag-aralan lamang siya kung nakagawa siya ng isang kapirasong sanaysay sa paraan ng nakapag-aral. Ang ibig nating sabihin, nagawa niya ito ayon sa kakayahan ng may pinag-aralang pagsusulat na taglay niya mismo.

Higit pa rito, hindi pareho ang mga bagay na may kinalaman sa mga sining at sa mga uri ng kabutihan. Sa sining, taglay ng bunga nito ang kahusayan, kaya sapat na kung taglay ng likhang sining ang ilang mga katangian. Ngunit sa larangan ng kabutihan, hindi pa naisasatupad ang isang uring kilos. Naisatupad lamang ang kabutihan kung, kasabay ng pagkilos nito, taglay ng kumikilos ang sumusunod na katangian: unang una, kailangang alam niya kung ano ang kanyang ginagawa; pangalawa, dapat ipasya niyang kumilos sa ganoong paraan, at dapat walang ibang sanhi ang pagpasya kundi ang kilos mismo; at ikatatlo, dapat nagmumula ang kilos sa matatag at hindi nagbabagong disposisyon. Maliban sa pag-uunawa sa kahulugan ng gawain, hindi pumapasok ang ibang mga kundisyon sa pagiging mahusay sa sining; subalit upang maging mahusay sa kabutihan, mamamaliit o walang halaga ang kaalaman, habang ang dalawang kundisyon na naiwan ay hindi maaaring maliitin--sa halip ito ang pinakamahalaga--dahil nasa paulit-ulit na pagsasatupad ng katarungan at hinahon ang pagkamit sa mga uri ng kabutihang ito. Sa madaling salita, makatarungan at mahinahoon ang mga kilos kung mga kilos na isinasatupad ito ng taong makatarungan at mahinahon. Subalit hindi makatarungan at walang hinahon ang taong tumutupad ng kilos na ito kung hindi niya isinasatupad ang mga ito nang ayon sa paraan ng pagsasatupad ng taong makatarungan at ng taong mahinahon.

Samakatuwid, tama ang ating paninindigan na nagiging makatarungan ang tao sa pagsasatupad ng mga kilos na makatarungan at nagiging mapagpigil sa sarili sa pagsasatupad ng mga gawaing may pagpigil nga sa sarili. Kung walang pagsasatupad sa mga kilos na ito, wala ni isang maglalakbay sa landas ng pagiging mabuti. Ngunit hindi tumutupad sa ganitong gawain ang karamihan, at sa pamamagitan ng pagtago sa likod ng mga argumento, inaakala nila na namimilosopiya na sila at sa ganitong paraan, inaakalang magiging mabuti sila. Dahil sa ganitong gawain, para silang taong may sakit na nakikinig nang mabuti sa bilin ng doktor ngunit walang sinusunod sa kanyang sinasabi. Hindi magdadala ng kalusugan sa katawan ang ganitong uri ng paggamot, at hindi magdadala ng kalusugan sa kaluluwa ang ganitong pamimilosopiya.

5. Definisyon ng arete: ang genus

Ang pagbibigaay ng definisyon sa arete o kahusayan ang susunod na punto na dapat talakayin. Dahil may tatlong uri ng bagay na matatagpuan sa kaluluwa: 1) damdamin, 2) kakayahan, 3) disposisyon, at isa sa mga ito ang kabutihan. Sa "damdamin" tinutukoy ko ang mga pagnanais, galit, takot, tiwala sa sarili, inggit, ligaya, pag-ibig, yamot, pagnanais, paghanga, ano mang nagdudulot ng kagiliwan at sakit. Sa "kakayahan" tinutukoy ko ang nagbibigay ng kakayahan sa tao na maranasan ang mga damdaming ito: halimbawa ang kakayahan na nagpapadama sa atin ng galit, ng sakit, o ng awa. At sa "disposisyon" tinutukoy ko ang kalagayan, mabuti man o masama, na kinaroroonan natin kaugnay ng ating mga damdamin: halimbawa, masama ang kalagayan ng loob kaugnay ng galit kung labis na marahas ang galit o hindi sapat na marahas. Ngunit mabuti ang ating kalagayan kung katamtaman lamang ito, at ganoon din ukol sa mga kundisyon na may kinalaman sa ibang damdamin.

Hindi maaaring damdamin ang mga uri ng kabutihan at masamang gawi dahil hindi tayo tinatawag na mabuti o masama batay sa damdamin, ngunit batay sa mga uri ng kabutihan o masamang gawi. Sa ganoon ding paraan, hindi tayo pinupuri o pinagbibintangan dahil sa ating mga damdamin. Hindi nakatatanggap ng puri o bintang ang tao dahil takot o galit siya, ni binibintangan sa pagiging basta galit lang kundi dahil sa pagiging galit sa isang paraan. Subalit, pinupuri at binibintangan tayo para sa mga uri ng kabutihan at masamang gawi. Higit pa, walang pagpapasyang nakasangkot kapag nakadama tayo ng galit o takot, habang isang uring pagpapasya o nakasangkot na pagpapasya ang kabutihan. At higit pa, sinasabing pinakikilos tayong kaugnay ng mga damdamin, ngunit hindi sinasabing "pinakikilos" tayo ng mga uri ng kabutihan at masamang gawi, kundi pinahihilig tayo sa isang uri ng paraan.

Sa ganitong dahilan, hindi rin maituturing na kakayahan ang mga uri ng kabutihan, dahil hindi tayo itinuturing na mabuti o masama ni ipinupuri o binibintangan dahil lang may kakayahan tayong maapektuhan. Higit pa, ibinigay sa atin ng kalikasan ang mga kakayahan. Subalit hindi tayo nagiging mabuti o masamang tao ayon sa kalikasan. Natalakay na natin ito. Samakatuwid, kung hindi damdamin ni kakayahan ang kabutihan, natitira na lamang ang posibilidad ng kanilang pagiging disposisyon. Sapat na ang nasabi ukol sa genus ng arete.

6. Definisyon ng arete : Ang differentia

Subalit hindi sapat na bigyan ng definisyon ang kabutihan sa malawakang paraan bilang isang disposisyon: dapat ding tiyakin kung anong uri ng katangian ito. Kaya, kailangang ang bawa't kabutihan o kahusayan ay 1) nagdudulot ng kabutihan sa bagay mismo na binibigyang tangi nito at 2) sinasanhi nito ang bagay na isatupad na gawin ang mabuti. Halimbawa, pinabubuti ang mata at ang gamit nito ng kagalingan ng mata, dahil bunga ng kahusayan mata ang mahusay na paningin. Sa ganoong paraan, ang kahusayan ng kabayo ay sumasanhi ng kahusayan nito bilang kabayo at kahusayan nito sa pagtakbo, at sa pagdala ng sumasakay, at sa husay ng pagharap sa kaaway. Ngayon kung totoo ito para sa lahat ng bagay, ang kabutihan o galing ng tao rin ang katangian na sumasanhi sa kanyang pagiging mabuting tao, at sinasanhi niyang isatupad ang gawaing mabuti. Sa isang paraan, naipakita na natin kung papaano ito nagiging totoo; lilinaw pa ang ibang aspeto nito kung pag-aaralan natin ang kalikasan ng kabutihan.

Sa bawat buong bagay na mahahati sa mga bahagi, maaaring kumuha ng mas malaki, ng mas maliit, o ng pantay na bahagi, at maaaring maging mas malaki, mas maliit ang bagay, o pantay kaugnay ng bagay mismo o kaugnay natin. "Gitna sa pagkalabis at pagkukulang ang pantay na bahagi." Sa gitna ng bagay, tinutukoy ko ang puntong kasing layo sa dalawang dulo, at pareho para sa lahat ang puntong ito. Sa gitna na kaugnay natin, nauunawaan ko ang sukat na hindi masyadong malaki o maliit, at hindi ito iisa o pareho para sa lahat. Bilang halimbawa, kung ang marami ang sampu at kakaunti ang dalawa, ang anim ang itinuturing na gitna kaugnay sa bagay mismo dahil humihigit ito at hinihigitan ito ng parehong numero, samakatuwid ito'y gitna na sinukat ayon sa mga proporsyong aritmetiko. Ngunit hindi natutuklasan sa kaparehong paraan ang gitnang kaugnay natin. Kung labis kainin ng isang tao ang sampung kilo ng pagkain, at kulang ang dalawang kilo, hindi nangangahulugang ipapayo ng tagapagsanay na kumain (ang manlalaro) ng anim na kilo ng pagkain, dahil maaaring labis o kulang ito para sa kanya. Maaaring kakaunti ito para kay Milo at labis ito para sa isang nagsisimulang manlalaro. Ganito rin para sa pagtakbo at pakikipagbuno. Kaya nakikita natin na umiiwas sa pagkukulang at pagmamalabis ang bihasa sa anumang laro, at hinahagilap ang gitna at pinipili ito na kaugnay sa kanya at hindi sa bagay mismo.

Samakatuwid, kung sa pamamagitan ng paghahanap sa ganitong sukat at sa paghahatid ng kanilang gawain sa puntong ito ng kalagitnaan nagiging ganap ang gawain ng bawa't agham--at ito ang dahilan kung bakit sinasabi na hindi maaaring mabawasan o madagdagan ang isang mahusay na likha, at ito'y nangangahulugang nakasisira ng gawa ang pagkukulang at pagkalabis habang napatitibay ito ng gitnang sukat (ang mahusay na manggagawa, sinasabi natin, ay nakatuon sa pamantayang ito habang itinutupad ang kanilang trabaho) -- at kung higit na tiyak at higit na mabuti ang kabutihang katulad ng kalikasan, kailangan nating makita na nakatuon ang kabutihan sa medyo kalagitnaang sukat. Tinutukoy ko ang kabutihang moral: dahil ang kabutihang moral ang nakatuon sa kilos at damdamin, at katatagpuan ng kalabisan, kakulangan, at kalagitnaang sukat. Sa ganitong paraan, nararanasan natin ang takot, tiwala sa sarili, pagnanais, galit, awa at anumang sarap at sakit sa paraang humigit kumulang, at sa magkatulad na pagkakataong hindi sila wasto. Subalit kung maranasan ito sa wastong panahon, patungo sa wastong bagay, patungo sa wastong tao, para sa wastong dahilan, at sa wastong paraan--ito ang kalagitnaang sukat at ang pinakamabuting paraan: paraan na tanda ng kabutihan.

Sa magkatulad na paraan, maaaari ring matagpuan sa mga kilos ang pagkalabis, pagkukulang, at ang gitna. Kaugnay sa kilos at sa damdamin ang kabutihan: hindi nagiging wasto para sa damdamin at sa kilos ang pagkalabis at ang pagkukulang; habang pinupuri at nagdadala ng tagumpay ang gitnang sukat. At tanda ng kabutihan o kahusayan ang pagpuri at ang tagumpay. Samakatuwid, pumapagitna ang kabutihan dahil pumapatungo ito sa kalagitnaang sukat. Ito pinatitibay ito ng katotohanan na maraming paraan ng paglihis at iisang tamang paraan lamang ang wasto--dahil bahagi ng kawalang katiyakan ang kasamaan -- katulad ng ipinapalagay ng mga Pitagoreano -- ngunit patungo sa tiyak ang mabuti. Ito rin ang dahilan kung bakit madali ang isa at mahirap naman ang isa: madaling dumaplis at mahirap tamaan ang pinatatamaan. Ito ang karagdagang patunay na tanda ng masamang gawi ang ang kalabisan at pagkukulang habang tanda ng kabutihan ang gitna : "dahil maraming paraan ang masasamang tao, ngunit iisa lamang ang para sa mabuti".
Maaari natin ngayong makita na ang arete, kabutihan o kahusayan ay katangiang kasangkot ang pagpasya, at isinasatupad ito sa pamamagitan ng paghahagilap sa gitnang sukat na kaugnay natin, ang gitnang sukat na binibigyang-kahulugan ng makatwirang pamantayan, katulad ng pamantayang gagamitin ng taong may karunungang praktikal. Ito ang gitnang sukat ayon sa dalawang bisyo: ang kalabisan at ang kakulangan. Higit pa, gitnang sukat ito dahil lumalabis ang ibang bisyo at nagkukulang ang iba mula sa hinihingi ng damdamin at kilos, habang hinahanap at ipinapasya ng kabutihan ang kalagitnaang sukat. Samakatuwid, ayon sa kanyang esensiya at sa kahulugan ng kanyang esensiyal na kalikasan, gitna ang kabutihan ngunit isang kalabisan ito ayon sa kabutihan at sa kahusayan.

Walang gitnang sukat ang lahat ng kilos ni lahat ng damdamin. May ibang kilos at damdamin na nagpapahayag na ng kababawan sa pangalan pa lamang. Halimbawa, pagwawalang-hiya, inggit. Sa mga kilos: pakikiapid, pagnanakaw, at pagpatay. Ipinapahayag ng mga pangalan nito at ibang natutulad na damdamin at kilos na masama sila: hindi sila itinuturing na masama dahil sa kanilang pagkukulang at pagkalabis. Samakatuwid hindi posible na gumawa ng mabuti sa pagsasatupad ng mga ito: palaging paggawa ng masama ang pagsasatupad nito. Sa ganitong kalagayan, halimbawa ang pakikiapid, na hindi nakasalalay ang pagiging tama o mali sa pagtutupad nito na kasama ng tamang babae, sa tamang panahon, sa tamang paraan. Basta nagawa ang kilos na ito, nagawa na ang kamalian. Kasing absurdong isipin na may gitnang sukat, kalabisan at pagkukulang ang pagiging hindi makatarungan o pagkaduwag o mapagbigay-hilig sa sarili. Dahil kung ganoon, mayroon ding gitnang-sukat ng kalabisan, at gitnang sukat ng pagkukulang at kalabisan ng kalabisan at pagkukulang ng pagkukulang. At dahil hindi maaaring magkaroon ng kalabisan at pagukulang ang hinahon at ang katapangan -- dahil sa isang pananaw, isang dulo na ang ang gitnang sukat -- hindi rin maaaring magkaroon ng gitnang sukat, kalabisan, at pagkukulang sa kanilang kabaliktaran: dahil mali ang kanilang kabaliktaran papaano man sila naisatupad. Dahil, sa pangkalahatan, walang matatawag na gitnang sukat ng isang kalabisan ni ng isang pagkukulang, ni maging kalabisan at pagkukulang ang isang gitnang sukat.

7.Mga halimbawa ng gitnang sukat sa mga partikular na kabutihan

Ngunit hindi sapat ang malawakang pag-uunawang ito; kailangang ipakita kung papaano ito nahuhubog sa mga partikular na pagkakataon. Sa isang pagtalakay sa kilos moral, bagama't higit na malawak ang aplikasyon ng mga malawakang pangungusap, higit na totoo ang mga pangungusap ukol sa mga partikular na bagay: nakatuon ang mga kilos sa mga partikular at kailangang makibagay ang ating mga sinasabi sa kanila. Kumuha tayo ngayon ng mga partikular na kabutihan at mga bisyo mula sa ating listahan.

Sa mga damdamin ng takot at pagtitiwala sa sarili, ang katapangan ang gitnang sukat. Para sa mga kalabisan, walang pangalan para sa mga taong lumalabis ang katapangan--maraming kabutihan at bisyo ang walang pangalan: ngunit ang taong lumalabis sa pagtitiwala sa sarili ay nagiging marahas, at duwag ang taong lumalabis ang takot at nagkukulang ng tiwala sa sarili.

Ukol sa ating mga kasarapan at pasakit--bagama't hindi lahat at di-gaanong katindi sa larangan ng sakit--ang gitnang sukat ay ang hinahon at ang kalabisan ay pagbibigay hilig sa sarili. Hindi madalas matagpuan ang taong nagkukulang sa sarap, at samakatuwid walang pangalan para sa kanila, ngunit tawagin natin silang "manhid".

Sa paggastos at pagkuha ng salapi, ang gitnang sukat ay pagiging mapagbigay, ang kalabisan at pagkukulang ay ang pagiging maluho at pagiging kuripot. Sa mga bisyong ito, ang kalabisan at pagkukulang ay kumikilos sa magkabaligtarang paraan: ang taong maluho ay lumalabis sa paggastos at nagkukulang sa pagkuha, habang ang taong kuripot ay lumalabis sa pagkuha at nagkukulang sa paggastos. Para sa ating kasalukuyang pakay, sapat na ang isang balangkas at pagbibigay-buod, ngunit higit nating uunawain ang mga katangiang ito sa mga susunod na bahagi.

May iba ring kalagayan ng kalooban na kaugnay sa pera: ang bukas-palad ay gitnang sukat (dahil mayroong pagkakaiba ang taong bukas-palad at taong mapagbigay dahil ang nauna'y kumikilos sa malawakang nibel at ang sumusunod ay kumikilos sa maliliit na nibel); ang pagiging mapagpakitang-tao at ang pagkabulgar ang kalabisan, at pagkasakim ang pagkukulang. Ang mga masamang gawing ito ay naiiba sa masamang gawing kabaliktaran ng pagkabukas-palad. Ngunit ipagpaliban muna natin ang pagtatalakay sa paraan ng pagkakaiba.

Tungkol naman sa dangal at kawalang-dangal, ang gitnang sukat ang pagka-marangal, at ang kalabisan ay kayabangan at ang pagkukulang ay kakitiran ng isip. Ang parehong kaugnayan na sinasabi nating umiiral sa pagitan ng pagkabukas-palad at ng pagkamapagbigay, na siyang ipinagkakaiba ng pagkilos sa isa dahil kumikilos ito sa mas makitid na nibel, ay umiiral din sa karangalan at sa isa pang kabutihan: ang isa'y may kinalaman sa malawak at ang isa'y may kinalaman sa makitid na karangalan. Dahil maaaring naisin ang karangalan ayon sa nararapat o higit sa nararapat, o nagkukulang sa nararapat ang lumalabis sa pagnanais ay ambisyoso, ang nagkukulang ay walang ambisyon, ngunit walang pangalan para sa isang nananatili sa gitnang sukat. Wala ring mga pangalan para sa mga katumbas na disposisyon maliban sa disposisyon ng taong ambisyoso na tinatawag na ambisyon. Bilang bunga nito, ipinapalagay ng mga taong nananatili sa magkabilang dulo na sila ang nasa gitna. Tayo mismo, kung tutuusin, ay tumuturing sa taong nasa gitna bilang ambisyoso at minsan bilang walang ambisyon: minsan pinupuri natin ang ambisyoso at minsan ang walang ambisyon. Kung bakit natin ito ginagawa ay tatalakayin sa susunod na bahagi. Sa ngayon, tatalakayin natin ang ibang kabutihan at masamang gawi ayon sa mga paraang nasimulan na natin.

Ukol sa galit, mayroon din itong kalabisan, kakulangan, at gitang sukat. Bagaman wala talagang pangalan para sa mga ito, maaaring tawagin ang gitnang sukat bilang pagkamahinahon, dahil itinuturing nating mahinahon ang tao sa gitnang sukat. Sa magkabilang dulo, tawagin natin ang humihigit bilang mainitin ang ulo at ang kanyang bisyo bilang isang kainitan ng ulo, at tawagin ang nagkukulang na walang pakialam at ang kanyang bisyo ay ang kawalang pakialam.

Higit pa, may tatlong katangiang nasa gitna na mayroong pagkakatulad sa isa't isa bagama't iba pa rin sa isa't isa. May kinalaman sila sa makataong pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng salita at gawa, subalit ito'y nagkakaiba dahil ang isa'y may kinalaman sa katotohanan, sa pagsalita at pagkilos at ang natitirang dalawa'y may kinalaman sa pagpapagiliw: 1) pagpapagiliw sa pag-aaliw at b) pagpapagiliw sa karaniwang buhay. Kailangan pa nating isama ang mga ito sa ating pagtalakay upang lalong makita na ang gitnang sukat ay nararapat purihin sa lahat ng bagay at ang dulo'y ni hindi kapuripuri o tama, sa halip dapat pang punahin. Dito rin ang maraming kabutihan at bisyo ay walang pangalan, ngunit alang-alang sa pagpapalinaw at mas madaling pag-uunawa dapat natin silang bigyan ng pangalan, katulad ng ginawa natin sa ibang pagkakataon.

Ito ang punto: kaugnay sa katotohanan tawagin natin ang nasa gitnang sukat bilang makatotohanan at ang gitna bilang pagkamakatotohanan. Kayabangan ang pagkukunwari sa anyo ng pagmamalabis at ang may taglay nito ay mayabang, habang ang pagkukunwari sa anyo ng pagmamaliit ay pagmamaliit sa sarili at ang may taglay nito nagmamaliit ng sarili.

Tungkol naman sa kagiliwan sa pag-aaliw, ang taong nasa gitna ay matalisik at ang kanyang disposisyon ay pagka-matalisik. Ang kalabisan ay kalokohan at ang may taglay nito loko-loko, at ang taong nagkukulang ay walang-hiya at ang katumbas na katangian ay pagka-walang-hiya.

Ayon sa isang uring kagiliwan, ang kagiliwan sa karaniwang buhay, ang taong nagigiliwan ayon sa tamang sukat ay mapagkaibigan at ang gitna ay pagiging mapagkaibigan. Ang lumalabis ay mahilig magpagamit kung wala siyang pakay sa pagiging nakakagalak, ngunit kung kumikilos siya para sa sariling materyal na kapakanan, siya ay sipsip. At sa kabilang dako ang taong nagkukulang at nakakainis sa bawa't paraan ay palaaway at masungit.

May gitnang sukat din sa ating mga karanasang emosyonal at sa ating mga damdamin. Kaya, bagama't ang damdamin ng hiya ay hindi kabutihan, pinupuri ang taong mahiyain o mapagpakumbaba. Dahil kahit sa mga bagay na ito, pinag-uusapan ang isang uring tao bilang nasa gitna at ng iba bilang lumalabis kung siya'y nangangatog sa takot at napapahiya sa lahat ng bagay. Sa kabilang dako, tinatawag na walang hiya ang taong nagkukulang sa hiya o walang-wala nito, habang ang nasa gitna ay mahiyain o mapagpakumbaba.

Ang wastong pagkagalit ang gitnang sukat ng inggit at pagmamaliit, dahil kaugnay ang lahat ng ito ang sakit at kagiliwan na nararanasan natin tungo sa kapalaran ng ating kapwa. Ang makatarungang tao ay nasasaktan kung ang isa'y umaasenso nang hindi nararapat. Nalalampasan siya ng taong inggitin dahil nasasaktan siya sa pag-aasenso nino man, at ang taong mapagmaliit ay ganap na nagkukulang sa kakayahang makaranas ng sakit kaya natutuwa pa siya (kapag ang isa'y nagdurusa nang hindi nararapat).

Ngunit magkakaroon pa tayo ng pagkakataong talakayin ang mga bagay na ito sa ibang bahagi ng pagmumunimuni. Pagkatapos noon, tatalakayin natin ang katarungan. At sapagkat higit sa isang kahulugan ang taglay nito, ipagkakaiba natin ang dalawang uring katarungan at ipapakita kung papaano ito nagiging gitnang sukat.

8.Ang kaugnayan sa pagitan ng gitnang sukat at ng mga dulo

Mayroong tatlong uri ng disposisyon: ang dalawa'y bisyo (ang tanda ng isa'y kalabisan at ng isa naman ay pagkukulang), at ang isa, ang kabutihan, ay gitnang sukat. Ngayon, ang bawat isa sa mga kalagayan ng loob na ito ay kasalungat ng dalawang nalalabi; ang dalawang dulo ay kasalungat sa gitnang sukat at sa isa't isa, at ang gitnang sukat ay salungat sa mga dulo. Tulad sa pagkahigit ng isang sukat sa mas maliit na sukat at sa pagkaliit nito kaugnay sa mas malaking sukat, sa kaso ng damdamin at ng mga kilos, lumalampas ang mga gitnang katangian sa mga pagkukulang at nagkukulang kung ihahambing sa kalabisan. Halimbawa, nagmumukhang barumbado ang taong matapang kung ihahambing siya sa duwag, ngunit nagmumukha siyang duwag kung ihahambing sa barumbado. Sa ganoong paraan, tila mahinahon ang taong mapagbigay-hilig kung ihahambing sa taong manhid, at manhid kung ihambing sa taong mapagbigay-hilig, at nagmumukhang maaksaya ang mapagbigay kung ihahambing sa kuripot, at kuripot kung ihahambing sa maaksayang tao. Ito ang dahilan kung bakit natutulak sa kabilang dulo ng mga nasa dulo ang mga taong nasa gitna: tinatawag ng duwag na barumbado ang matapang, at tinatawag ng barumbado na duwag ang matapang, at ganoon din sa ibang mga katangian.
Subali't bagama't magkasalungat ang tatlong disposisyon, mas salungat ang magkabilang dulo sa isa't isa kaysa sa gitnang sukat, dahil mas malayo sila sa isa't isa kaysa sa gitnang sukat, tulad ng pagiging mas malayo ng maliit sa malaki at malaki sa maliit kung ihahambing ang kanilang pagkalayo sa gitna. Higit pa, tila may pagkakatulad ang ibang dulo sa gitnang sukat. Halimbawa, ang pagkabarumbado ay may pagkakatulad sa katapangan at ang pagkamaaksaya ay may pagkakatulad sa pagkabukas-palad, ngunit ibang iba ang mga ito sa kabilang dulo. At itinuturing na kabaliktaran ang mga bagay na pinakamalayo sa isa't isa, at ipinapakita nito na higit na magkabaliktad ang mga bagay na higit na malayo sa isa't isa. Sa ibang pagkakataon, ang pagkakulang at sa iba naman ang kalabisan ang higit na kabaliktaran ng gitnang sukat. Halimbawa, hindi ang kalabisan, ang pagkawalang-bahala, ang mas kabaliktaran ng katapangan, kundi ang pagkukulang, ang pagkaduwag. Habang sa pagkamahinahon, hindi ang pagkukulang o pagkamanhid. Ngunit ang kalabisan o pagbibigay hilig ang higit na kalikasan ng bagay mismo: kapag ang isang dulo ay mas malapit at mas natutulad sa gitnang sukat, hindi ito kundi ang kabilang dulo ang itinuturing nating kabaliktaran ng gitnang sukat. Halimbawa, dahil itinuturing na katulad at mas malapit sa katapangan ang pagkawalang-bahala, at ang karuwagan bilang higit na naiiba, ang karuwagan, higit sa pagkawalang-bahala ang itinuturing nating kabaliktaran ng katapangan. Dahil ang mas malayo sa gitna ang itinuturing na kabaliktaran. Iiwan na natin ang sanhi na nagmumula sa bagay mismo. Matatagpuan sa ating sarili ang ikalawang dahilan: habang higit na naaakit ang tao sa ano mang bagay, higit itong nagmumukhang kabaliktaran ng gitnang sukat. Halimbawa, dahil higit tayong naaakit ng sarap, higit tayong bumabaling sa pagbibigay-hilig sa sarili kaysa sa buhay na may disiplina. Inilalarawan natin bilang higit na salungat sa gitnang sukat ang mga bagay na higit na matindi ang ating pagbaling; at dahil doon, ang pagbibigay-hilig sa sarili ang kalabisan, na higit na salungat sa pagka-may-kontrol sa sarili kaysa sa katumbas nitong pagkukulang.

9. Kung papaano nararating ang gitnang sukat

Sapat na natin naipakita na 1) ang moral na kabutihan ay gitna at kung ano ang kahulugan ng pagiging gitna nito; 2) na gitna ito ng dalawang masasamang gawi, ang isang dulo ay may tanda ng kalabisan at ang kabilang dulo ng pagkukulang; 3) na ito'y gitna dahil hinahagilap nito ang gitnang sukat sa damdamin at kilos. Kaya naman mahirap na gawain ang maging mabuti; sa bawa't pagkakataon mahirap na gawain ang paghahanap sa gitnang sukat. Halimbawa, hindi natatagpuan ang lahat ng gitna ng bilog, maliban sa taong may sapat na kaalaman. Sa ganong paraan, kahit na sino ay maaaring magalit,--madali iyon--o makapamigay ng pera o igastos ito, subalit ang magawa ito sa tamang tao, sa tamang sukat, sa tamang panahon, para sa tamang dahilan, at sa tamang paraan ay hindi madali na basta magagawa ng kahit sino. Dahil dito, ang mabuting asal ay bihirang matagpuan, kapuri-puri at marangal.

Samakatuwid, dapat pag-abalahan ng taong naghahagilap sa gitnang sukat ang pag-iwas sa dulong higit na katunggali nito. Tulad ng ipinapayo ni Calypso: "Ilayo mo ang iyong bangka mula roon sa humahampas na alon at sa dalampasigan." Dahil ang isa sa dalawang dulo ay may taliwas sa totoo kaysa sa isa, at dahil mahirap marating ang gitnang sukat, kailangan nating maglakbay, katulad ng kasabihan, sa ikalawang pinakamabuting paraan at piliin ang paraan ng kasamaang hindi gaanong masama. At higit itong maisasatupad sa paraang inilarawan natin.

Higit pa, kailangan nating bantayan ang mga pagkakamaling higit na nakakahalina sa ating sarili. Dahil ang likas na pagbaling ng isang tao ay naiiba sa ibang tao, at nakikilala natin ang ating sariling pagbaling sa pamamagitan ng pagpansin sa sarap at sakit na naidudulot sa atin (ng mga dulo). Kailangan ngayon nating hatakin ang sarili sa kabilang dulo, dahil nararating natin ang gitna sa pag-iwas sa pagkakamali, katulad ng ginawa ng tao kapag itinutuwid ang baluktot na kahoy. Sa bawat pagkakataon, dapat nating maging higit na maingat sa sarap at sa mga nagbibigay ng sarap, hindi tayo maaaring maging makatuwirang hukom sa larangan ng pagpapasarap. Dapat maitulad ang ating pananaw sa sarap sa pananaw ng mga matatanda ng Troya kay Helen, at dapat ulitin sa bawat pagkakataon ang mga salitang sinabi sa kanya. Dahil kung iwalang-halaga natin ang sarap nang katulad ng pagkawalang-halaga nila sa kanya, higit nating maiiwasan ang pagkakamali.
Sa pagbibigay buod, higit nating makakamit ang gitnang sukat sa pagkilos ng ganito. Subalit tiyak na mahirap ito, lalung-lalo na sa mga partikular na pagkakataon. Dahil hindi madaling ipasya kung papaano, kanino, kailan, at gaano katagal dapat magalit. May mga panahon na pinupuri natin ang mga taong nagkukulang sa galit at tinatawag silang mahinahon, at may ibang panahon na pinupuri natin ang marahas magalit at tinatawag siyang lalaki. Subalit hindi natin binibintangan ang tao sa kaunting paglihis sa landas ng kabutihan, lumihis man siya patungong kalabisan o patungong pagkukulang, ngunit sinisisi natin siya kung labis ang kanyang paglihis at malinaw itong napapansin. Hindi madaling itakda sa pamamagitan ng isang pormula kung kailan at gaano kalaki ang pagkalihis bago mabintangan ang isang tao. Subalit, kung tutuusin, pareho rin ito sa ano mang obheto ng pandama. Sa gitnang sukat nakasalalay ang pagpapasya ng ating pandamang (moral).

Ngunit ito ang malinaw: nararapat na purihin ang gitnang sukat sa ano mang pagkakataon, at kung minsan, kailangang bumaling sa kalabisan at kung minsan sa pagkukulang; dahil sa ganitong paraan, higit na madaling mararating ang gitnang sukat na sukdulan ng kahusayan.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home