Etika at Moralidad
ETIKA AT MORALIDAD
(Ang teksto ay galing sa turo ni Roque J. Ferriols, SJ)
Bong S. Eliab - Ateneo de Davao University
Ang Mga Katagang ethike at ethos
Ang paksa ng kursong ito ay tinatawag na "etika". Ang kataga ay Griyego, ethike, na nakaugat sa ethos: "ugali" o "nakaugaliang pamamalakad sa buhay". Natagpuan na ng mga sinaunang tao ang ugali na nakasanayan sa buhay bilang tao. Kaya masasabi nating may ethos ang bawat isa, ang bawat komunidad, sapagkat ang ethos ay kaugaliang tinatanggap ng isang komunidad bilang mabuti, dapat at mahalaga (Habermas 1996), sa kalinangan, sa tradisyon na ipinapasa sa bawat salinlahi (Gadamer 1984).
Bilang pambungad o malinaw-na-malabong pagtalakay sa kahulugan ng katagang ethos, maaring sabihin na ang ethos ng isang tao ay marangal o di marangal, patakaran ng isang tao na may magandang kalooban o kaya'y pamamalakad ng isang masamang loob, makahulugan o kabaliwan.
Ang nakatatawag pansin ay na tinitimbang ng tao ang uri ng pamumuhay ng kanyang kapuwa at ng kanyang sarili, hindi lamang sa nibel ng kalusugan (maaring sabihin na ang katawan ni kuwan ay masasaktin o mahina o malakas o matibay atbp.), sa nibel ng paghawak sa ari-arian (si kuwan ay mayaman, mahirap, dukha, mariwasa, atbp.), sa nibel ng kakayahan sa isang linya (magaling o patsamba-tsambang inhinyero, guro, doktor, kaminero, abogado, atbp.), kundi lalo na sa nibel ng mismong pagpapakatao.
Kaya't masasabi natin na mabuti o masama ang kondisyon ng katawan ni Juana (nasa kondisyon, ika nga, o wala sa kondisyon), na mabuti o masama ang kalagayan ng mga ari-arian ni Juan, na mabuting doktor si Petra o masamang doktor si kuwan, o mabuting kaminero si Pedro o masamang kaminero si kuwan . . . ngunit ang importante sa lahat ay kung mabuting tao o masamang tao ang isang tao. At iyan ang larangan ng etika.
Makikita rin natin dito na nagtatalaban ang mga nibel (Reyes 1989, 2). Aalagaan ng mabuting tao ang kanyang kalusugan upang makapaglingkod siya sa kapywa. Kung patsamba-tsamba lamang ang kaalaman ng isang mabuting tao ukol sa medisina'y hindi siya mangangahas na magtrabaho bilang doktor.
Tayong lahat ay merong mga kuro-kuro o atitud ukol sa kung ano ang mabuting tao o masamang tao. Madaling mapagmasdan iyan. Ngunit, kung susuriin natin ng mas masusi itong mga kuro-kuro o mga atitud na ito, marahil mahihirapan tayo. Maari pang mangyari na sa pagtatanong ng isang tuso ay magulo tayo at isipin pa natin na kalokohan pala ang buong usapan ukol sa mabuti o masama. Maari namang akayin tayo ng isang matinong pagtatanong sa mas maliwanag na pag-uunawa.
Hindi natin matatalakay ang lahat ng mga posibleng paninindigan ukol sa etika, ngunit, baka makatulong tingnan ang ilang mga atitud na kung minsa'y natatagpuan sa karaniwang pamumuhay.
Madalas ding gamitin ang katagang "moral" o "moralidad", dalawang kataga na katumbas ng "maka-etika" at "etika". Galing sa Latin, mos, moris, (=ethos) at morale, moralitas, (=ethike). Makikita natin na samu't sari ang paggamit ng salitang etika at moralidad. Mababakasan natin ito sa ating pang-araw-araw na salita: "ito ang karapatdapat", "ito ang mabuting gawin", "ito ang tamang plano", "ito ang wastong pasya" (Reyes 1989). Kaya minsan ang etika at moralidad ay gagamitin bilang magkasing-kahulugan, ngunit alisto tayo na iba ang pinanggalingan ng bawat isa.
Ukol sa normatibo at heuristiko
Ngunit, isang nota muna ukol sa paggamit sa mga kataga. Tingnan muna natin ang dalawang pamamalakad sa paggamit sa kataga.
Sa una, kinikilala na ang bawat kataga ay dapat gamitin ayon sa isang tumpak na kahulugan. At ang kahulugang tumpak na ito ay isang batas sa paggamit sa kataga. Halimbawa, ang kahulugan ng "pusa" ay "isang hayup na may balbas, malambot ang balat at balahibo, may matang nakakita sa dilim, nakakalakad at nakatatakbo na walang ingay, at kahit na ihulog na baliktad ay palaging lumalapag na nakatayo". Iyang kahulugang iyan ay isang batas: "Gagamitin mo ang katagang iyan sa kahulugang ito lamang." Ang ganitong paggamit ay tinatawag na normatibo mula sa katagang Llatin, "norma", na ang ibig sabihin ay "pamantayan", "sukatan".
Sa ikalawang pamamalakad naman, iyong gumagamit ay naghahanap; at kasangkapan sa paghahahanap ang kataga. Kaya't ang kataga ay palaging panturo sa hinahanap at sabay "tumatanggap ng hudyat" mula sa hinahanap. Tinatabasan ang kahulugan ng kataga upang maging angkop sa pagpapatuloy sa paghahanap at angkop sa mga nahahanapan. Halimbawa, ang katagang abot tanaw ay pantukoy sa nakikita o sa anomang nararanasan sa buong naabot ng pagtanaw: sa itaas, ibaba, harapan, likod, kaliwa, kanan, atbp. Sa ganitong paggamit, ang katagang "abot tanaw" ay sabay nilalaman: "ang natatanaw at nararanasan sa buong kapaligiran" at utos: "magpakaalisto ka sa hindi mo inaakala: tingnan! danasin!" At sapagkat ang natatanaw at nararanasan ay paiba-iba, ganoon din umiiba-iba ang nilalaman ng kataga; hindi sa patsamba-tsambang pag-iiba-iba, kundi batay sa istrikto't disiplinadong katapatan sa talagang natatanaw at nararanasan. Ang ganitong paggamit ay tinatawag na heuristiko mula sa katagang griyego, "heurisko", na ang ibig sabihin ay "naghahanap ako."
Ngayon, may dalawang pagmamasid:
1. Kailangan ang dalawang uring paggamit: normatibo sabay heuristiko.
Kung walang normatibo, maaring lubusang papalit-palit ang kahulugan ng mga kataga, kaya't wala talagang magiging kahulugan ang anomang kataga. Kung tinatanggap ang lahat ng kahulugan, wala talagang tinatanggap na kahulugan. Hindi magagamit na panturo ang daliri, kung walang tumpak na hugis ang kamay.
Sa kabilang panig naman, kung walang heuristiko, nakatakda na ang bawat kahulugan: wala ng posibilidad isipin ang hindi pa naiisip, unawain ang hindi pa nauunawaan; wala nang posibilidad tingnan at danasin ang hindi pa natitingnan at nararanasan.
2. May poder ang tao na pasiyahin kung kanyang bibigyan diin ang normatibo o ang heuristiko. Sa heuristikong paggamit sa "pusa", halimbawa, babalik ako sa mga sinaunang panahon noong ang pusa'y isang hindi inaakalang hayup, isang kababalaghan. Dadanasin ko ang katagang "pusa" bilang hudyat: "tingin! danas! akala mo'y kilala mo na ang pusa, hindi pa!" O maari namang gamitin ang "abot tanaw" sa normatibong paraan: "isang kalawakang pumapaligid, mula sa lahat ng dako, sa taong mulat: iyan at iyan lamang ang kahulugan."
At isang dagdag na pagmamasid:
Sa etika kailangan ang tuso at matinong paggamit sa normatibo upang maging malinaw ang usapan. Kailangang pairalin na walang sawa ang heuristiko upang ang pag-iisip ay maging ukol sa meron, sa pamamag-itan ng isang walang sawang pagtanaw at paghukay at pagtawid sa totoo, at hindi basta't ukol sa mga purong idea o purong konsepto.
Ehersisyo:
Ggamitin ang ethike, ethos, etika moral, moralidad, sa normatibong heuristkong paraan.
Gamitin ang ethike, ethos, etika moral, moralidad, sa heuristkong paraan.
Gumawa ng talaan o listahan ng Pilipinong balangkas at instruktura, mga kaugalian at tradisyon tulad ng bayanihan, pamamanhikan, pamahiin, harana, misa de gallo, at iba pa. Ipaliwanag ang mga ito sa normatibo-sabay-heuristikong paraan, ipaliwanag kung anong nibel ng pamantayang moral. Maging mulat na ang kaugalian pangkultura, pagpapahalagang tradisyunal at balangkas panlipunan ay maaring sinasakop ng iba ibang nibel.
ETIKANG GUMAGALAW SA TOTOO
Sa mga etikang gumagalaw sa oryentasyon ng umaabot-tanaw sa totoo, dalawa ang pag-aaralan natin sa kursong ito: ang etika ng ley natural at ang etikang maka-metapisika ng halaga, ang halagang moral
Ang ganitong uring etika ay hindi isang instrumento na may mga instruksyon kung papaano dapat gamitin. Pag-aralan ang mga instruksyon at magagamit mo na! Ang pamumuhay ayon sa ganitong etika ay hindi isang simpleng pag-aplikasyon ng isang listahan ng mga reglamento. Maingat mong basahin at malinaw na ang lahat! Isa-isahin mo na lamang at tiyak na wasto ang iyong pamumuhay! Ang ganyang paningin ay may lihim na paghahambing. Patagong itinutulad ang tao sa makina. Lahat ay maaring gawing otomatik. Ganoon din daw ang tao.
Ang taong nag-eetika ay taong nagpapakatao. Taong may isip, pag-ibig, kalayaan, pagpipili. Taong tumatanda at tumutubo sa katauhan, nagbabago at nahuhubog. ang bawat tao ayon sa kanyang sariling kompas. Kung kailangan gumamit ng talinhaga, marahil mas matitiis ang talinhaga ng punong kahoy, na sabay tumutubo sa ibabaw ng lupa at sa ilalim ng lupa, sabay may buhay panloob at palaging tumatalab at nagpapatalab sa panlabas, na may sariling kompas ngunit tubo pa rin ng tubo, tumutubo sa kanyang kabuoan, atbp.
Kaya't ang kailangan ay hindi isang aklat ng mga listahan at instruksyon, at mga reglamento, kundi ilang pahiwatig at mungkahi nang magising tayo sa pagtanaw, pagmumulat, pagmamalay sa mga maka-etikang karunungan at tawag na laganap sa daigdig, sa mismong kalikasan, natura, sansinukob--kung titingin lamang tayo at makikinig. Oo. Magkakaroon ng maraming lugar na magpapalabas ako ng isa, dalawa, tatlo. Ngunit, mahinahon na mambabasa, huwag mo sana ituturing ang mga iyon na listahan ng mga instruksyon para sa isang makina. Ituring mong pahiwatig sa iyo at sa akin na gumising. . . at tumanaw at makinig sa kalikasan, sa mabuti na nasa kalikasan.
PASTORALE
Maaring tanungin, "Maayos ba ang kalikasan?" At magsisimula ang mga talunan ukol sa kung ano ang "maayos" at kung ang agham ay nakatutuklas o pinapalagay lamang o ni hindi pinalalagay na maayos ang kalikasan.
Ngunit, lihim na nalalaman ng bawat tao, na may lihim na pagka-maayos ang kalikasan. At pagtitiyagaan kong gisingin ang kaalamang iyan. Sapagkat kailangan na gising iyan upang makita at madama at marinig ng ating diwa ang ley natural.
Maari kong sabihin na maraming klaseng kaayusan. May kaayusan ng kwartong malinis, walang kalat, walang dumi, at may lugar sa bawat bagay, kaya't ang nakatira doon ay makukuha kaagad ang kailangan niya; alam niyang na ang bawat bagay ay nasa tamang lugar. May kaayusan naman ng kwarto na maraming kalat, baka maalikabok pa, ngunit alam ng nakatira roon kung ano ang bawat bagay na nasa kwarto, at makukuha niya kaagad ang kailangn niya; sapagkat meron siyang pakiramdam sa bawat isa. At kung ang tao sa unang kwarto ay hindi alam kung ano ang mga nasa kwarto niya at hindi niya makuha ang kailangan niya, sasabihin natin: parang maayos, pero magulo ang kwarto niya. At kung ang tao sa ikalawang kwarto ay hindi alam kung ano ang nasa kwarto niya at hindi makuha ang kailangan niya, sasabihin natin: parang magulo, at talagang magulo ang kwarto niya.
Ngayon, lakas-loob kong sasabihin na ang mga mambabasa ay madaling naunawaan ang mga sinabi ko ukol sa kaayusan. Kahit na wala tayong pinagkasunduang pormulang depinisyo ng kaayusan. Sapagkat bago tayo nag-usapan ay nakadanas na tayo ng kaayusan at naunawaan natin. Bago tayo magtalunan ukol sa depinisyo'y nakakapit na ang ating isip sa kabuoan na hindi kayang hulihin ng depinisyo. Hindi ko sinasabing bale wala ang mga pagtatalo. Tinatawag ko lamang sa ating pansin na sa isang nibel na mas sinauna at mas tunay kaysa sa pagtatalo, meron na tayong kaalaman ukol sa kaayusan. Nakadanas na tayo ng kaayusan sa kalikasan. Kaya't inaantabayanan natin na magpapatuloy ang kaayusan. Nakadanas na tayo ng kaayusan sa kalikasan. [Kaya't inaantabayanan natin na magpapatuloy ang kaayusan.] Alam nating maayos ang kalikasan.
Ang hindi natin alam ay ang eksaktong detalye. Kung minsan ang pinagtatalunan natin ay kung ano ang eksakong detalye. Kung minsan naman, ang pinagtatalunan ay kung kaya'y may kaayusan. Sa ating pagmamataas, ayaw nating aminin ang hindi natin lubusang masasakyan, kaya't pahaba ng pahaba ang diskusyon, at baka manindigan na lamang tayo na walang kaayusan. Ngunit, sa ating sinaunang kalooban, tiyak pa tayo na may kaayusan, kaya't tahimik tayong natutulog at nagigising sa tahimik na katiyakan na ang araw ay lulubog at sisikat.
Hawig diyan ang masasabi ukol sa mga syentipikong modelo ng daigdig. Sa walang hintong pagtakbo ng mga dantaon ay palaging paiba-iba ang mga modelo. Magsisimula sa modelo A. Mamayamaya (ang ibig sabihin, pagkatapos ng ilang daantaon) maiimbento ang modelo B. Ang pumapanig sa modelo B ay sasabihin na sa wakas natuklasan na mali ang modelo A. Mamayamaya (mga daantaon uli) maisisilang ang modelo C. Sasabihin naman ng mga pumapanig sa C na ang A at B ay hindi sapat, na hindi gaanong hindi sapat ang C, pero walang teoryang maiimbento kailanman na talagang sapat, kayat hanap ng hanap.
Sa lahat nito may isang katiyakan, na ang mga tao ay walang hintong mananaliksik at, base sa natuklasan, ay magsisigawa ng mga modelo ng kalikasan. Hindi nating iisipin kailanman na bale wala ang pagsasaliksik. Hindi natin iisipin kailanman na makakaimbento tayo ng modelo na sakop ang lahat. alam natin na hindi natin matutuklasan ang sapat kailanman, sapagkat segurado tayo, sa isang lihim at sinaunang pagka-segurado, na may siksik at hindi-kayang-ubusin-ng-tao na umiiral na katotohanan.
Merong maayos. Gaano kaayos? Ganito. Kahit na ilang modelo ang gagawin ng taon, ang mga modelo ay yari sa mga data na galing sa kalikasan. Ang bawat modelo ay maayos sa kanyang sariling bersyon ng kaayusan. Ang bawat modelo ay "kapirasong kaayusan" na hinango sa kalikasan. Talagang nakakagat sa kalikasan, pero hindi kailanman malulunok ang kalikasan.
At ano ang kinalaman nito sa etika? Sapagkat ang sinaunang pagka-kagat ng tao sa maayos ay hindi lamang sanhi ng pagtatalunan ukol sa depinisyo ng kaayusan o ng mga pananaliksik na syentipiko, kundi sanhi rin ng isang uring pagmumulat sa buong katotohanan ng siyang sinapupunan ng pag-uunawa ng tao, sa malalalim at mayayaman na katotohanan.
Halimbawa, sa sinauang pagka-kagat natin sa maayos, makatutuklas tayo ng landas sa Maykapal. Napagmuni-munihan na natin ito sa pilosopiya ng relihiyon. Alalahanin natin uli at pagmuni-munihan ang ating tesis:
1. Bago tayo gumawa ng mga teyoriya o sistema ukol sa daigdig meron na tayong umaantabay na intuisyon ukol sa daigdig bilang maayos.
2. Itong umaantabay na intuisyon ay siyang sanhi na nag-uudyok sa atin upang gumawa tayo ng mga teyoriya o sistema.
3. Itong umaantabay na intuisyon ay isa nang pagdanas sa daigdig bilang maayos.
4. sa umaantabay na intuisyon na ito may landas sa pakikipagtagpo sa Maykapal.
Itong pakikitagpo sa Maykapal na ito ay importante rin sa etika. Sapagkat ang puwang na pumapagitan sa etika na may Diyos, at sa etika na walang Diyos o nag-eewan-ko-ba-kung-may-Diyos, ay singlalim ng bangin. Ngunit, hindi pa ito lahat.
Sa sinaunang pagka-kagat natin sa meron na maayos, maaring matauhan din tayo ukol sa kalikasan: na ito ay siyang landas at lugar ng pag-uunawa na may likas na mabuti at likas na masama. At isa sa mga matiyagang pagsisikap na gabayan ang pagsasabuhay ng pag-uunawang may likas na mabuti at likas na masama ay ang etika ng ley natural.
Malaki ang maitutulong ng mga makata upang tayo'y matauhan ukol sa ating sinaunang pagkakagat sa kaayusan. Sapagkat itong sinaunang pagsasakaayusan natin ay hindi mabibigkas sa salita. At alam ng mga makata na hindi mabibigkas. At hindi sila mapagmataas na nagpapanggap na kunwa'y nabigkas na nila. Ngunit, bukas sila sa hangin ng kaayusan na madalas patalab na hinihingahan sila. At madalas naririnig ang isang awit na hindi binibigkas, ngunit, talagang pinapahiwatig, tinuturo mula sa malayo, pero tinuturo, ang hindi maaring sabihin.
Halimbawa ang "Tag-lagas" ni Rainer Maria Rilke.
Mga dahon nahuhulog, nahuhulog parang mula sa malayo,
hardin yatang malalayog sa langit nalalanta;
nahuhulog may anyong humihindi.
At gabi-gabi mabigat na lupa nahuhulog,
sa lahat ng bituin hiwalay, walang kapuwa.
Lahat tayo nahuhulog. Kamay na ito doon nahuhulog.
At masdan itong isa: nasa lahat.
At meron pang isa na itong paghulog ay
walang-wakas, malambot, sa kamay sinasalo.
At kung naghahanap tayo ng makata na sa kalikasa'y nakakaaninag sa Maykapal, at sa pag-aaninag sa Maykapal ay natatauhan sa likas na mabuti at likas na masama, lalo na sa likas na kabutihang hinihingi ng pakikipagkapwatao, maari nating pagmuni-munihan ang "Florante at Laura" ni Balagtas. Ang kalikasan dito ay hindi nakukulong sa isang teorya, kaya't buhay sa tao ang kagubatan at kahayupan, at nakikipagsagutan ang tao sa pumapaligid na linalang. Maaring pag-aralan ito sa isang mas malawak at mas nabubuong pananaliksik. Ngunit, ang tatanawin natin dito'y iyong eksena lamang ng mga leon at ng moro.
Marahil alam natin ang tinutukoy ko. Si Florante'y nakagapus at nanghihina na siya at hindi na siya makatagal. Nilapitan siya ng dalawang leon na nagugutom. At akala niya sasaktanin na nila siya, ngunit, naawa ang mga leon sa kanya.
Nanga-aua mandi, t, naualan ng bangis
sa abang sisil-ing, larauan ng saquit,
nanga-cataingala,t, parang naquiquinyig
sa di lumilicat na tingistangis.
Ngunit, mamaya-maya'y bumalik ang mga leon. Nilupig ng gutom ang kanilang awa, at kakainin na nila ang nakagapus.
Na-acay ng gutom at gauing manila,
ang-uli sa ganid at naualang aua,
handa na ang ngipi,t, cucong bagong hasa
at pagsasabayan ang gapos ng iua.
Sa hina ng katawan at sa takot, nawalan ng malay si Florante. Ngunit, may isang moro, si Aladin, na tinatahak ang kagubatan. Narinig niya si Floranteng nananangis bago siya nawalan ng malay at ang mga umuungol na leon. Siya ang sumagasa sa mga leon. Pagkatapos ay kinalag niya ang mga gapos ni Florante at kinalong siya. Noong nagkamalay si Florante, natakot siya at kaaway niya ang kumakalong sa kanya. Ngunit, sinabi sa kanya ng moro:
Sagot ng guerrero, i, houag na manganib
sumapayapaca, t, mag aliu ng dibdib
ngayo, i, ligtas cana sa lahat ng saquit
may calong sa iyo ang nagtatangquilic
Cung nasusuclam ca sa aquing candungan,
lason sa puso mo nang hindi binyagan,
nacucut-ya acong di ca saclolohan
sa iyong nasapit na napacaraual
Ipina-hahayag ng pananamit mo
taga Albania ca at aco, i, Perciano
icao ay caauay ng baya,t, secta co,
sa lagay mo ngayo,i, magcatoto tayo.
Moro aco,i, lubos na taong may dibdib
ay nasasacalo rin ng utos ng Langit,
dini sa puso co, i, cusang natititic
natural na leyng sa aba, i, mahapis.
Anong gagauin co,i, aquing napaquingan
ang iyong pagtaghoy na calumbay-lumbay,
gapus na naquita,t, pamumutiuanan
ng dalawang ganid, ng bangis na tangan.
Dito'y nakikita ang isang uri ng pagdanas sa kalikasan. Lahat ng mga linalang ay may awa sa isa't isa. Ngunit, sa mga hayup, ang awa ay nalulupig sa kabagsikan ng gutom. Ang tao lamang ang may pag-uunawa na manatiling maawain kahit ano ang mangyari. Itong pag-uunawa na dapat siyang manatiling maawain ay nakatitik na sa puso niya. Iyan ang ley natural. At dahil rito, sa mismong mga pangyayari, napapakinggan at nakikita niya kung ano ang kanyang gagawin.
Nakikita niya na may likas na mabuti at likas na masama. Likas na mabuting tulungan ang nangangailangan; likas na masama ang pagsamantala at paglinlang sa nangangailangan. Nauunawan niya na mabuti ang dapat niyang sundin. . . ngunit, lumalabas sa mga kagagawan ng ibang mga tauhan sa tula na maaring tanggihan ito ng tao.
Ganyan ang uri ng pagka-bukas sa kalikasan, pagka-alisto sa lalim at siksik at hiwaga at posibilidad ng kalikasan, na kailangan natin upang matino nating mapagmuni-munihan ang pag-eetika ng ley natural.
Karapatang Ari © 1998 J. S. Eliab
Walang bahagi ng mga nakasulat dito ang maaring gamitin ninuman
sa anumang anyo at hugis na walang nakasulat na pahintulot
ang tagalathala maliban sa ilang pagsiping
gamitin sa pagtatasa ng
mga gawain at paksang nakasaad dito.
1 Comments:
Propesor, dumudugo na ang ilong ko sa artikel (tama ba?)mo. Ang hirap intindihin.
Post a Comment
<< Home