Pambungad sa Kursong Pilosopiya
Click Here!
Lumipad ka't harapin ang mundo!
PAMBUNGAD SA KURSONG PILOSOPIYA
Roque J. Ferriols, S.J./ Bong S. Eliab
Sa simula gusto kong ipalawanag ang patakarang sinusundan sa pagpili sa katagang ginagamit sa kursong ito. Iba-iba ang may akda sa mga tatalakaying teksto. Ngunit mangangahas akong magsabi na -- o nakakahawig dito -- ang aming paningin ukol sa paggamit at paglikha sa wikang Pilipino.
Paggamit at paglikha. Sa paggamit sa anumang wika hindi natin maiiwasang lumikha. Sapagkat kinukuha natin ang mga katagang nagamit na ng pagkaramiraming tao, at kailangan nating hubugin at baguhin ang mga katagang ito nang makayanan nilang bigkasin ang ating pinakapersonal na kaisipan at pagmumunimuni. May kahulugang kilala ng lahat ang bawat kataga. Meron namang bukod-tanging kahulugan ang bawat tao. Kung alam na ng lahat ang iyong sinasabi, parang wala ka ring sinabi. Kung ang sariling isip lamang ang iyong iniintindi na walang pakundangan sa mga nakikinig sa iyo, walang nakakaunawa sa iyo at parang wala ka ring sinabi. Kung nagtatalaban at nagsasagutan ang dalawang ito, kung sumasang-ayon sa isa't isa at tumututol sa isa't isa ang dating kahulugan at ang bagong kahulugan, may naisisilang na bagong likha -- talagang meron kang sinabi. Kaya ang paggamit sa anumang wika ay sabay na pagtanggap sa nasabi na at pagbibigay anyo sa hindi pa nasasabi.
Ngunit kung may isang wikang hindi pa nakatatalakay sa mga problemang kinagigipitan ng modernong tao o sa mga disiplinang umiiral sa mga pamantasan, at kung pinasiya nating gamitin ang wikang ito sa pagtalakay sa mga problema't disiplinang ito, tiyak na sasapitan ng tayo ng isang pambihirang krisis sa paglikha. Kakailanganin nating halus likhain muli ang buong wika.
Papaano natin magagawa ito?
Tingnan muna natin ang paninindigan ng purismo at taglish. Ayon daw sa mga purista, bawal kumuha ng salita mula sa banyagang wika. Kung titingnan naman natin ang mga katha ng mga purista, medyo tayo magtataka. Sapagkat hindi sila tumututol sa budhi, mukha, dukha, pitaka -- mga katagang hango sa Sanskrit. Hindi rin nila inuurungan ang petsay, hikaw, pansit -- mga ngalang mula sa Intsik. At madalas nila sabihing asikaso, hitsura, kamiseta, kutsara -- Kastila ang mga katagang ito. Hindi yata anumang katagang banyaga ang kanilang iniilagan kundi mga katagang Ingles lamang at mga katagang Kastila din kapag napaka-Kastila ang tunog. Sa taglish naman, maaring gamitin ang anumang Ingles at Pilipino ng halo-halo. Madalas natin ito marinig sa radyo't telebisyon at sa tanggapan ng mararangya. Halimbawa: "Sa tag-ulan, nag-iispread ang, you know, all kinds of diseases kasi kung anu-ano ang mga things ang tinatangay ng floods. Kaya alam na ninyo, iba na if you wash your hands bago kumain."
Ganito yata ang nangyayari. Ipinapalagay ng mga purista na bago sumapit ang higit kumulang 1920, bahagi ng wastong wikang Pilipino ang pagkuha at pag-angkin sa mga banyagang kataga. Ang usapan dito ay hindi ukol sa anumang ligaw na banyagang kataga kundi mga katagang kinilatis at pinili. At ganyan naman ang pamamaraang sinusundan ng mga ibang wika. Tigib sa mga hiram na kataga ang Ingles. Mula sa Latin, education, disciple, pedestrian. Mula sa Griyego: thrombosis, melancholy. Pranses: prestige, courage. At meron pang Kastila sa Ingles na Amerikano: hoosegow, desperado. Pinagmamalaki naman ng mga Kastila na meron silang musikang maka-arabe at meron pang mga katagang Arabe gaya ng alhambra, alferez, alcohol. Ninakaw din ang ating mga salita at inangking pag-aari ng mga banyagang wika. Ang salitang Ingles na boondocks at ang salitang Kastila na Quizame. Ganyan rin naman ang pamamaraan ng wikang Pilipino bago magka-1920 kaya't inaangkin nila ang mga naturang kataga: mukha, hikaw, kutsara at iba pa. At ngayon isang Pilipinong nag-aalinlangan ang isang purista. Kung minsan ipinagmamalaki niya ang kanyang wika. Noong araw ay buo na araw ang wikang Pilipino. Hindi na kailangang buuin pa ang buo na, hindi na kailangang likhain pa ang nilikhang buo na. Hindi na madaragdagan. Hindi naman mababawasan. Walang magawa ang ganap na kundi manatili sa kanyang kaganapan. Kung minsan nasisiraan yata ng loob ang mga purista. Napakaraming bagay nga ang nasabi sa wikang Pilipino, ngunit napakarami yatang mga pangyayari na hindi pa nasasabi sa Pilipino at hindi yata masasabi sa Pilipino. Hindi na bale, sabi ng purista. Kung hindi masasabi sa Pilipino, hindi karapatdapat sabihin ng Pilipino. Mga kilalang bagay na lamang ang kanyang pag-uusapan, At kung may mauungkat na modernong bagay, mabuti pang gumamit ng pasikut-sikut na parirala kaysa umampon sa isang banyagang wika. Gaya noong isang manunulat na nagsasabing ginawa niya ang kailangang gawin upang lumitaw ang larawan sapagkat ayaw niyang sabihing pinadebelop niya ang letrato.
Mga nag-aalinlangan rin ang mananaglish. Sa isang panig ibig nilang magkaroon ng isang wikang Pilipino, sapagkat malinaw na hindi wikang Ingles ang taglish. Kung ginagamit nila ang wikang Pilipino, ito ay sapagkat laganap ang wika sa buong kapuluuan dahil sa sine at iba pang mga media at dahil sa marami ang mga hindi Tagalog na dumalaw o naninirahan sa Maynila at iniuwi sa kanila ang Tagalog Maynila. Sa madali't sabi, ginagamit nila ang Tagalog hindi sapagkat ito ay Tagalog kundi sapagkat dito nagsalubungan na at nagsasalubungan pa ang iba't ibang wikang Pilipino. Kahit papaano dito nadarama ng kanilang hubad na talampakan ang lupang kanilang kinauugatan. Kahit na alanganin, dito yata nakatatalab sa kanilang ugat ang tumitibok na dugo ng kanilang mga ninuno. Ngunit sa kabilang panig, naniniwala sila na hindi mapag-uusapan sa Pilipino ang mga problema't pangyayari ng kasalukuyang panahon. Kaya taos puso nilang niyayakap ang Ingles. Imposible ang kanilang kalagayan. Pilipino ang awit ng kanilang loob at damdamin. Hindi naman nila kayang buuin ang kanilang isip kundi sa Ingles. Kapag sila magsalita, hati ang kanilang dila. Hati na rin ang kanilang diwa. Nalilimutan nila ang dumarating sa atin ang Ingles mula sa isang malaong pagtubo at pag-unlad, na nagkaroon rin ang Ingles ng mga panahon ng paghahagilap, pag-angkin sa ganito at ganyang katagang banyaga, pagtaboy sa ganito o ganoong katagang banyaga, na may krisis rin sa paglikha ang Ingles. Akala yata nila na biglang tumayo na lamang diyan ang wikang Ingles , bagong gawa, napakamoderno, kumikintab na parang raket na handa nang magpa-imbulog sa buwan.
Kung may krisis tayo, atin ang pananagutang harapin ito. Pananagutan at kakayahan at inspirasyon na mulang isilang at sariwain ang wikang Pilipino. Pirapiraso ba ang iyong sarili, ang iyong diwa? Iyo ang kakayahang buuin ito. Maingat mong ipunin ang mga piraso. Mga bahagi ito ng iyong pagkatao. Pagsamasamahin ang mga bahagi. Pag-ugnay-ugnayin. Hingahan ng iyong diwang tunay. Buhayin . . . .
Ano ang kinalaman ng lahat nito sa pilosopiya, lalo sa pag-eetika? Kailangan buuin ang diwa ng isang wika nang magamit ito sa pamimilosopiya. Kung watak-watak ang wikang ginagamit, watak-watak din ang pamimilosopiyang lalabas. Ngunit maaring idaan ang wika sa hirap ng isang bagong pagsilang. Ipanganganak uli ang wika, magiging sanggol, malusog, bagong mulat, ngunit buhay sa sinaunang diwa. At kung pamimilosopiya itong wikang ito, tatalab sa pilosopiya ang diwa nitong wikang ito at sino ang makakahula kung anong bagong pag-uunawa ukol sa tao, sa buhay at sa daigdig ang maisisilang sa ganitong pamimilosopiya?
Ano ba ang pilosopiya?
Hindi yata tumpak ang pagkabigkas ng tanong. Ito sana ang ating itanong: ano kaya ang pamimilosopiya? Sapagkat ang pilosopiya ay hindi isang bagay na maituturo ng daliri at mahahati sa isip sa ganito o ganoong katangian. Nakakita na ba kayo ng naglalakad at nakangiting na pilosopiya? Tunay na hindi bagay ang pilosopiya kundi isang gawain. Ginagawa ang pamimilosopiya at hindi mga konseptong nakalutang sa isip. Palaging pasisikap ng isip at damdamin ang pamimilosopiya.
Anong uring pagsisikap?
Paghahanap.
Ng ano?
Katotohanan. Kaalaman. Karunungan ukol sa mga nakakabalisa sa kalooban ninuman. May kahulugan ba ang pagpapakatao? Sino ako? Sino ka? Bakit tayo, hindi lang ako, kailangang gumawa ng mabuti? Bakit ba kailangan pa nating pagsikapang maging mabuti sa kabila ng kabiguan?
At sa ganitong paghahanap , meron bang natutuklasan? Oo. Meron! Natutuklasan ang kaalamang mulat sa kanyang katangahan, sa kanyang hindi pagka-alam. Karunungan na nagmamalaki't sabay namang nagpapakumbaba. Nagmamalaki sapagkat nakakagat sa totoo at sa bawat sandali'y natitikman niya ang katotohanan. Mapagkumbaba naman sapagkat ginagalang niya ang umaapaw na katotohanan at alam niyang hindi masasakop kailanman ng kanyang isip ang buong katotohanan. Hindi nakakasira ng loob ang pagpapakumbabang ito bagkus nagbibigay loob sa isang masigasig at nanabik sa paghahanap.
Nagsisimula ang pilosopiya sa pagkabalisa ng karaniwang tao sa kanyang karaniwang karanasan. Sa kanyang pagsisikap na masakyan itong pagkabalisang ito, dumadaan siya sa hirap. Mapalad kung makarating sa karunungan. At nang maukit sa kanyang aalaala ang anumang karunungang matamo niya, maaring lumikha siya ng salawikain.
Ano ba ang salawikain kung hindi binhi ng pamimilosopiya na minana natin sa ating mga ninuno. Ang binhing palay ay siksik ng buhay at bisa ng nakaraang salinlahi ng mga palay na inihasik, tinanim, tumubo, naghitil, nagbutil at napakinabangan. At kung ihahasik mo muli itong binhing palay na ito, pati ikaw rin ay kakain. Ganoon din, siksik sa tinipon sa salawikain ang ilan sa mga naunawaan ng ating mga hali-haliling ninuno. At kung pamumuni-munihan mo ito, pati sa iyo uusbong ang kanilang karunungan at magiging liwanag ukol sa iyong sariling karanasan.
At tumatakbong matulin
Kung matinik ay malalim.
Kung sa hangin ka dudura
Mukha mo ang mababasa.
Ano ang winiwika ng dalawang salawikaing ito? Ipinaala sa iyo na marami kang matutunan sa iyong mga naranasan. Naalaala mo ang mga pagkakataon na sa iyong pagmamadali ay lalong tumagal at pumaltos pa ang iyong ginagawa. Naalaala mo rin kung ilang beses ka dinaig ng iyong kalaban dahil sa iyong bigla at walang planong pagkilos. Totoo nga, ang tumatakbong matulin … Kung sa hangin … Ngunit sandali lang, hintay muna, ilang beses bang nangyari na ang mabilis at walang planong lundag ang siyang nakapagligtas sa iyo? Marami na rin. Totoo nga, ngunit hindi rin totoo ang sinasabi ng salawikain. Inaaliw ka't merong kang alam. Pinapakumbaba ka at marami kang walang alam. Nililito ka kaya't nagtataka ka at tinutubuan ng pananabik maghanap, manaliksik. Habang binabaligtad mo sa iyong isip ang mga salawikain, naramdaman mo ang udyok ng pamimilosopiya.
Pagsasalawikain ba lamang ang pamimilosopiya?
Hindi. Marami ang pamamaraan ng pamimilosopiya. Ngunit may isang uring pamimilosopiya na pinupukaw ng mga minanang salawikain at dumaraan sa paglikha ng bagong salawikain o sa bagong pag-uunawa na mga minana, at humahantong sa isang mas mulat at mapagkilatis na pag-iisip. Inihahalimbawa ang ang ganitong uri ng pamimilosopiya sapagkat hindi gaanong mahirap kilalanin palibhasa'y bahagi ng ating buhay pang-araw-araw. Sa halimbawang ito, matatauhan tayo na madalas na tayong namimilosopiya sa ating buhay. Sa klase ng pilosopiya ginagawa natin ang isang bagay na dati na nating ginagawa ngunit sa paraang mas maayos, mas disiplinado at kahimanwari'y mas malalim.
Isa pang dahilan kung bakit inihalimbawa ang pilosopiya ng mga salawikain: madaling makita na ang kaalaman-di-kaalaman na taglay ng salawikain at bunga ng diwa ng wikang ginagamit. Iba ang salawikain sa Pilipino at iba naman sa Kastila o Ingles. May mga bagay na masasabi sa isang wika at hindi sa ibang wika. Habang ginagamit ang isang wika matutuklasan ang isang katotohanang mapaghihinalaan lamang o hindi mapaghihinalaan kapag iba ang wikang ginagamit. Hinahanap ng pilosopiya ang puting sinag ng araw ng katotohanan. Ang mga wika'y mga prismang kinakalat ang puting sinag na ito sa angaw-angaw na kulay. Kaya merong iba't ibang wika, ngunit iisa lamang ang katotohanan. Sinasalo ng iba't ibang wika ang katotohanan sa iba-ibang istilo.
Sa ating kultura, isang katotohanang pangyayari na may naririnig tayo mga tunog sa pagputok ng bukang liwaway. Umagang umaga maririnig natin ang manok, at nasasalo ito ng wika, nagkakaroon ng kataga bilang tawag sa isang totoong pangyayari, isang mahalagang karanasan: taktaraok (Ilocano), kukutaok (Pangasinan), tiktilaok (Tagalog), tukturaok (Bicolano), tukturook (Kiniray-a/Hiligaynon), tuktugaok (Waray at Cebuano). Tingnan naman sa ibang wika: cock-a-doodle-doo (Ingles), kikeriki (Aleman).
Iilan lamang sa mga kulay na ito ang masasalo ng bawat wika. May mga hindi rin nasasalo ng wika. Iilan lamang ang natatanggap at nahahagilap ng wika ngunit napakahalaga. Kaya gamitin mo sabay likhain ang ating magiging wika. Huwag mo gaanong hangaan o saliksikin ang wika bagkus hanapin at hangaan ang katotohanan habang ginagamit at nililikha ang wika. At matutuklasan mo ang matutuklasan mo.
Sinauna Bilang Potensyal
Nagkataon na nasa tuktok kami ng bundok, sa isang bahay dasalan. Mga kasama ko'y gumaganap ng banal na pagsasanay bilang paghahanda sa ordenasyon sa pagkapari. Nagkataon na bumangon ang malakas na bagyo. Pusod ng bagyo ang huminto sa hindi kalayuan sa amin. Huminto ang pusod; hindi ang malalakas na hangin na iniikot ng pusod. Dalawang araw, dalawang gabi. Mga puno at bahay nalulunod, naaanod sa hangin. Nagtataka kami kung kami'y magigiba.
Isa sa pinag-usapan namin ay pamimilosopiya. Noong nag-aaral ng pilosopiya ang aking mga kasama, kasama sa kanilang mga babasahin ang ilan sa aking mga sinulat. Nagtaka sila kung may lalabas na pilosopikong pagtalakay sa ilang mga atitud na mapagmamasdan sa kalinangang Pilipino; mga atitud, na kung tutuusin mo, ay pilosopiko at karapat-dapat pagmunihan, palalimin sa isang pilosopikong pag-uunawa. Halus hiniling nila na gumawa ako ng ganoong pagtalakay.
Pagtataka sa maraming nibel ang ginigising ng kanilang mga sinabi, at nakita ko na kailangan kong isipin ito ng totohanan. Kaya't sinabi ko sa kanila: iisip-isipin ko, at anuman ang matagpuan ko ay aking ibabahagi sa inyo sa huling yugto ng isang sulatin na matagal ko nang sinusulat at hindi pa matapus-tapos.
Ngayon nakarating na ako sa huling yugtong ito at inaalok ko ang hindi isang pilosopikong pagsususuri, kundi ilang mga ligaw na puna at isang mungkahi ukol sa potensyal. Kung may interes pa kayo, mga kapuwa, at kung binabasa ninyo ito, heto ang ipinapangako ko sa inyo.
Pagpili sa Wikang gagamitin
Madalas may nagtatanong: Mag-iimbento ka ba ng pilosopiyang Pilipino? O kaya: Maari bang magkaroon ng pilosopiyang Pilipino? Ang mga tanong na iyan ay pag-aksaya lamang ng panahon. Kung talagang nais ng isang taong mamilosopiya, ang hinahanap niya ay ang totoo na nagpapakita sa kanya. At gagamitin niya ang anumang makakatulong sa paghanap sa totoo. Kung ang pinag-aabalahan niya ay Pilipino ba ako? O Intsik? O Indian? O kung ano? Hindi na siya namimilospiya. Lalabas siyang gaya ng taong tingin ng tingin sa salamin sa walang katapusang pagka-bagabag baka hindi siya mukhang Pinoy.
Bukal sa lahat ng tao ang hanapin ang katotohanan, at lahat ng wika ay likha ng tao. Kaya taglay ng bawat wika ang kapaitan at pananabik ng paghabol sa katotohanan: paghabol na ginaganap ng mga unang naghubog at ng mga sunod na gumamit sa wikang iyon. Kaya lahat ng wika ay maaring gamitin sa paghahanap sa totoo kung may kalooban ang gumagamit. At kung ayon sa totoo ang kanyang paggamit.
Madalas akong pagpunahan na kung katotohanan ang hinahanap mo, hindi importante kung anong wika ang gagamitin mo sa iyong pamimilosopiya. Iyan ay isang delikadong puna. Kung may tao sa aklatan, at sinubukan niyang mamilosopiya sa isang wika na ibang di hamak sa sinasalita ng mga nagmamaneho ng dyipni, nagwawalis-tingting sa mga kalsada, nagsisilbi sa mga turo-turo, masasabi kaya na ang taong iyon ay gumagalaw sa katotohanan? Sapagkat hindi mapagkakaila na, angkinin man ng tao o sadyang limutin, palaging mananatiling totoo na lahat ng tao, pati ang mga namimilosopiya, ay napapaligiran ng mga kapuwa tao na nagsasalita. At kapag nagsisikap mamilosopiya ay pumipili sa wikang gagamitin niya, ang kanyang pagpili ay bunga ng kanyang atitud sa salita ng mga pumapaligid sa kanya. At ang kanyang atitud ay maaring katotohanan, maaring kasinungalingan.
Kakayahang Tumingin
Kung ugali ng taong gamitin ang ngala't konsepto bilang bungang-isip (panturo sa totoo), mararanasan niya na ang bawat wika ay may kakayahang turuan siyang tumingin. Mararanasan din niya na ang bawat wika ay may kakayahang yumaman. Para bagang natututo pati ang wika. At lumalago ang kakayahan ng wikang magbigay ng udyok tumingin, kapag ang gumagamit ay sabik maturuan at maudyukan tumingin. Matutuklasan niya na maaring bastusin ang isang wika, at ang kakayang ng wika na magturo ay hihina at maglalaho. Pero may malalim na buhay ang bawat wika, at maaring gisingin ito kung maliksi at alisto ang gumagamit. Kaya't ang paggamit ng isang wika, sa anumang wika, ay pakikisalamuha sa mga gumamit at gumagamit sa wika, pagkilatis sa kayamanang iniwan nila sa wika, pagtanggap, pang-ingat, pagsisid sa kalaliman, pagtampisaw sa kababawan … at tuluyang pagpapatubo sa wika. Sapagkat ang matinong pag-ibig sa wika ay sanhi ng matinding pagmemeron para sa mga gumagamit at para sa kanilang kasalamuha.
Kuwentuhan
Nangyari na hindi kami magkasundo ng isang kaibigan. Nag-initan kami. Hindi ko maalaala kung bakit. Sa isang sandali, `ika niya, "Mabigat na sabihin ito sa iyo. Ayaw ko sanang sabihin at may utang ako sa iyo, pero sasabihin ko pa rin."
"Anong utang ito? Wala kang utang sa akin."
"Ikaw talaga. Kung makarinig ka ng `utang' wala kang maisip kundi kuwarta. Hindi utang na kuwarta ang sinasabi ko. Utang na loob! Hindi mo ba alam?"
Noong nag-aaral kami sa seminaryo, nagkataon na lumalangoy kami sa isang ilog na malakas ang agos sa gitna. Natangay ako ng agos at paglingon ko, napuna kong hinahabol ako ni X. Malakas siya at mabilis. Umabay siya sa akin. Sabi niya, "Magrelaks ka lang. Paglapit ko ilagay mo ang dalawa mong kamay sa aking balikat. Wala kang ibang gagawin." Sinundan ko ang sinabi niya, at sa ilang saglit nasa tabing ilog na kami.
Sa daloy na panahon nagtapos kami sa seminaryo at may mga hindi kanais-nais na ginawa si X. Madalas siyang pintasan kapag nagkukuwentuhan ang mga nakakakilalala sa kanya. Sa loob ko alam kong totoo ang kanilang mga ipinipintas sa kanya, pero hindi ako nakikisali sa istoryahan. At kung may pagkakataon ay ikinekwento ko kung papaano niya akong inaahon sa mabilis na agos ng ilog noong araw pa. Utang ko sa kanya na ingatan ang alaala ng kanyang kabutihan.
Tingnan natin ang isang bersyon Iloko ng Mga Gawa. Naaalaala mo iyong sundalo na guwardiya ng mga presong Kristiyano. Nagkaroon ng lindol sa gabi. Nabuksan ang pinto ng bilangguan at natanggal ang tanikala ng mga preso. Akala ng guwardiyang nakatakas na ang lahat ng kanyang sakop at sa kanyang takot mapapakamatay na lamang siya. Nang makita ito ni Pablo, "Huwag mong sasaktanin ang iyong katawan!" sigaw niya. "Nandito kaming lahat." Naghanap ng sulo iyong guwardiya at patakbong pumasok sa kanila't lumuhod na nangininig sa takot sa paanan nina Pablo at Silas. Saka inilabas niya sila at winika, "Mga Ginoo, ano ang utang kong gawin upang ako'y maligtas?"
Natatanaw yata ng mga sinaunang humubog sa ating mga sari-saring wika na ang abot-tanaw ng totoo ay tigid sa ugnayan at relasyon. Ugnayan ng pangyayari sa pangyayari, ng angkan sa angkan, ng kalooban sa kalooban. Naunawaan nila na bukal sa mismong pagka-sarili ng bawat tao na magkaroon, tumanggap, lumikha ng ugnayang ito. Tinatanaw nilang sagrado ang ugnayan. Mula sa ugnayang ito lumitaw ang salitang "utang". Utang ng taong manatiling tapat sa tunay na pakikipagkapuwa sa kinapal, sa kapuwa-taong nilalang, pakikipagkapuwa sa Maykapal. Alam nila na may tunay at mapaglikhang pagtupad sa ugnayan, at meron namang huwad at nakakawasak na pagpanggap tupdin.
Palaging nagtutulungan sina Juan at Pedro. Sabi ni Juan, meron siyang utang na loob kay Pedro. Sabi ni Pedro, meron siyang utang na loob kay Juan. Walang nakakaalaala kung sino ang unang nagtulong kanino at walang nag-aabalang makaalaala. Isang dangal ang magkaroon ng utang na loob sa isang kaibigan. Hindi binabayaran, tinatanaw ang utang na loob. Tanawin. Ingatan. Alagaan. Bigyang halaga. Ibigin.
Nagsustituto ako sa kura paroko sa isang bayang bulubundukin. Mga ilog na nakabaon sa pagitan ng matataas na pampang. Matatarik na gilid ng bundok. Dudulas sa putik iyong dyip. Dumidikit sa iyong pilik-mata ang pinong pinong patak ng ulan.
"Ilang linggo ka ba dito?"
"Tatlo"
"Mag-ingles tayo. O kaya managalog. Magpraktis kami para sa Maynila."
"Huwag na. Sa eskwela ang Ingles. At pagdating mo sa Maynila, tatlong linggo lamang at magaling ka nang managalog. Magbisaya tayo."
"Hindi ka magaling."
"Tatlong linggo lamang at magaling na ako." Kaya't nagbisaya kami.
Tatlong linggo at oras nang magpaalam. Nagprograma kami. Nagkanta ng ingles iyong isa, at napansin ko na may pagkukulang sa salita at bigkas. At natauhan ako. Kung tatlong linggo sana kaming nag-iingles o nananagalog, palagi ko sanang winawasto ang kanilang salita at bigkas. Ang yabang yabang ko na sana. Baka iniisip ko na ngayon : ako lamang ang edukado, at taga-bundok silang lahat.
Kakaiba talaga ang nangyari. Tatlong linggo nilang winawasto ang aking salita at bigkas, pero hindi sila yumayabang. Mapasensiya sila. Tatlong linggo nilang ibinabahagi sa akin ang kanilang wika: isang espesyal na uri ng pagtingin, ng pakiramdam, ng karunungan. Ibinibahagi nila ang buong sibilisasyon. Sa boses, sa galaw ng kamay, sa kilos ng katawan, tinuturuan nila akong magsalita. Sapagkat ang nag-aaral ng bagong wila ay parang batang nagsisimulang magsalita. At kung siya'y matanda na, muli siyang natututong matuto. Sa oras ng pagpapaalam nadama kong nagpapaalam ako sa aking mga guro. At noong inikot ng aking tingin ang mga bundok na pumapaligid, nagalak ako na kay yaman ng mga bundok.
Sabi ng isa, "Salamat sa iyong pakikibagay sa amin." Pakikibagay. Malalim na salita iyan sa bisaya. Pakig-angay. Salitang nagmumula sa ugnayan. Loob sa loob, puso sa puso, tao sa tao.
Huwaran
Tinatawag sa ating pansin ni de Finance, na nararanasan natin ang abot-tanaw ng meron bilang totalidad ng meron na iba iba ang tindi sa di-masukat na kalawakan. At sapagkat napakayaman nito, ang bawat kalinangan ay gumagamit ng iba't ibang huwaran sa kanilang pagsisikap na mabuhay sa isang diwang matino at malusog sa gitna ng nakakabulagang kayamanan nito. Halimbawa, ginigiit ni Heidegger na ang huwaran ng kanluran ay ang huwaran ng mga sinaunang Griyego. Mababakasan sa kanilang wika na ang dating ng meron, ng katotohanan sa kanila ay physis, ang sanlibutan bilang sangtumutubo.
Ang mundong meron ay tumutubo. At katangian ng tumutubo na magtago at magpakita. Kaya't ang totoo ay ang meron na inakit magpakita, at nakita.
Ang huwaran ng totoo ng ating kultura, ng ating kalinangan ay tao bilang malalim, sagrado, mapaglikha at nakikipagkapuwa sa kapuwa tao at sa Maykapal. Kaya't ang dating sa atin ng meron, ng katotohanan ay ugnayan. Ang sanlibutan bilang personal na pakikisalamuha sa atin ng Maykapal. Kaya't ang totoo ay tao na tapat sa tao, tapat sa ugnayan at sa pakikipagbuklod.
Mababakasan ang paggalang sa kalaliman ng tao, sa iba't ibang paraan, sa kayamanan ng ating sari-saring wika. "Loob", sabi nila sa Pilipino; "Kabubut-on", sa Cebuano; "Nakem" naman sa Iloko. Tiyak ako na may katumbas ito sa lahat ng ating mga wika; bakas ng pagkagulat ng mga sinauna sa kalaliman at hiwaga ng bawat tao. May buong daigdig ang loob. Masiraan ng loob. Palakasin ang loob. Kalamayin ang loob. Buoin ang loob. … Sapagkat ang tao ay … sarili, ako … nararanasan natin na may kalooban. Maaring masiraan ng loob, buoin ang loob, gumalaw sa kagandahang loob, maging masamang loob, magbalik-loob. Kayang magbayad ng utang na kuwarta (pisikal at kemikal). Kayang alagaan, pairalin, gawing mapaglikha …. Sa madali't sabi .. tanawin ang utang na loob.
At sapagkat malalim ang hiwaga ng tao, malalim rin ang kanyang pakikibuklod. Tingnan ang katagang "kapuwa" na palaging ginagamit. Kapuwa tayong naghihintay sa dentista. Kapuwa kitang nag-aantabay na bumerde ang ilaw ng trapik. Sa ulan ay kapuwa kitang nakikisilong. At ang "ka" na tanda ng pakikipagkapuwa sa kapatid, kabayan, kaibigan, kasintahan, katoto, kasama, kababata, katrabaho, kainuman, kaaway…
Mababakasan iyang lahat, at higit pa riyan sa ating samo't saring wika. At lahat niyan ay potensyal. Maari nating buhayin, likhain muli. Maari nating gawing bahagi ng mga hindi inaakalang kombinasyon. Halimbawa, baka magawa natin ang hindi pa nagagawa: maglikha ng kalinangan na personal at makatao, at sabay, teknikal. Teknolohiya dahil sa tao; at huwag baliktad.
Pero sa buhay pang-araw-araw ngayon ay madalas ituring na makaluma at katawa-tawa ang mga katagang gaya ng "loob", "pakikipagkapuwa", at iba pa. At ang metodo ng maraming manunuri ay iuwi ang kalinangan sa makikisig na konseptong nakasara at iuwi sa mga kasong matatalakay sa metodo ng pagsukat. Ang potensyal, paglipad, paglikha, ang hindi inaakala ay nawawala.
Mungkahi Ukol sa Potensyal
Sa panahon na gagala-gala sa kadiliman ang mga kalinangan, mabuting alalahanin ang kasabihang Intsik, "Lalong mabuting magsindi ng isang kandila kaysa sumpain ang dilim."
Ito ang aking kandila: Magpakaalisto sa buhay pang-araw-araw sa potensyal ng kalooban at ugnayan; buhayin ito, ulitin at sariwain. Mag-imbento ng bagong istilo ng pananatiling tapat sa halaga at hiwaga ng kalooban at ugnayan. Sapagkat bahagi tayo ng sangkatauhan. At ang malubhang pangangailangan ng buong sangkatauhan ay gawin ang hindi pa nagagawa: maglikha ng kalinangang personal at makatao, sabay teknikal. Teknolohiya dahil sa tao; at huwag baliktad.
Sa Huli
At sa katapusan matatapos na rin ang sulating ito na hindi matapos-tapos. Sinusulat ang mga talatang ito sa isang bahay sa isang baranggay na ang salita ay Iloko. Dito ko sinimulan ang librong ito …ngayon ang huling araw ng 1990. Ang malaking bahagi ng librong ito ay dito ko rin isinulat. Sa bolpen at papel muna. Nasa Maynila ang kompyuter.
Maraming salamat sa mababait na kaibigang nakatira dito. May katahimikan dito. Mayayapakan mo ang lupa at mararamdaman mo ang sinaunang bisa ng planeta. Matitingala mo ang langit at mararamdaman mo ang bagsak ng enerhiya mula sa buong sansinukob.
Napapaligiran kami ng palayan. Matagal nang natapos ang paggapas. Nabilang na ang ani. Lumalapit na ang hating gabi at nagsisimula nang magputukan ang mga babati sa bagong taon. Maliwanag ang buwan at maaaninagan mo ang mga dahon ng monggo at mais na nakatanim ngayon sa kabukiran. Ngunit aangkinin ko pa rin ang ilang talatang isinulat ng isang pari, meron na higit sa isang daang taon:
At wiwikain ko ay mapalad ako
Ang kahalimbawa ko ay nagsabog ng binhi;
Tinamaan ko ay ang mabuting lupa.
At sa kinakamtan kong tuwa
Ang nakakaparis ko
Ay isang magsasakang kumita ng aliw
Uupo sa isang pilapil
Nanood ng kanyang halaman
At sa kanyang palayan na parang inaalon sa hirap ng hangin,
At sa bungang hinog na butil na gintong nagbitin ng uhay
Ay kumita ng saya
Munti ang pagod ko, munti ang puyat ko;
At palibhasa ay kapos sa lakas na sukat pagkunan
Ngunit ang pakinabang ko sa pagod at puyat
Ay naibayuhan.
At ikaw, mambabasa, naririyan ka pa ba? Sa iyo rin, salamat.
Urdaneta Bactad Proper
Urdaneta, Pangasinan
31 Disyembre 1990
1 Comments:
Ang ganda! Sampung bituin!
Post a Comment
<< Home