Thursday, September 23, 2004

Ang Balangkas ng Deliberasyon at ang Ley Natural

ANG BALANGKAS NG DELIBERASYON AT ANG LEY NATURAL
Ayon kay Sto. Tomas de Aquino
Isinalin sa Pilipino ni Rainier A. Ibana

Ang Pagmemeron Bilang Bukod-tanging Dalisay na Kilos
Compendium Theologia Kab. 11 1269-73

Hindi maaaring iba sa kanyang pagkameron ang esensya ng Diyos. Sa isang nilalang na iba ang buod sa kanyang pagkameron, kailangang ihiwalay ang kanyang kaanuhan mula sa kanyang pagkameron. Dahil tinutulungan tayong sabihin kung ano ang isang bagay sa pamamagitan ng buod nito, samantalang tinutulungan tayong sabihin na na ito ito sa pagmamagitan ng pagkanagmemeron ng isang bagay, ipinaliliwanag ang kaanuhan ng isang bagay sa pamamagitan ng anumang definisyong nagpapahiwatig ng isang essensya.

Subalit dahil walang kasu-kasuan ang Diyos, hindi maihihiwalay mula sa kanyang pagkana-ito ang kung anuman siya. Walang iba, kung gayon, ang essensya ng Diyos, kundi ang kanyang pagkameron.


Ipinahihiwatig ang pagkakaiba ng pagkamay-hangganan
Summa Theologica 1, q. 50 a 20, ad4

Kailangan nating sabihin na payak-na-may-hangganan ang bawat nilalang habang hindi lubos na umiiral ang pagkanagmemeron nito (esse) kundi limitado ito ng isang kalikasang binabalikan nito ... may hangganan ang pagkameron (esse) nito, gayunpaman, dahil itinatakda ito sa isang bukod-tanging kalikasan.


Pakikibahagi/Pagsasanhi Ukol sa Katotohanan q. 21, a. 2, c. 1256-59

Matatagpuan sa mismong akto ng pagmemeron ang kabutihan. Kung kaya walang anumang umiiral ang hindi nakikibahagi sa akto ng pagmemeron, mabuti ang bawat umiiral ayon sa katunayan ng kanilang pagmemeron….

Ley Natural I
Summa Theologica I-II, q. 94, a. 2

Ang kaayusan ng ating likas na pagkahilig ang kaayusan ng mga patakaran ng Ley Natural. Dahil mayroong isang pangunahin at isang likas na pagkahilig sa mabuti ang tao, na siyang ipinagkatulad niya sa lahat ng bagay, nagnanais niyang mapanatili ang sariling pagkameron nang ayon sa sariling kalikasan. Sa pamamagitan ng pagkahilig na ito, tinutukoy ng Ley Natural ang lahat na gumaganap para sa pagpapanatili ng buhay ng tao at ang lahat na humahadlang sa kamatayan. May isang pumapangalawang pagkahilig ang tao sa isang higit na bukod-tanging mga hantungan na naaayon sa kalikasan na ipinagkatulad niya sa iba pang mga hayop. Ayon sa kanilang inklinasyon, mayroong mga bagay na sinasabing ayon sa Ley Natural "na itinuro ng kalikasan sa lahat na mga hayop," udyok na katulad ng pagkakaisa ng mag-asawa, ang edukasyon ng mga anak, at iba pa. Ikatlo, may isang uri ng inklinasyon na patungo sa mabuti ang tao na naaayon sa kanyang rasyonal na kalikasan at ayon ito sa tao lamang: kung kaya may likas na pagkahilig umalam sa katotohanang ukol sa Diyos at may pamumuhay sa lipunan ang tao. Kaugnay nito, sumasailalim sa Ley Natural ang lahat na kilos na kaugnay sa gayong mga inklinasyon, lalo na ang karapatan ng taong iwasan ang kamangmangan, na hindi niya dapat saktan ang kanyang mga kaugnayan, at ang lahat na mga kilos na katulad nito.


Ley Natural II
Summa Theologica I-II, q. 91a.2,c

Dahil isinasaayos at sinusukat ng batas-eternal ang lahat ng bagay na pumapailalim sa pagkalinga ng Diyos, katulad ng malinaw na ipinakita na, maliwanag na nakikibahagi ng ilang antas sa batas-eternal ang lahat ng bagay, yayamang tinataggap nila mula rito ang ilang mga inklinasyon ng mga kilos at ng mga hantungang naayon sa kanila. Subalit sumasailalim nang higit sa lahat sa pagkalinga ng Diyos, sa isang higit na mabuting paraan, ang rasyonal na nilalang, dahil sa ginawa itong nakikibahagi sa providencia o pagkalinga mismo, na sinusustentohan ang sarili at sinusustentohan din ang para sa iba. Kung kaya nakikibahagi ito sa katwirang eternal mismo at sa pamamagitan nito, nagmamay-ari ito ng isang likas na inklinasyon na tumutungo sa dapat ikilos at patungo sa dapat hantungan. At itinuturing na Ley Natural ang gayong pakikibahagi ng rasyonal na nilalang sa batas-eternal.

Kung kaya sinabi ng Salmista (Salmo 4:6): "Ialay mo ang sakripisyo ng katarungan," dinagdagan pa niyang tila ba tinatanong kung ano ang sakripisyo ng katarungan. "Sinasabi ng marami, sino ang nagpapakita sa atin ng mabubuting mga bagay?" at pagkatapos sumagot na nagsasabi: "Nakatanda sa aming ang liwanag ng Inyong mukha, o Panginoon," na tila ba walang iba kundi ang tatak ng banal na liwanag sa atin ang likas na liwanag ng rason, kung saan binabanaagan natin kung ano ang mabuti at ang masama na tumutukoy sa Ley Natural, , kung kaya malinaw na walang iba kundi ang pakikibahagi ng batas-eternal sa rasyonal na nilalang ang Ley Natural.


Makataong Kilos
Summa Theologica I-II q. 1.a.1, c.

Mula sa mga kilos ng tao, yaong mga wasto lamang sa tao bilang tao ang karapat-dapat na tawaging makataong kilos, dahil ang pagiging amo ng kanyang sariling mga kilos ang ipinagkaiba ng tao mula sa ibang hindi rasyonal na nilalang. Kung kaya yaong mga kilos lamang na ang tao ang siyang amo ang karapat-dapat na tawaging makatao. Ngayon, nagiging amo ng kanyang mga kilos ang tao sa pamamagitan ng kanyang katwiran at kalooban, kung kaya tinatawag na "lakas ng kalooban at katwiran" ang malayang pagpili. Kung gayon, yaong nagmumula sa kilos na sadyang niloob ang mga kilos na karapat-dapat tawaging makatao. Subalit talagang matatawag ding mga kilos ng tao (hominis actionis) ang ibang mga kilos na nasa sa tao, subalit hindi sila makataong kilos, dahil hindi sila pag-aari ng tao bilang-tao.


Malayang Pagloloob Summa Theologica I-II q. 10, a.2.c/

Gumagalaw sa dalawang pamamaraan ang kalooban: una, bilang nagsasagawa ng kilos nito, at ikalawa, sa pagtutuon ng kilos nito sa obheto. Sa unang pamamaraan, walang obheto na kinakailangang magpakilos sa kalooban, dahil maaaring tumangging pagbigyan ang obheto ng persona at kung kaya iwasang loobin ito. Kaugnay ng pagtutuon (sa obheto), may isang uri ng obheto na kinakailangang magpakilos sa kalooban, habang ang iba ay hindi. Tuwing gumagalaw ang anumang lakas bilang tugon sa obheto nito, may pormal na katwiran kung bakit pinagagalaw ng obheto ang lakas na iyon. Ginigising ang lakas ng pagtingin ng nakikitang obheto sa ilalim ng porma ng kulay bilang talagang nakikita, kung kaya tuwing humaharap ang kulay sa lakas ng paningin sa ilalim ng porma ng kulay bilang talagang nakikita, kinakailangang pagalawin nito ang paningin tuwing lumilitaw ang kulay sa harap ng kakayanang tumingin, maliban na lamang kung tumitingin sa ibang lugar ang persona. Subalit kaugnay ito sa pagpapatupad ng kilos. Kung may isang bagay na dumating sa ating pananaw na hindi lubos na kinulayan, i.e., kinulayan sa isang bahagi, hindi sa ibang bahagi, hindi kinakailangang makita ang obhetong ito ng ating pananaw dahil maaaring lumingon patungo sa bahaging walang kulay, kung kaya hindi makikita ang kulay. Katulad nang talagang may-kulay na bagay ang obheto ng paningin, ang kabutihan ang obheto ng kalooban. Kung kaya kung humarap sa kalooban ang anumang obhetong unibersal na mabuti ang bawat bahagi, kinakailangang kumiling ang kalooban rito, kung magloloob man ito, dahil hindi nito maloloob ang kabaliktaran. Subalit tuwing humaharap sa kalooban ang anumang obheto na hindi mabuti sa bawat bahagi nito, hindi kinakailangang kumiling patungo rito. Tuwing may ilang mabuting bagay na kulang sa ibang bagay, dahil katangian ito na "hindi mabuti", yaong lubos na mabuting walang kulang lamang ang sumasaibayo sa pagtanggi ng kalooban. Ang kaligayahan ang isa sa mga iyon. Maaaring ituring na “hindi mabuti” ang bawat partikular na kabutihan bilang nagkukulang ng ilang elemento ng kabutihan. Kung gayon, maaaring tanggihan o tanggapin ng kalooban ang kabutihang ganito dahil maaaring kumiling ang kalooban patungo sa isang obheto nang ayon sa iba't ibang aspeto nito.


Ang Intelektwal na Bukal ng Pagpili
Summa Theologica I-II q. 13, a.6.

May dalawang magkakambal na lakas ang tao na maaaring magpaliwanag sa kanyang kakayanang pumili o hindi pumili. Maaaring lumoob o hindi lumoob ang tao, kumilos o hindi kumilos; maaari niyang loobin ito o loobin iyon at gawin ito o gawin iyon. Ang mismong lakas ng katwiran ang makapagpapaliwanag nito. Maaaring kumiling ang kalooban sa anumang nakikita ng katwiran subalit maaaring isaalang-alang ng katwiran ang kabutihan. Subalit maaaring isaalang-alang ng katwiran ang kabutihan nang hindi lamang ayon sa pagloloob o nang ayon sa pagkilos, kundi gayon din ang hindi pagloloob o hindi pagkilos. Bukod pa rito, maaaring makita ng isipan ang kabutihan sa bawat partikular na bagay, katulad ng pagkakakita nito sa kawalan nito ng kabutihan, na nagmumungkahi ng pagkamasama. Kung kaya maaaring makita ng isipan ang alinman sa mabuting mga bagay na ito bilang mahalaga o hindi mahalagang piliin. Ang lubos na kabutihan o kaligayahan lamang ang hindi maaaring makitang masama o may sira sa anumang paraan. Kaya kinakailangang loobin ng tao ang kaligayahan, at imposible para sa kanya ang loobing maging hindi maligaya o maging malungkot.

Subalit dahil hindi nakikipag-ugnayan sa layunin ang pagpili kundi sa mga pamamaraang patungo sa layunin, katulad ng tinalakay na (Summa Theologica I-II, 13, 3), hindi ito nakikipag-ugnayan sa lubos na kabutihan o kaligayahan kundi sa ibang partikular na mabubuting mga bagay. Kaya nga malaya at hindi napipilitang pumili ang tao.


Kung Paano Kumilos ang Kalooban
Summa Theologica I q. 105 a 4.c.

Katulad ng pinakikilos ang isipan ng Maykapal ng lakas-isipan, pinakikilos ang kalooban ng obheto nito o ng kabutihan at Niyang lumikha ng lakas ng pagloloob. Bagaman mapagagalaw lamang ng kabutihan ang kalooban bilang obheto ng kalooban, Diyos lamang ang makapagpapakilos nito nang may-lubusan at nang may-kaganapan. Dahil walang lubos na makapagpapagalaw sa isang maigagalaw na bagay maliban na lamang kung humuhigit o kahit katulad man lamang sa potensyal na maigagalaw na bagay ang aktibong kapangyarihan ng nagpapagalaw. Subalit kasama ang unibersal na kabutihan sa potensyal ng kalooban dahil ang huli ang obheto, katulad ng ang unibersal na meron ang obheto ng isipan. Ngayon, isang partikular na mabuti ang bawat nilikha, samantalang Diyos lamang ang unibersal na kabutihan. Kung gayon, Diyos lamang ang makatutupad sa kakayanan ng kalooban at lubos na pinakikilos ito bilang isang obheto. Gayundin, Diyos lamang ang nagiging sanhi ng lakas sa kalooban. Ang pagkiling patungo sa obheto ng kalooban o unibersal na kabutihan ang basta pagloloob. Subalit katulad ng ugnayan ng mga tao na patungo sa kabutihang komun ng mga mamamayan ang pamamalakad ng tagapamalakad ng komunidad ang unang tagapagpagalaw na kumikiling patungo sa unibersal na kabutihan, na siyang katumbas ng huling hantungan,. Kung kaya, Diyos ang dapat na magpagalaw sa kalooban sa magkatulad na mga pamamaraan, subalit lalo na sa ikalawang pamamaraan, sa pamamagitan ng pangkaloobang inklinasyon ng kalayaang pumili.


Pagsusuri sa Malayang Pagpili
Ukol sa Masama, Ika-anim na kabanata

Subalit, kung isasaalangalang natin ang mga obheto ng kalooban at ng kaisipan, matatagpuan natin na ang obheto ng isipan ang pangunahing prinsipyong pumapailalim sa kasarian ng sanhing pormal dahil ang umiiral at ang totoo ang obheto nito. Subalit ang pangunahing prinsipyong pumapailalim sa kasarian ng sanhing hantungan ang obheto ng kalooban dahil obheto nito ang kabutihang bumubuo sa lahat ng mga layunin, katulad ng nasa ilalim ng katotohanan ang kabuoan ng lahat na naunawaang mga porma, kung kaya isang uri ng partikular na mabuti ang kabutihan mismo habang isang uri ito na maaaring maunawaan ng porma -- na isang nilalaman sa ilalim ng totoo bilang isang uri ng katotohanan; at habang hantungan ang katototohanan mismo ng operasyong intelektwal, isang nilalaman din ito sa ilalim ng kabutihan bilang isang uri ng partikular na mabuti. Kung gayon, kung isasaalangalang natin ang galaw ng lakas sa kaluluwa mula sa bahagi ng obhetong tumutuon sa kilos, magmumula sa isipan ang unang prinsipyo ng galaw, dahil sa ganitong pamamaraan, ang inalam na kabutihan ang nagpapagalaw rin sa kalooban mismo.

Subalit kung pagtutuonan natin ang galaw ng lakas ng kaluluwa mula sa bahagi ng pagpapatupad ng kilos, magmumula sa kalooban ang prinsipyo ng galaw. Mula sa kinauukulang lakas na may kakayanang kumilos, katulad ng pagpapagalaw ng mga lakas-militar sa pagawain ang mga manggagawa ng kabisada ng kabayo, at sa ganitong pamamaraan pinagagalaw ng kalooban ang sarili mismo at ang iba pang mga lakas. Lumoloob ako dahil alam ko, at sa katulad na pamamaraan, ginagamit ko ang aking mga lakas at mga ugali dahil lumuloob ako; kung kaya binibigyang-halaga ang ukol sa ugali ng tagakomentaryo sa Ukol sa Kaluluwa III bilang yaong ginagamit ninuman tuwing lumuloob siya.

Kung kaya, upang ipakitang hindi pilit na pinakikilos ang kalooban, kinakailangang pagtuonan ang kilos ng kalooban bilang sabay na nagpapatupad ng mga kilos at bilang tagapagtakda ng mga kilos, isang pagtatakda na nagmumula sa obheto. Kung gayon, sa pagpapatupad ng kilos, unang-unang ipinakikilala na pinakikilos ng kalooban ang sarili; dahil sa katulad ng pagpapakilos nito sa ibang lakas, pinakikilos nito ang kanyang sarili. Mula sa paglalahad na ito, hindi nangangahulugang sabay na nasa potensyal at nasa aktwal na kalagayan sa magkatulad na aspeto ang kalooban. Dahil katulad ito ng isang tao na pinakikilos ang sarili sa pamamagitan ng kanyang isipan mula sa kaalaman tumutungo sa pagtuklas, habang tumutungo siya mula sa isang bagay na potensyal lamang ang kanyang kaaalaman patungo sa isang bagay na aktwal na alam niya, kung kaya, sa pamamagitan din ng katunayang aktwal na niloloob ng tao ang anumang bagay, aktwal na pinagagalaw niya ang kanyang sarili na loobin ang ibang mga bagay.

Bilang halimbawa, sa pamamagitan ng pagloloob ng tao sa kalusugan, pinagagalaw niya ang kanyang sarili na loobing tumumad ng gamot. Dahil niloloob niya ang mabuting kalusugan, nagsisimula siyang magdeliberasyon sa mga bagay na nagdadala ng mabuting kalusugan; at sa katapusan, sa pagtatakda ng pagsangguni, tinutumad niya ang gamot. Kung kaya, inuunahan ng deliberasyon ang kalooban na tumumad ng gamot na talagang nagmula sa kalooban ng taong lumuloob ng mga pagsasaalang-alang. Kung kaya, tuwing pinagagalaw ng kalooban ang sarili patungo sa pagsangguni, lumilitaw na isang uri ng hindi-nagpapatibay na pananaliksik ang pagsangguni, kundi sa pagka-bukas sa kabilang panig, hindi napipilitang pagalawin ng kalooban ang kanyang sarili. Subalit dahil hindi palaging lumoloob sa pagsangguni ang kalooban, kinakailangan itong paggalawin ng iba; at kung ang sarili nito ang nagpapagalaw, kinakailangang magpauna sa pagsangguni ang pagkilos ng kalooban, at kinakailangang magpauna sa kilos ng kalooban ang pagsangguni; at dahil hindi ito maaaring magpatuloy hanggang sa walang katapusan, kinakailangang mangatwiran na dahil hindi palaging nasa pagkilos ng pagloloob ang pagsangguni, gumagalaw ang kaninumang kalooban sa pamamagitan ng isang bagay na nagmumula sa labas, na siyang umuudyok upang magsimulang lumoob ang kalooban.


Ang Pinagmumulan ng Katarungan sa Lupa
Ukol sa Katotohanan q. 23, 2.6.c.

Dahil isang uri ng "pagka-dapat" ang katarungan, katulad ng itinuturo ni Anselmo (Ukol sa Katotohanan, 12), o "pagkakapantay" katulad ng itinuturo ng Pilosopo (Ethika Nikomakeo V, I), pangunahing maaayon sa kung anuman ang may gayong sukatan ang katarungan; kung paano maitatatag sa pagitan ng mga bagay ang pagkakapantay at pagkadapat ng katarungan. Ngayon, hindi maaaring ilarawan ang katarungan bilang pangunahing patakaran kundi bilang ang binibigyang-patakaran, habang binibigyang-direksyon ito ng katwiran at ng pag-uunawa. Hindi lamang ito totoo para sa atin kundi para sa Diyos din, bagaman hindi magkatulad na bagay ang kalooban at ang pagka-dapat nito. Subalit sa Diyos, talagang kaisa ng kaisipan ang kalooban, kung kaya talagang kaisa ng kalooban mismo ang pagkadapat ng kanyang kalooban. Kung kaya nakabatay sa karunungan ng banal na kaisipan ang pangunahing buod ng lahat na kalikasan ng katarungan. Perpektong nagtatatag ng mga bagay ang kaisipang ito, nang ayon sa bawat isa at sa kanilang sanhi. Binubuo ng proporsyong ito ang buod ng kalikasan ng katarungang para sa mga nilikha. Sa paggigiit na nababatay lamang ang katarungan sa kalooban, idinedeklara na hindi kumikilos nang ayon sa kaayusan ng karunungan ang banal na kalooban, na isang hindi mapitagang paggigiit.



Ang mga Hangganan ng Pansariling Pag-aari
Summa Theologica II-II q. 66 ad.1

Nagmumula sa Ley Natural ang pag-aaring komun ng mga bagay, hindi dahil sa idinikta ng Ley Natural na dapat gawing pag-aaring komun ang lahat ng bagay at na hindi dapat magkaroon ng mga pansariling pag-aari, kundi dahil walang pagkakaiba ang mga pag-aaring ayon sa Ley Natural kung hindi ang naaayon sa napagkasunduan ng mga tao, na kasangkot ang batas positibo, katulad ng nabanggit na. Kung kaya hindi labag sa Ley Natural ang pansariling ari-arian, kundi idinadagdag ito sa Ley Natural bilang nilikha ng katwiran ng tao.


Ukol sa Kabutihang Komun
Summa Theologica I-II q. 96, a. e.

Gayunpaman, hindi nag-uutos sa lahat ng kabutihang asal ang mga batas ng tao, kundi yaon lamang na tumutukoy sa kabutihang komun--nang tuwiran (kapag tuwirang ginagawa ang mga bagay ayon sa kabutihang komun) o nang hindi tuwiran (katulad ng kung nagtatatag ng ilang mga kautusang kaugnay sa mabuting disiplina ang mambabatas, na nagbibigay edukasyon at ng pagsasanay na gumalang sa kabutihang komun, sa katarungan, at sa kapayapaan, sa pamamagitan ng mga batas na ito).


Ukol sá Kabutihang Komun ng Batas
Summa Theologica II-II q.96, a. 1,c.

Ang kabutihang komun ang layunin ng batas; dahil, katulad ng sinabi ni Isidro (Etymologies II, 10); kinakailangang gawin ang mga batas nang hindi ayon sa isang pansariling interes, kundi "para sa kabutihan ng mga mamamayan." Kung kaya kinakailangang tumutumbas sa kabutihang komun ang mga batas ng tao.


Ukol sá Kabutihang Komun ng Estado
Summa Theologica, II-II, 58, 7 ad 2.

Magkaiba ang kabutihang komun ng estado at ang pansariling kabutihan ng mga indibidwal, hindi lamang nang ayon sa bilang na katulad ng malaki at ng maliit, kundi nang ayon sa uri; iba sa kahulugan ng kabutihang pang-indibidwal ang kahulugan ng kabutihang komun, katulad nang iba sa kahulugan ng isang bahagi, ang kabutihan ng kabuoan.





Ang Pagkaunibersal at/o Pagkapartikular ng Ley Natural
Summa Theologica I-II q. 94. 2.4

Katulad ng nabanggit sa itaas, tumutukoy sa :Ley Natural ang mga likas na kinahihiligang pagkilos ng tao. Natural; isa na rito ang kawastuhan ng tao na dapat siyang kumiling sa mga kilos na naaayon sa katwiran. Subalit nagmumula ang katwiran mula sa pangkalahatang mga prinsipyo patungo sa mga partikular, katulad ng naipaliwanag na sa Pisika I, II. Ginagawa ito ng katwirang ispekulatibo ng tao sa isang pamamaraan at ginagawa ito ng katwirang praktikal sa ibang pamamaraan. Dahil pangunahing ginagamit ang katwirang ispekulatibo kaugnay sa nakatakdang mga katotohanan na imposibleng maging iba sa kanilang katalagahan; kung kaya kasing tiyak na matatagpuan ang katotohanan sa partikular na mga konklusyon katulad ng sa pangkalahatang mga prinsipyo mismo. Subalit ginagamit ang katwirang praktikal kaugnay ng nga bagay ng hindi tiyak na siyang kinaroroonan ng mga kilos ng tao; kung kaya bagaman mayroong isang pagkakatakda ang pangkalahatang prinsipyo, lalong higit na nagiging bukas sa mga pagkaliban ang konklusyon nito habang bumababa sa mga
partikular [na sitwasyon].

Kung kaya malinaw na may iisang sukatan ng katotohanan at pagkawasto para sa lahat, at pare-parehong nalalaman ito ng lahat, habang ang pangkalahatang mga prinsipyo ng katwiran ang pinag-uusapan, maging ispekulatibo o praktikal man. Kaugnay ng mga partikular na konklusyon ng katwirang ispekulatibo, muling may isang sukatan ng katotohanan para sa lahat, subalit hindi parehong alam ito ng lahat; Unibersal na totoo, bilang halimbawa, na katumbas ng dalawang tuwirang anggulo ang tatlong panloob na anggulo ng tatsulok; subalit hindi nalalaman ng lahat na tao ang konklusyong ito.

Tuwing dumarating tayo sa partikular na konklusyon ng katwirang praktikal, gayunpaman, walang pagkakatulad na sukatan ng katotohanan o pagkawasto para sa lahat, ni hindi pare-parehong alam ng lahat ang katotohanang ito. Namumulatan ng lahat na wasto at totoong [dapat] kumilos nang ayon sa katwiran. At mula sa prinsipyong ito, tumutuloy bilang partikular na konklusyon na dapat bayaran ang mga utang. At totoo ito sa lahat ng kaso; subalit maaaring mangyari sa isang bukod-tanging kaso na makasasakit ito, at kung gayon hindi rasyonal na bayaran ang isang utang (kung, halimbawa, gagamitin ang pera para sa isang digmaan laban sa sariling bayan).

Madalas na maaaring maganap ang gayong mga pagpapaliban habang lalong bumababa tayo sa konkretong mga kaso, katulad ng sinasabing babayaran nang ganoong may pag-iingat o sa ganitong pamamaraan ang utang. Habang higit na nagiging bukod-tangi ang pagkakalahad ng mga kondisyon, lalong higit ang posibilidad na magkaroon ng lumilitaw na pagpapaliban kung kaya maaaring hindi wastong isauli o hindi isauli ang bayad.

Kung kaya dapat sabihin na pare-pareho para sa lahat ang Ley Natural habang ang pangkalahatang pangunahing mga prinsipyo ang pinag-uusapan, bilang sabay na batayan ng pagkawasto at bilang pare-parehong maaaring alamin. Subalit kaugnay ng mga partikular na kaso ng mga konklusyon mula sa pangkalahatang mga prinsipyo, pare-pareho lamang ito para sa lahat sa higit na maraming kaso, bilang sabay na isang batayan at bilang maaaring alamin, kung kaya maaari itong tumanggap ng pagpapaliban sa bukod-tanging mga kaso, nang sabay na may kaugnayan sa pagkawasto dahil sa ilang mga hadlang at kaugnay rin ng pagkamaaaring alamin. Maaari rin itong maganap dahil nabawasan ang katwiran ng ilang mga tao, dahil sa udyok o dahil sa ilang masamang ugali, katulad ng sinabi ni Cesar sa Mga Giyerang Galiko IV 23, ukol sa mga Aleman, na noong unang panahon, hindi nila naisip na mali ang magnakaw (bagaman malinaw na labag ito sa Ley Natural).


Ang Pangangailangan sa Batas ng Tao
Summa Theologica I-II q. 95, a.1

Malinaw mula sa mga nabanggit na may likas na kakayanang gumawa ng mabuting kilos ang tao, subalit magagawa lamang ng mga tao ang kaganapan ng gayong kabutihan kung tutuparin nila ang ilang disiplina. At pambihira ang mga taong may kakayanan ng gayong disiplina nang walang tulong sa iba. Karapat-dapat, kung gayon; na magtulungan tayo sa isa't isa na maabot ang disiplinang iyon na magdadala sa mabuting pamumuhay. May ilang mga kabataan, sa katunayan, ang madaling magkahilig sa mabuting pamumuhay dahil sa pagkakaroon ng isang mabuting likas na disposisyon o pagpapalaki o lalo na dahil sa banal na tulong, at para sa mga ito sapat na ang disiplina ng mga magulang sa pamamagitan ng pagbibigay-payo. Subalit dahil mayroon ding mga iba na masama ang disposisyon at malapit sa bisyo, na hindi madaling mapagalaw sa pamamagitan ng mga salita, kinakailangang pigilin sila mula sa kasamaan sa pamamagitan ng pananakot. Sa paglalayo sa kanila mula sa paggawa ng masama, nakasisiguro ng tahimik na pamumuhay para sa iba; at sa katapusan, nadadala rin sila sa pamimilit ng pag-uugali upang boluntaryong gawin ang mga dating ginagawa lamang nila dahil sa takot at kung kaya magagawa rin nila ang mabuting ugali. Disiplina ng batas ang ganitong disiplina, na iginigiit sa pamamagitan ng takot at parusa. Kung kaya kinakailangang gumawa ng mga batas para sa kapayapaan at mabuting pag-uugali ng mga tao. At sinabi ng pilosopo sa Pulitika 1, 2: "Ang tao, kung ganap nang mabuti ang ugali, ang pinakamabuti sa lahat na hayop; subalit kung mahiwalay siya mula sa batas at katarungan, siya ang pinakamasama sa lahat na hayop. Dahil hindi katulad ng mga hayop, may armas ng katwiran ang tao na magagamit niya upang kasangkapanin ang kanyang mababaw na pagnanasa at kalupitan."

Ang Pangangailangan sa Isang Banal na Batas
Summa Theologica I-II, q. 91, 2.4, c

Maliban pa sa Ley Natural at sa batas ng tao, kinailangang magkaroon ng banal na batas na magbibigay-direksyon sa pamumuhay ng tao, at may apat na dahilan ito: Una, dahil sa pamamagitan ng batas, nabibigyan ang tao ng direksyon patungo sa wastong kilos kaugnay ng kanyang huling hantungan. At kung nakatuon ang kapalaran ng tao sa isang hantungang hindi labis sa proporsyon ng lahat na likas na lakas ng tao, hindi na niya kinakailangan pa ng anumang kautusang ibinahagi mula sa katwiran na lumalabis sa Ley Natural at ng mula sa mga batas na gawa ng tao na nagmula rin sa Ley Natural. Subalit dahil inordenahan ang tao patungo sa hantungan ng eternal na kaligayahan na lumalabis sa proporsyon ng natural na lakas ng tao, katulad ng nabanggit kanina, kinakailangang ituon siya sa pinakahantungang ito, at hindi lamang sa pamamagitan ng natural at makataong batas, kundi sa pamamagitan ng batas na ibinigay ng kabanalan.
Ikalawa, dahil sa kawalang-seguridad ng paghatol ng tao, lalo na sa mga nababago at bukod-tanging mga kalagayan, madalas mangyari na medyo iba't-ibang mga hatol ang ipinapataw ng iba't-ibang mga tao sa mga kilos ng tao na nagdadala sa iba't-iba at magkakatunggaling mga batas. Kung kaya upang maaaring malaman ng tao nang walang-duda ang mga dapat niyang gawin at iwasan, kinailangang pumailalim ang kanyang mga kilos sa direksyon ng isang batas na ginawa ng kabanalan, kung saan alam na imposible ang magkamali.
Ikatlo, maaaring gumawa lamang ng batas ang tao hinggil sa mga bagay na maaari niyang hatulan. Subalit hindi makapapasok sa mga pangkaloobang motibo ang paghatol ng tao, dahil nakatago at maaabot lamang niya ang panlabas na mga kilos na nagpapakita. Gayunpaman, hinihiling ng kaganapan ng birtud ng tao na maging mat’wid siya sa parehong panlabas at panloob pagkilos.At dahil hindi lubos na maisasaayos ng batas ng tao ang pangkaloobang mga kilos, kinakailangang ipatupad ito ng banal na batas.
Ikaapat, katulad ng sinasabi ni San Agustin sa Ukol sa Malayang Pagpili I, hindi maaaring parusahan ni pagbawalan ng batas ng tao ang lahat na masasamang ginawa, dahil habang nagnanais na pigilin ang lahat na masama, wawasakin din nito ang maraming mabuti, at kung gayon hahadlangan nito ang makatutulong para sa kabutihang komun na kinakailangan para sa pag-unlad ng tao. Upang walang kasamaang manatiling hindi ipinagbabawal at hindi pinarurusahan, kinakailangang magkaroon ng isang banal na batas na mamamagitan sa pagbabawal ng lahat na kasalanan.


Adoro te Devote

Nakakubli ritong Diyos
na akin ngang sinasamba
Ibinabalatkayo nitong mga hungkag na anino,
hugis, at wala nang iba
Tingnan, Diyos, ang Iyong lingkod
mapagkumbabang nakahimlay rito
ang isang puso
Naliligaw, ligaw lahat, namamangha
sa Iyong pagkadiyos.

Ang paningin, ang panghipo, ang panlasa
pawang panlinlang,
mga panlinlang sa Iyo;
Paano sinabi ng may tiwalang pandinig
ang kakayanang manalig?
Kung ano ang sinabi ng Anak ng Diyos
ang siyang tunay na hawak ko
Talagang nagsalita Siya
bilang katotohanan mismo
o wala na talagang totoo.....

Hesus na aking tinatanaw
sa likod ng mga belo rito
Isinasamo ko sa iyo
ipadala mo ang aking ikinauuhaw
Na makatanaw sa Iyo balang araw
nang mukha sa mukhang liwanag
Habang pinagpapalang walang hanggan
ng Iyong maluwalhating pagtingin.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home