Wednesday, August 18, 2004

Ley Natural

LEY NATURAL: BALANGKAS NG PAGMUMUNI-MUNI
(Hango sa mga nota mula kay Padre Roque J. Ferriols, SJ)
Bong S. Eliab - Ateneo de Davao University

Tatalakayin ngayon ang ley natural. Eto ang nakaplanong balangkas ng pagtalakay.

1. Telos - hantungan ng likas na paghihilig

sa malay tao: ninanais, hinahanap
layunin, kabuoan, katuparan

2. Telos ng tao: kaligayahan

hindi aliw ng laman
ni kwarta ni ariarian
ni puri ng tao

3. Ang kahiligan na ugat ng kilos tao

a. paghahanap sa walang hanggang kabutihan at katotohanan

* sa walang hanggang pag-ibig at pag-uunawa
* sa kalagayan ng pagka-bukod-tangi, pagka-nag-
* iisa at pagka-bahagi-ng-kabuoan,
* pakikipagkapuwa tao.

b. KALIGAYAHAN - pagtupad sa a.

* paghantong sa Puong Maykapal sa kasamahan ng
* kapuwa tao
* nagsisimulang maganap sa kasalukuyan ngunit hindi
* mabubuo dito
* sa ibang buhay ang tuluyan-di-tuluyan na walang
* hanggang pagtupad

k. ETIKA - kaya't ang gawain ng tao sa lupa ay dapat

* nababagay sa kalagayan ng tao bilang nakatalaga at humahantong sa b.

d. DAPAT - na sa pangangailangan ng udyok ng kalikasan:

* udyok na kaibuturan natin: kung wala ito hindi ako ako, hindi tayo tayo.

4. Nararanasan ang 3, sa konsyensya

* bilang kaalaman
* bilang utos
* bilang katahimikan

SINAUNA

Ang kalikasan ay nararanasan bilang gumagalaw, umiiral, nagiging. . . Maraming mga pilosopiya ang nakababatid nito; sinusubukan ng iba't ibang pilosopo na isadetalye ito sa iba't ibang paraan. Ngayon, ang sinubukan kong gisingin ay iyong sinaunang pagdanas sa daigdig: sinauna, sapagkat nauuna sa anomang teorya o pagsasadetalye. Hindi malinaw sa maka-matematikong kalinawan: h indi sapagkat malabo; hindi sapagkat hindi nalalaman, kundi sapagkat nalalaman bilang siksik sa meron, bilang tigib sa potensyal (pagka-maaring magbigay kaalaman at pag-uunawa at paggawa). Kaya't talagang malinaw ang sinaunang pagdanas; nagpapaunawa sa atin ang daigdig, at nauunawaan natin. . . kaya't nagiging batayan, sanhi, unang puno, ng pakikipagtagpo, halimbawa, sa unang Meron-na-meron na doon "tayo ginagalaw, at siya nama'y hindi gumagalaw". At nagpapaunawa sa atin ang daigdig, at nauunawaan natin kaya't nagiging batayan, sanhi, unang puno, halimbawa, ng isang lumilinaw ng lumilinaw na pag-aaninaw, at pagkikilala, sa ley natural.

Delikadong gawain ito. Ang nagawa ko lamang sa bahaging pastorale ay mag-ayos ng ilang "pagtuturo ng daliri" sa hindi masabi, magbigay ng ilang "padaplis" na pahiwatig. . . at ang rumersulta baga ay na hawak mo na naman ang isa pang papel na kinasusulatan ng isa pang teorya na ibig ilarawan ang daigdig? Ang nakababalisa baga ay na ang sinaunang pagdanas sa daigdig, ang nauuna sa anomang teorya at pagsasadetalye, at samakatwid sanhi rin ng anomang teorya at pagsasadetalye, ay hindi maaring pag-usapan kundi sa pamamag-itan ng isa pang teorya at isa pang pagsasadetalye?

Sa palagay ko hindi. Maaring ipahiwatig itong sinaunang ito sa isang paraan na hindi eksakto sa maka-matematikong pagka-eksakto, ngunit eksaktong eksakto pa rin sa nibel ng pagbibigay-mulat kaninoman na handang gumising at manatiling gising at alisto sa sinauna. . . at sakop diyan lahat ng tao na hindi nagpakulong sa isang desisyon na ituring na matematika o maka-matematika lamang ang kaisa-isang pag-iisip na gagamitin nila. Iyan ang aking pinagsikapang gawin sa bahaging pinamagatan kong Pastorale: matauhan sana tayo ukol sa sinauna, upang huwag natin malimutan sa mga susunod na pahina ng pagteteorya at pagsasadetalye, na lahat ng teorya at detalye ay matindi nating pinagsisikapan na isilang mula sa sinauna at panatilihing nakatuntung sa sinauna. Upang harinawa'y palaging humahanap ng tibay at katotohanan mula sa sinauna.

Halimbawa, gagamitin natin ang salitang griyegong telos. Hindi nito ibig sabihin na gagamitin natin ang katagang telos sa kahulugan na ibinigay ng isang lumang teoryang biolohiko sa telos at sa mga katagang galing sa telos. Hindi ibabatay at walang kinalaman sa teoryang biolohiko ng entelecheia ang ating etikong pagtalakay.

Marahil mapapansin ng tusong mambabasa na matindi at malalim ang impluensya nina Aristoteles at Sto. Tomas sa mga pahinang ito. Malaki ang utang na loob na tinatanaw ko sa kanila. Sila'y mga "nagtuturo ng daliri", mga gimigising at nagbibigay-loob, nagpapamulat sa isip. Gayunpaman, hindi natin gagamitin ang "telos" sa kanilang kahulugan. Susubukan nating gamitin ang "telos" sa kahulugan nito bago pa ginamit ng mga pilosopo. Sinaunang telos: pagtukoy sa naaaninagan na tinutunguhan ng kalikasan na hantungan, kabuoan, katuparan, pag-usbong, paglago, atbp. Gagamitin natin ang "telos" bilang pagtawag ng pansin sa sinauna; pagturo sa mga hindi makonseptong galaw nito; pagtawag pansin sa mga kaktutubong kilus na tumutungo sa malinaw-malabong hantungan, kabuoan, katuparan. Sa madali't sabi, pagagalawin natin ang katagang "telos" sa abot tanaw ng sinauna.

Etika at Moralidad

ETIKA AT MORALIDAD
(Ang teksto ay galing sa turo ni Roque J. Ferriols, SJ)
Bong S. Eliab - Ateneo de Davao University

Ang Mga Katagang ethike at ethos

Ang paksa ng kursong ito ay tinatawag na "etika". Ang kataga ay Griyego, ethike, na nakaugat sa ethos: "ugali" o "nakaugaliang pamamalakad sa buhay". Natagpuan na ng mga sinaunang tao ang ugali na nakasanayan sa buhay bilang tao. Kaya masasabi nating may ethos ang bawat isa, ang bawat komunidad, sapagkat ang ethos ay kaugaliang tinatanggap ng isang komunidad bilang mabuti, dapat at mahalaga (Habermas 1996), sa kalinangan, sa tradisyon na ipinapasa sa bawat salinlahi (Gadamer 1984).

Bilang pambungad o malinaw-na-malabong pagtalakay sa kahulugan ng katagang ethos, maaring sabihin na ang ethos ng isang tao ay marangal o di marangal, patakaran ng isang tao na may magandang kalooban o kaya'y pamamalakad ng isang masamang loob, makahulugan o kabaliwan.

Ang nakatatawag pansin ay na tinitimbang ng tao ang uri ng pamumuhay ng kanyang kapuwa at ng kanyang sarili, hindi lamang sa nibel ng kalusugan (maaring sabihin na ang katawan ni kuwan ay masasaktin o mahina o malakas o matibay atbp.), sa nibel ng paghawak sa ari-arian (si kuwan ay mayaman, mahirap, dukha, mariwasa, atbp.), sa nibel ng kakayahan sa isang linya (magaling o patsamba-tsambang inhinyero, guro, doktor, kaminero, abogado, atbp.), kundi lalo na sa nibel ng mismong pagpapakatao.

Kaya't masasabi natin na mabuti o masama ang kondisyon ng katawan ni Juana (nasa kondisyon, ika nga, o wala sa kondisyon), na mabuti o masama ang kalagayan ng mga ari-arian ni Juan, na mabuting doktor si Petra o masamang doktor si kuwan, o mabuting kaminero si Pedro o masamang kaminero si kuwan . . . ngunit ang importante sa lahat ay kung mabuting tao o masamang tao ang isang tao. At iyan ang larangan ng etika.

Makikita rin natin dito na nagtatalaban ang mga nibel (Reyes 1989, 2). Aalagaan ng mabuting tao ang kanyang kalusugan upang makapaglingkod siya sa kapywa. Kung patsamba-tsamba lamang ang kaalaman ng isang mabuting tao ukol sa medisina'y hindi siya mangangahas na magtrabaho bilang doktor.

Tayong lahat ay merong mga kuro-kuro o atitud ukol sa kung ano ang mabuting tao o masamang tao. Madaling mapagmasdan iyan. Ngunit, kung susuriin natin ng mas masusi itong mga kuro-kuro o mga atitud na ito, marahil mahihirapan tayo. Maari pang mangyari na sa pagtatanong ng isang tuso ay magulo tayo at isipin pa natin na kalokohan pala ang buong usapan ukol sa mabuti o masama. Maari namang akayin tayo ng isang matinong pagtatanong sa mas maliwanag na pag-uunawa.

Hindi natin matatalakay ang lahat ng mga posibleng paninindigan ukol sa etika, ngunit, baka makatulong tingnan ang ilang mga atitud na kung minsa'y natatagpuan sa karaniwang pamumuhay.

Madalas ding gamitin ang katagang "moral" o "moralidad", dalawang kataga na katumbas ng "maka-etika" at "etika". Galing sa Latin, mos, moris, (=ethos) at morale, moralitas, (=ethike). Makikita natin na samu't sari ang paggamit ng salitang etika at moralidad. Mababakasan natin ito sa ating pang-araw-araw na salita: "ito ang karapatdapat", "ito ang mabuting gawin", "ito ang tamang plano", "ito ang wastong pasya" (Reyes 1989). Kaya minsan ang etika at moralidad ay gagamitin bilang magkasing-kahulugan, ngunit alisto tayo na iba ang pinanggalingan ng bawat isa.

Ukol sa normatibo at heuristiko

Ngunit, isang nota muna ukol sa paggamit sa mga kataga. Tingnan muna natin ang dalawang pamamalakad sa paggamit sa kataga.

Sa una, kinikilala na ang bawat kataga ay dapat gamitin ayon sa isang tumpak na kahulugan. At ang kahulugang tumpak na ito ay isang batas sa paggamit sa kataga. Halimbawa, ang kahulugan ng "pusa" ay "isang hayup na may balbas, malambot ang balat at balahibo, may matang nakakita sa dilim, nakakalakad at nakatatakbo na walang ingay, at kahit na ihulog na baliktad ay palaging lumalapag na nakatayo". Iyang kahulugang iyan ay isang batas: "Gagamitin mo ang katagang iyan sa kahulugang ito lamang." Ang ganitong paggamit ay tinatawag na normatibo mula sa katagang Llatin, "norma", na ang ibig sabihin ay "pamantayan", "sukatan".

Sa ikalawang pamamalakad naman, iyong gumagamit ay naghahanap; at kasangkapan sa paghahahanap ang kataga. Kaya't ang kataga ay palaging panturo sa hinahanap at sabay "tumatanggap ng hudyat" mula sa hinahanap. Tinatabasan ang kahulugan ng kataga upang maging angkop sa pagpapatuloy sa paghahanap at angkop sa mga nahahanapan. Halimbawa, ang katagang abot tanaw ay pantukoy sa nakikita o sa anomang nararanasan sa buong naabot ng pagtanaw: sa itaas, ibaba, harapan, likod, kaliwa, kanan, atbp. Sa ganitong paggamit, ang katagang "abot tanaw" ay sabay nilalaman: "ang natatanaw at nararanasan sa buong kapaligiran" at utos: "magpakaalisto ka sa hindi mo inaakala: tingnan! danasin!" At sapagkat ang natatanaw at nararanasan ay paiba-iba, ganoon din umiiba-iba ang nilalaman ng kataga; hindi sa patsamba-tsambang pag-iiba-iba, kundi batay sa istrikto't disiplinadong katapatan sa talagang natatanaw at nararanasan. Ang ganitong paggamit ay tinatawag na heuristiko mula sa katagang griyego, "heurisko", na ang ibig sabihin ay "naghahanap ako."

Ngayon, may dalawang pagmamasid:

1. Kailangan ang dalawang uring paggamit: normatibo sabay heuristiko.

Kung walang normatibo, maaring lubusang papalit-palit ang kahulugan ng mga kataga, kaya't wala talagang magiging kahulugan ang anomang kataga. Kung tinatanggap ang lahat ng kahulugan, wala talagang tinatanggap na kahulugan. Hindi magagamit na panturo ang daliri, kung walang tumpak na hugis ang kamay.

Sa kabilang panig naman, kung walang heuristiko, nakatakda na ang bawat kahulugan: wala ng posibilidad isipin ang hindi pa naiisip, unawain ang hindi pa nauunawaan; wala nang posibilidad tingnan at danasin ang hindi pa natitingnan at nararanasan.

2. May poder ang tao na pasiyahin kung kanyang bibigyan diin ang normatibo o ang heuristiko. Sa heuristikong paggamit sa "pusa", halimbawa, babalik ako sa mga sinaunang panahon noong ang pusa'y isang hindi inaakalang hayup, isang kababalaghan. Dadanasin ko ang katagang "pusa" bilang hudyat: "tingin! danas! akala mo'y kilala mo na ang pusa, hindi pa!" O maari namang gamitin ang "abot tanaw" sa normatibong paraan: "isang kalawakang pumapaligid, mula sa lahat ng dako, sa taong mulat: iyan at iyan lamang ang kahulugan."

At isang dagdag na pagmamasid:

Sa etika kailangan ang tuso at matinong paggamit sa normatibo upang maging malinaw ang usapan. Kailangang pairalin na walang sawa ang heuristiko upang ang pag-iisip ay maging ukol sa meron, sa pamamag-itan ng isang walang sawang pagtanaw at paghukay at pagtawid sa totoo, at hindi basta't ukol sa mga purong idea o purong konsepto.

Ehersisyo:

Ggamitin ang ethike, ethos, etika moral, moralidad, sa normatibong heuristkong paraan.

Gamitin ang ethike, ethos, etika moral, moralidad, sa heuristkong paraan.

Gumawa ng talaan o listahan ng Pilipinong balangkas at instruktura, mga kaugalian at tradisyon tulad ng bayanihan, pamamanhikan, pamahiin, harana, misa de gallo, at iba pa. Ipaliwanag ang mga ito sa normatibo-sabay-heuristikong paraan, ipaliwanag kung anong nibel ng pamantayang moral. Maging mulat na ang kaugalian pangkultura, pagpapahalagang tradisyunal at balangkas panlipunan ay maaring sinasakop ng iba ibang nibel.



ETIKANG GUMAGALAW SA TOTOO

Sa mga etikang gumagalaw sa oryentasyon ng umaabot-tanaw sa totoo, dalawa ang pag-aaralan natin sa kursong ito: ang etika ng ley natural at ang etikang maka-metapisika ng halaga, ang halagang moral

Ang ganitong uring etika ay hindi isang instrumento na may mga instruksyon kung papaano dapat gamitin. Pag-aralan ang mga instruksyon at magagamit mo na! Ang pamumuhay ayon sa ganitong etika ay hindi isang simpleng pag-aplikasyon ng isang listahan ng mga reglamento. Maingat mong basahin at malinaw na ang lahat! Isa-isahin mo na lamang at tiyak na wasto ang iyong pamumuhay! Ang ganyang paningin ay may lihim na paghahambing. Patagong itinutulad ang tao sa makina. Lahat ay maaring gawing otomatik. Ganoon din daw ang tao.

Ang taong nag-eetika ay taong nagpapakatao. Taong may isip, pag-ibig, kalayaan, pagpipili. Taong tumatanda at tumutubo sa katauhan, nagbabago at nahuhubog. ang bawat tao ayon sa kanyang sariling kompas. Kung kailangan gumamit ng talinhaga, marahil mas matitiis ang talinhaga ng punong kahoy, na sabay tumutubo sa ibabaw ng lupa at sa ilalim ng lupa, sabay may buhay panloob at palaging tumatalab at nagpapatalab sa panlabas, na may sariling kompas ngunit tubo pa rin ng tubo, tumutubo sa kanyang kabuoan, atbp.

Kaya't ang kailangan ay hindi isang aklat ng mga listahan at instruksyon, at mga reglamento, kundi ilang pahiwatig at mungkahi nang magising tayo sa pagtanaw, pagmumulat, pagmamalay sa mga maka-etikang karunungan at tawag na laganap sa daigdig, sa mismong kalikasan, natura, sansinukob--kung titingin lamang tayo at makikinig. Oo. Magkakaroon ng maraming lugar na magpapalabas ako ng isa, dalawa, tatlo. Ngunit, mahinahon na mambabasa, huwag mo sana ituturing ang mga iyon na listahan ng mga instruksyon para sa isang makina. Ituring mong pahiwatig sa iyo at sa akin na gumising. . . at tumanaw at makinig sa kalikasan, sa mabuti na nasa kalikasan.



PASTORALE

Maaring tanungin, "Maayos ba ang kalikasan?" At magsisimula ang mga talunan ukol sa kung ano ang "maayos" at kung ang agham ay nakatutuklas o pinapalagay lamang o ni hindi pinalalagay na maayos ang kalikasan.

Ngunit, lihim na nalalaman ng bawat tao, na may lihim na pagka-maayos ang kalikasan. At pagtitiyagaan kong gisingin ang kaalamang iyan. Sapagkat kailangan na gising iyan upang makita at madama at marinig ng ating diwa ang ley natural.

Maari kong sabihin na maraming klaseng kaayusan. May kaayusan ng kwartong malinis, walang kalat, walang dumi, at may lugar sa bawat bagay, kaya't ang nakatira doon ay makukuha kaagad ang kailangan niya; alam niyang na ang bawat bagay ay nasa tamang lugar. May kaayusan naman ng kwarto na maraming kalat, baka maalikabok pa, ngunit alam ng nakatira roon kung ano ang bawat bagay na nasa kwarto, at makukuha niya kaagad ang kailangn niya; sapagkat meron siyang pakiramdam sa bawat isa. At kung ang tao sa unang kwarto ay hindi alam kung ano ang mga nasa kwarto niya at hindi niya makuha ang kailangan niya, sasabihin natin: parang maayos, pero magulo ang kwarto niya. At kung ang tao sa ikalawang kwarto ay hindi alam kung ano ang nasa kwarto niya at hindi makuha ang kailangan niya, sasabihin natin: parang magulo, at talagang magulo ang kwarto niya.

Ngayon, lakas-loob kong sasabihin na ang mga mambabasa ay madaling naunawaan ang mga sinabi ko ukol sa kaayusan. Kahit na wala tayong pinagkasunduang pormulang depinisyo ng kaayusan. Sapagkat bago tayo nag-usapan ay nakadanas na tayo ng kaayusan at naunawaan natin. Bago tayo magtalunan ukol sa depinisyo'y nakakapit na ang ating isip sa kabuoan na hindi kayang hulihin ng depinisyo. Hindi ko sinasabing bale wala ang mga pagtatalo. Tinatawag ko lamang sa ating pansin na sa isang nibel na mas sinauna at mas tunay kaysa sa pagtatalo, meron na tayong kaalaman ukol sa kaayusan. Nakadanas na tayo ng kaayusan sa kalikasan. Kaya't inaantabayanan natin na magpapatuloy ang kaayusan. Nakadanas na tayo ng kaayusan sa kalikasan. [Kaya't inaantabayanan natin na magpapatuloy ang kaayusan.] Alam nating maayos ang kalikasan.

Ang hindi natin alam ay ang eksaktong detalye. Kung minsan ang pinagtatalunan natin ay kung ano ang eksakong detalye. Kung minsan naman, ang pinagtatalunan ay kung kaya'y may kaayusan. Sa ating pagmamataas, ayaw nating aminin ang hindi natin lubusang masasakyan, kaya't pahaba ng pahaba ang diskusyon, at baka manindigan na lamang tayo na walang kaayusan. Ngunit, sa ating sinaunang kalooban, tiyak pa tayo na may kaayusan, kaya't tahimik tayong natutulog at nagigising sa tahimik na katiyakan na ang araw ay lulubog at sisikat.

Hawig diyan ang masasabi ukol sa mga syentipikong modelo ng daigdig. Sa walang hintong pagtakbo ng mga dantaon ay palaging paiba-iba ang mga modelo. Magsisimula sa modelo A. Mamayamaya (ang ibig sabihin, pagkatapos ng ilang daantaon) maiimbento ang modelo B. Ang pumapanig sa modelo B ay sasabihin na sa wakas natuklasan na mali ang modelo A. Mamayamaya (mga daantaon uli) maisisilang ang modelo C. Sasabihin naman ng mga pumapanig sa C na ang A at B ay hindi sapat, na hindi gaanong hindi sapat ang C, pero walang teoryang maiimbento kailanman na talagang sapat, kayat hanap ng hanap.

Sa lahat nito may isang katiyakan, na ang mga tao ay walang hintong mananaliksik at, base sa natuklasan, ay magsisigawa ng mga modelo ng kalikasan. Hindi nating iisipin kailanman na bale wala ang pagsasaliksik. Hindi natin iisipin kailanman na makakaimbento tayo ng modelo na sakop ang lahat. alam natin na hindi natin matutuklasan ang sapat kailanman, sapagkat segurado tayo, sa isang lihim at sinaunang pagka-segurado, na may siksik at hindi-kayang-ubusin-ng-tao na umiiral na katotohanan.

Merong maayos. Gaano kaayos? Ganito. Kahit na ilang modelo ang gagawin ng taon, ang mga modelo ay yari sa mga data na galing sa kalikasan. Ang bawat modelo ay maayos sa kanyang sariling bersyon ng kaayusan. Ang bawat modelo ay "kapirasong kaayusan" na hinango sa kalikasan. Talagang nakakagat sa kalikasan, pero hindi kailanman malulunok ang kalikasan.

At ano ang kinalaman nito sa etika? Sapagkat ang sinaunang pagka-kagat ng tao sa maayos ay hindi lamang sanhi ng pagtatalunan ukol sa depinisyo ng kaayusan o ng mga pananaliksik na syentipiko, kundi sanhi rin ng isang uring pagmumulat sa buong katotohanan ng siyang sinapupunan ng pag-uunawa ng tao, sa malalalim at mayayaman na katotohanan.



Halimbawa, sa sinauang pagka-kagat natin sa maayos, makatutuklas tayo ng landas sa Maykapal. Napagmuni-munihan na natin ito sa pilosopiya ng relihiyon. Alalahanin natin uli at pagmuni-munihan ang ating tesis:

1. Bago tayo gumawa ng mga teyoriya o sistema ukol sa daigdig meron na tayong umaantabay na intuisyon ukol sa daigdig bilang maayos.
2. Itong umaantabay na intuisyon ay siyang sanhi na nag-uudyok sa atin upang gumawa tayo ng mga teyoriya o sistema.
3. Itong umaantabay na intuisyon ay isa nang pagdanas sa daigdig bilang maayos.
4. sa umaantabay na intuisyon na ito may landas sa pakikipagtagpo sa Maykapal.

Itong pakikitagpo sa Maykapal na ito ay importante rin sa etika. Sapagkat ang puwang na pumapagitan sa etika na may Diyos, at sa etika na walang Diyos o nag-eewan-ko-ba-kung-may-Diyos, ay singlalim ng bangin. Ngunit, hindi pa ito lahat.

Sa sinaunang pagka-kagat natin sa meron na maayos, maaring matauhan din tayo ukol sa kalikasan: na ito ay siyang landas at lugar ng pag-uunawa na may likas na mabuti at likas na masama. At isa sa mga matiyagang pagsisikap na gabayan ang pagsasabuhay ng pag-uunawang may likas na mabuti at likas na masama ay ang etika ng ley natural.

Malaki ang maitutulong ng mga makata upang tayo'y matauhan ukol sa ating sinaunang pagkakagat sa kaayusan. Sapagkat itong sinaunang pagsasakaayusan natin ay hindi mabibigkas sa salita. At alam ng mga makata na hindi mabibigkas. At hindi sila mapagmataas na nagpapanggap na kunwa'y nabigkas na nila. Ngunit, bukas sila sa hangin ng kaayusan na madalas patalab na hinihingahan sila. At madalas naririnig ang isang awit na hindi binibigkas, ngunit, talagang pinapahiwatig, tinuturo mula sa malayo, pero tinuturo, ang hindi maaring sabihin.

Halimbawa ang "Tag-lagas" ni Rainer Maria Rilke.

Mga dahon nahuhulog, nahuhulog parang mula sa malayo,
hardin yatang malalayog sa langit nalalanta;
nahuhulog may anyong humihindi.
At gabi-gabi mabigat na lupa nahuhulog,
sa lahat ng bituin hiwalay, walang kapuwa.

Lahat tayo nahuhulog. Kamay na ito doon nahuhulog.
At masdan itong isa: nasa lahat.
At meron pang isa na itong paghulog ay
walang-wakas, malambot, sa kamay sinasalo.

At kung naghahanap tayo ng makata na sa kalikasa'y nakakaaninag sa Maykapal, at sa pag-aaninag sa Maykapal ay natatauhan sa likas na mabuti at likas na masama, lalo na sa likas na kabutihang hinihingi ng pakikipagkapwatao, maari nating pagmuni-munihan ang "Florante at Laura" ni Balagtas. Ang kalikasan dito ay hindi nakukulong sa isang teorya, kaya't buhay sa tao ang kagubatan at kahayupan, at nakikipagsagutan ang tao sa pumapaligid na linalang. Maaring pag-aralan ito sa isang mas malawak at mas nabubuong pananaliksik. Ngunit, ang tatanawin natin dito'y iyong eksena lamang ng mga leon at ng moro.

Marahil alam natin ang tinutukoy ko. Si Florante'y nakagapus at nanghihina na siya at hindi na siya makatagal. Nilapitan siya ng dalawang leon na nagugutom. At akala niya sasaktanin na nila siya, ngunit, naawa ang mga leon sa kanya.

Nanga-aua mandi, t, naualan ng bangis
sa abang sisil-ing, larauan ng saquit,
nanga-cataingala,t, parang naquiquinyig
sa di lumilicat na tingistangis.

Ngunit, mamaya-maya'y bumalik ang mga leon. Nilupig ng gutom ang kanilang awa, at kakainin na nila ang nakagapus.

Na-acay ng gutom at gauing manila,
ang-uli sa ganid at naualang aua,
handa na ang ngipi,t, cucong bagong hasa
at pagsasabayan ang gapos ng iua.

Sa hina ng katawan at sa takot, nawalan ng malay si Florante. Ngunit, may isang moro, si Aladin, na tinatahak ang kagubatan. Narinig niya si Floranteng nananangis bago siya nawalan ng malay at ang mga umuungol na leon. Siya ang sumagasa sa mga leon. Pagkatapos ay kinalag niya ang mga gapos ni Florante at kinalong siya. Noong nagkamalay si Florante, natakot siya at kaaway niya ang kumakalong sa kanya. Ngunit, sinabi sa kanya ng moro:

Sagot ng guerrero, i, houag na manganib
sumapayapaca, t, mag aliu ng dibdib
ngayo, i, ligtas cana sa lahat ng saquit
may calong sa iyo ang nagtatangquilic

Cung nasusuclam ca sa aquing candungan,
lason sa puso mo nang hindi binyagan,
nacucut-ya acong di ca saclolohan
sa iyong nasapit na napacaraual

Ipina-hahayag ng pananamit mo
taga Albania ca at aco, i, Perciano
icao ay caauay ng baya,t, secta co,
sa lagay mo ngayo,i, magcatoto tayo.

Moro aco,i, lubos na taong may dibdib
ay nasasacalo rin ng utos ng Langit,
dini sa puso co, i, cusang natititic
natural na leyng sa aba, i, mahapis.

Anong gagauin co,i, aquing napaquingan
ang iyong pagtaghoy na calumbay-lumbay,
gapus na naquita,t, pamumutiuanan
ng dalawang ganid, ng bangis na tangan.

Dito'y nakikita ang isang uri ng pagdanas sa kalikasan. Lahat ng mga linalang ay may awa sa isa't isa. Ngunit, sa mga hayup, ang awa ay nalulupig sa kabagsikan ng gutom. Ang tao lamang ang may pag-uunawa na manatiling maawain kahit ano ang mangyari. Itong pag-uunawa na dapat siyang manatiling maawain ay nakatitik na sa puso niya. Iyan ang ley natural. At dahil rito, sa mismong mga pangyayari, napapakinggan at nakikita niya kung ano ang kanyang gagawin.

Nakikita niya na may likas na mabuti at likas na masama. Likas na mabuting tulungan ang nangangailangan; likas na masama ang pagsamantala at paglinlang sa nangangailangan. Nauunawan niya na mabuti ang dapat niyang sundin. . . ngunit, lumalabas sa mga kagagawan ng ibang mga tauhan sa tula na maaring tanggihan ito ng tao.

Ganyan ang uri ng pagka-bukas sa kalikasan, pagka-alisto sa lalim at siksik at hiwaga at posibilidad ng kalikasan, na kailangan natin upang matino nating mapagmuni-munihan ang pag-eetika ng ley natural.


Karapatang Ari © 1998 J. S. Eliab
Walang bahagi ng mga nakasulat dito ang maaring gamitin ninuman
sa anumang anyo at hugis na walang nakasulat na pahintulot
ang tagalathala maliban sa ilang pagsiping
gamitin sa pagtatasa ng
mga gawain at paksang nakasaad dito.

Pambungad sa Kursong Pilosopiya

Click Here!

Lumipad ka't harapin ang mundo!

PAMBUNGAD SA KURSONG PILOSOPIYA
Roque J. Ferriols, S.J./ Bong S. Eliab

Sa simula gusto kong ipalawanag ang patakarang sinusundan sa pagpili sa katagang ginagamit sa kursong ito. Iba-iba ang may akda sa mga tatalakaying teksto. Ngunit mangangahas akong magsabi na -- o nakakahawig dito -- ang aming paningin ukol sa paggamit at paglikha sa wikang Pilipino.

Paggamit at paglikha. Sa paggamit sa anumang wika hindi natin maiiwasang lumikha. Sapagkat kinukuha natin ang mga katagang nagamit na ng pagkaramiraming tao, at kailangan nating hubugin at baguhin ang mga katagang ito nang makayanan nilang bigkasin ang ating pinakapersonal na kaisipan at pagmumunimuni. May kahulugang kilala ng lahat ang bawat kataga. Meron namang bukod-tanging kahulugan ang bawat tao. Kung alam na ng lahat ang iyong sinasabi, parang wala ka ring sinabi. Kung ang sariling isip lamang ang iyong iniintindi na walang pakundangan sa mga nakikinig sa iyo, walang nakakaunawa sa iyo at parang wala ka ring sinabi. Kung nagtatalaban at nagsasagutan ang dalawang ito, kung sumasang-ayon sa isa't isa at tumututol sa isa't isa ang dating kahulugan at ang bagong kahulugan, may naisisilang na bagong likha -- talagang meron kang sinabi. Kaya ang paggamit sa anumang wika ay sabay na pagtanggap sa nasabi na at pagbibigay anyo sa hindi pa nasasabi.

Ngunit kung may isang wikang hindi pa nakatatalakay sa mga problemang kinagigipitan ng modernong tao o sa mga disiplinang umiiral sa mga pamantasan, at kung pinasiya nating gamitin ang wikang ito sa pagtalakay sa mga problema't disiplinang ito, tiyak na sasapitan ng tayo ng isang pambihirang krisis sa paglikha. Kakailanganin nating halus likhain muli ang buong wika.

Papaano natin magagawa ito?

Tingnan muna natin ang paninindigan ng purismo at taglish. Ayon daw sa mga purista, bawal kumuha ng salita mula sa banyagang wika. Kung titingnan naman natin ang mga katha ng mga purista, medyo tayo magtataka. Sapagkat hindi sila tumututol sa budhi, mukha, dukha, pitaka -- mga katagang hango sa Sanskrit. Hindi rin nila inuurungan ang petsay, hikaw, pansit -- mga ngalang mula sa Intsik. At madalas nila sabihing asikaso, hitsura, kamiseta, kutsara -- Kastila ang mga katagang ito. Hindi yata anumang katagang banyaga ang kanilang iniilagan kundi mga katagang Ingles lamang at mga katagang Kastila din kapag napaka-Kastila ang tunog. Sa taglish naman, maaring gamitin ang anumang Ingles at Pilipino ng halo-halo. Madalas natin ito marinig sa radyo't telebisyon at sa tanggapan ng mararangya. Halimbawa: "Sa tag-ulan, nag-iispread ang, you know, all kinds of diseases kasi kung anu-ano ang mga things ang tinatangay ng floods. Kaya alam na ninyo, iba na if you wash your hands bago kumain."

Ganito yata ang nangyayari. Ipinapalagay ng mga purista na bago sumapit ang higit kumulang 1920, bahagi ng wastong wikang Pilipino ang pagkuha at pag-angkin sa mga banyagang kataga. Ang usapan dito ay hindi ukol sa anumang ligaw na banyagang kataga kundi mga katagang kinilatis at pinili. At ganyan naman ang pamamaraang sinusundan ng mga ibang wika. Tigib sa mga hiram na kataga ang Ingles. Mula sa Latin, education, disciple, pedestrian. Mula sa Griyego: thrombosis, melancholy. Pranses: prestige, courage. At meron pang Kastila sa Ingles na Amerikano: hoosegow, desperado. Pinagmamalaki naman ng mga Kastila na meron silang musikang maka-arabe at meron pang mga katagang Arabe gaya ng alhambra, alferez, alcohol. Ninakaw din ang ating mga salita at inangking pag-aari ng mga banyagang wika. Ang salitang Ingles na boondocks at ang salitang Kastila na Quizame. Ganyan rin naman ang pamamaraan ng wikang Pilipino bago magka-1920 kaya't inaangkin nila ang mga naturang kataga: mukha, hikaw, kutsara at iba pa. At ngayon isang Pilipinong nag-aalinlangan ang isang purista. Kung minsan ipinagmamalaki niya ang kanyang wika. Noong araw ay buo na araw ang wikang Pilipino. Hindi na kailangang buuin pa ang buo na, hindi na kailangang likhain pa ang nilikhang buo na. Hindi na madaragdagan. Hindi naman mababawasan. Walang magawa ang ganap na kundi manatili sa kanyang kaganapan. Kung minsan nasisiraan yata ng loob ang mga purista. Napakaraming bagay nga ang nasabi sa wikang Pilipino, ngunit napakarami yatang mga pangyayari na hindi pa nasasabi sa Pilipino at hindi yata masasabi sa Pilipino. Hindi na bale, sabi ng purista. Kung hindi masasabi sa Pilipino, hindi karapatdapat sabihin ng Pilipino. Mga kilalang bagay na lamang ang kanyang pag-uusapan, At kung may mauungkat na modernong bagay, mabuti pang gumamit ng pasikut-sikut na parirala kaysa umampon sa isang banyagang wika. Gaya noong isang manunulat na nagsasabing ginawa niya ang kailangang gawin upang lumitaw ang larawan sapagkat ayaw niyang sabihing pinadebelop niya ang letrato.

Mga nag-aalinlangan rin ang mananaglish. Sa isang panig ibig nilang magkaroon ng isang wikang Pilipino, sapagkat malinaw na hindi wikang Ingles ang taglish. Kung ginagamit nila ang wikang Pilipino, ito ay sapagkat laganap ang wika sa buong kapuluuan dahil sa sine at iba pang mga media at dahil sa marami ang mga hindi Tagalog na dumalaw o naninirahan sa Maynila at iniuwi sa kanila ang Tagalog Maynila. Sa madali't sabi, ginagamit nila ang Tagalog hindi sapagkat ito ay Tagalog kundi sapagkat dito nagsalubungan na at nagsasalubungan pa ang iba't ibang wikang Pilipino. Kahit papaano dito nadarama ng kanilang hubad na talampakan ang lupang kanilang kinauugatan. Kahit na alanganin, dito yata nakatatalab sa kanilang ugat ang tumitibok na dugo ng kanilang mga ninuno. Ngunit sa kabilang panig, naniniwala sila na hindi mapag-uusapan sa Pilipino ang mga problema't pangyayari ng kasalukuyang panahon. Kaya taos puso nilang niyayakap ang Ingles. Imposible ang kanilang kalagayan. Pilipino ang awit ng kanilang loob at damdamin. Hindi naman nila kayang buuin ang kanilang isip kundi sa Ingles. Kapag sila magsalita, hati ang kanilang dila. Hati na rin ang kanilang diwa. Nalilimutan nila ang dumarating sa atin ang Ingles mula sa isang malaong pagtubo at pag-unlad, na nagkaroon rin ang Ingles ng mga panahon ng paghahagilap, pag-angkin sa ganito at ganyang katagang banyaga, pagtaboy sa ganito o ganoong katagang banyaga, na may krisis rin sa paglikha ang Ingles. Akala yata nila na biglang tumayo na lamang diyan ang wikang Ingles , bagong gawa, napakamoderno, kumikintab na parang raket na handa nang magpa-imbulog sa buwan.

Kung may krisis tayo, atin ang pananagutang harapin ito. Pananagutan at kakayahan at inspirasyon na mulang isilang at sariwain ang wikang Pilipino. Pirapiraso ba ang iyong sarili, ang iyong diwa? Iyo ang kakayahang buuin ito. Maingat mong ipunin ang mga piraso. Mga bahagi ito ng iyong pagkatao. Pagsamasamahin ang mga bahagi. Pag-ugnay-ugnayin. Hingahan ng iyong diwang tunay. Buhayin . . . .

Ano ang kinalaman ng lahat nito sa pilosopiya, lalo sa pag-eetika? Kailangan buuin ang diwa ng isang wika nang magamit ito sa pamimilosopiya. Kung watak-watak ang wikang ginagamit, watak-watak din ang pamimilosopiyang lalabas. Ngunit maaring idaan ang wika sa hirap ng isang bagong pagsilang. Ipanganganak uli ang wika, magiging sanggol, malusog, bagong mulat, ngunit buhay sa sinaunang diwa. At kung pamimilosopiya itong wikang ito, tatalab sa pilosopiya ang diwa nitong wikang ito at sino ang makakahula kung anong bagong pag-uunawa ukol sa tao, sa buhay at sa daigdig ang maisisilang sa ganitong pamimilosopiya?

Ano ba ang pilosopiya?

Hindi yata tumpak ang pagkabigkas ng tanong. Ito sana ang ating itanong: ano kaya ang pamimilosopiya? Sapagkat ang pilosopiya ay hindi isang bagay na maituturo ng daliri at mahahati sa isip sa ganito o ganoong katangian. Nakakita na ba kayo ng naglalakad at nakangiting na pilosopiya? Tunay na hindi bagay ang pilosopiya kundi isang gawain. Ginagawa ang pamimilosopiya at hindi mga konseptong nakalutang sa isip. Palaging pasisikap ng isip at damdamin ang pamimilosopiya.

Anong uring pagsisikap?

Paghahanap.

Ng ano?

Katotohanan. Kaalaman. Karunungan ukol sa mga nakakabalisa sa kalooban ninuman. May kahulugan ba ang pagpapakatao? Sino ako? Sino ka? Bakit tayo, hindi lang ako, kailangang gumawa ng mabuti? Bakit ba kailangan pa nating pagsikapang maging mabuti sa kabila ng kabiguan?

At sa ganitong paghahanap , meron bang natutuklasan? Oo. Meron! Natutuklasan ang kaalamang mulat sa kanyang katangahan, sa kanyang hindi pagka-alam. Karunungan na nagmamalaki't sabay namang nagpapakumbaba. Nagmamalaki sapagkat nakakagat sa totoo at sa bawat sandali'y natitikman niya ang katotohanan. Mapagkumbaba naman sapagkat ginagalang niya ang umaapaw na katotohanan at alam niyang hindi masasakop kailanman ng kanyang isip ang buong katotohanan. Hindi nakakasira ng loob ang pagpapakumbabang ito bagkus nagbibigay loob sa isang masigasig at nanabik sa paghahanap.

Nagsisimula ang pilosopiya sa pagkabalisa ng karaniwang tao sa kanyang karaniwang karanasan. Sa kanyang pagsisikap na masakyan itong pagkabalisang ito, dumadaan siya sa hirap. Mapalad kung makarating sa karunungan. At nang maukit sa kanyang aalaala ang anumang karunungang matamo niya, maaring lumikha siya ng salawikain.

Ano ba ang salawikain kung hindi binhi ng pamimilosopiya na minana natin sa ating mga ninuno. Ang binhing palay ay siksik ng buhay at bisa ng nakaraang salinlahi ng mga palay na inihasik, tinanim, tumubo, naghitil, nagbutil at napakinabangan. At kung ihahasik mo muli itong binhing palay na ito, pati ikaw rin ay kakain. Ganoon din, siksik sa tinipon sa salawikain ang ilan sa mga naunawaan ng ating mga hali-haliling ninuno. At kung pamumuni-munihan mo ito, pati sa iyo uusbong ang kanilang karunungan at magiging liwanag ukol sa iyong sariling karanasan.

At tumatakbong matulin
Kung matinik ay malalim.

Kung sa hangin ka dudura
Mukha mo ang mababasa.

Ano ang winiwika ng dalawang salawikaing ito? Ipinaala sa iyo na marami kang matutunan sa iyong mga naranasan. Naalaala mo ang mga pagkakataon na sa iyong pagmamadali ay lalong tumagal at pumaltos pa ang iyong ginagawa. Naalaala mo rin kung ilang beses ka dinaig ng iyong kalaban dahil sa iyong bigla at walang planong pagkilos. Totoo nga, ang tumatakbong matulin … Kung sa hangin … Ngunit sandali lang, hintay muna, ilang beses bang nangyari na ang mabilis at walang planong lundag ang siyang nakapagligtas sa iyo? Marami na rin. Totoo nga, ngunit hindi rin totoo ang sinasabi ng salawikain. Inaaliw ka't merong kang alam. Pinapakumbaba ka at marami kang walang alam. Nililito ka kaya't nagtataka ka at tinutubuan ng pananabik maghanap, manaliksik. Habang binabaligtad mo sa iyong isip ang mga salawikain, naramdaman mo ang udyok ng pamimilosopiya.

Pagsasalawikain ba lamang ang pamimilosopiya?

Hindi. Marami ang pamamaraan ng pamimilosopiya. Ngunit may isang uring pamimilosopiya na pinupukaw ng mga minanang salawikain at dumaraan sa paglikha ng bagong salawikain o sa bagong pag-uunawa na mga minana, at humahantong sa isang mas mulat at mapagkilatis na pag-iisip. Inihahalimbawa ang ang ganitong uri ng pamimilosopiya sapagkat hindi gaanong mahirap kilalanin palibhasa'y bahagi ng ating buhay pang-araw-araw. Sa halimbawang ito, matatauhan tayo na madalas na tayong namimilosopiya sa ating buhay. Sa klase ng pilosopiya ginagawa natin ang isang bagay na dati na nating ginagawa ngunit sa paraang mas maayos, mas disiplinado at kahimanwari'y mas malalim.

Isa pang dahilan kung bakit inihalimbawa ang pilosopiya ng mga salawikain: madaling makita na ang kaalaman-di-kaalaman na taglay ng salawikain at bunga ng diwa ng wikang ginagamit. Iba ang salawikain sa Pilipino at iba naman sa Kastila o Ingles. May mga bagay na masasabi sa isang wika at hindi sa ibang wika. Habang ginagamit ang isang wika matutuklasan ang isang katotohanang mapaghihinalaan lamang o hindi mapaghihinalaan kapag iba ang wikang ginagamit. Hinahanap ng pilosopiya ang puting sinag ng araw ng katotohanan. Ang mga wika'y mga prismang kinakalat ang puting sinag na ito sa angaw-angaw na kulay. Kaya merong iba't ibang wika, ngunit iisa lamang ang katotohanan. Sinasalo ng iba't ibang wika ang katotohanan sa iba-ibang istilo.

Sa ating kultura, isang katotohanang pangyayari na may naririnig tayo mga tunog sa pagputok ng bukang liwaway. Umagang umaga maririnig natin ang manok, at nasasalo ito ng wika, nagkakaroon ng kataga bilang tawag sa isang totoong pangyayari, isang mahalagang karanasan: taktaraok (Ilocano), kukutaok (Pangasinan), tiktilaok (Tagalog), tukturaok (Bicolano), tukturook (Kiniray-a/Hiligaynon), tuktugaok (Waray at Cebuano). Tingnan naman sa ibang wika: cock-a-doodle-doo (Ingles), kikeriki (Aleman).

Iilan lamang sa mga kulay na ito ang masasalo ng bawat wika. May mga hindi rin nasasalo ng wika. Iilan lamang ang natatanggap at nahahagilap ng wika ngunit napakahalaga. Kaya gamitin mo sabay likhain ang ating magiging wika. Huwag mo gaanong hangaan o saliksikin ang wika bagkus hanapin at hangaan ang katotohanan habang ginagamit at nililikha ang wika. At matutuklasan mo ang matutuklasan mo.

Sinauna Bilang Potensyal

Nagkataon na nasa tuktok kami ng bundok, sa isang bahay dasalan. Mga kasama ko'y gumaganap ng banal na pagsasanay bilang paghahanda sa ordenasyon sa pagkapari. Nagkataon na bumangon ang malakas na bagyo. Pusod ng bagyo ang huminto sa hindi kalayuan sa amin. Huminto ang pusod; hindi ang malalakas na hangin na iniikot ng pusod. Dalawang araw, dalawang gabi. Mga puno at bahay nalulunod, naaanod sa hangin. Nagtataka kami kung kami'y magigiba.

Isa sa pinag-usapan namin ay pamimilosopiya. Noong nag-aaral ng pilosopiya ang aking mga kasama, kasama sa kanilang mga babasahin ang ilan sa aking mga sinulat. Nagtaka sila kung may lalabas na pilosopikong pagtalakay sa ilang mga atitud na mapagmamasdan sa kalinangang Pilipino; mga atitud, na kung tutuusin mo, ay pilosopiko at karapat-dapat pagmunihan, palalimin sa isang pilosopikong pag-uunawa. Halus hiniling nila na gumawa ako ng ganoong pagtalakay.

Pagtataka sa maraming nibel ang ginigising ng kanilang mga sinabi, at nakita ko na kailangan kong isipin ito ng totohanan. Kaya't sinabi ko sa kanila: iisip-isipin ko, at anuman ang matagpuan ko ay aking ibabahagi sa inyo sa huling yugto ng isang sulatin na matagal ko nang sinusulat at hindi pa matapus-tapos.

Ngayon nakarating na ako sa huling yugtong ito at inaalok ko ang hindi isang pilosopikong pagsususuri, kundi ilang mga ligaw na puna at isang mungkahi ukol sa potensyal. Kung may interes pa kayo, mga kapuwa, at kung binabasa ninyo ito, heto ang ipinapangako ko sa inyo.



Pagpili sa Wikang gagamitin

Madalas may nagtatanong: Mag-iimbento ka ba ng pilosopiyang Pilipino? O kaya: Maari bang magkaroon ng pilosopiyang Pilipino? Ang mga tanong na iyan ay pag-aksaya lamang ng panahon. Kung talagang nais ng isang taong mamilosopiya, ang hinahanap niya ay ang totoo na nagpapakita sa kanya. At gagamitin niya ang anumang makakatulong sa paghanap sa totoo. Kung ang pinag-aabalahan niya ay Pilipino ba ako? O Intsik? O Indian? O kung ano? Hindi na siya namimilospiya. Lalabas siyang gaya ng taong tingin ng tingin sa salamin sa walang katapusang pagka-bagabag baka hindi siya mukhang Pinoy.

Bukal sa lahat ng tao ang hanapin ang katotohanan, at lahat ng wika ay likha ng tao. Kaya taglay ng bawat wika ang kapaitan at pananabik ng paghabol sa katotohanan: paghabol na ginaganap ng mga unang naghubog at ng mga sunod na gumamit sa wikang iyon. Kaya lahat ng wika ay maaring gamitin sa paghahanap sa totoo kung may kalooban ang gumagamit. At kung ayon sa totoo ang kanyang paggamit.

Madalas akong pagpunahan na kung katotohanan ang hinahanap mo, hindi importante kung anong wika ang gagamitin mo sa iyong pamimilosopiya. Iyan ay isang delikadong puna. Kung may tao sa aklatan, at sinubukan niyang mamilosopiya sa isang wika na ibang di hamak sa sinasalita ng mga nagmamaneho ng dyipni, nagwawalis-tingting sa mga kalsada, nagsisilbi sa mga turo-turo, masasabi kaya na ang taong iyon ay gumagalaw sa katotohanan? Sapagkat hindi mapagkakaila na, angkinin man ng tao o sadyang limutin, palaging mananatiling totoo na lahat ng tao, pati ang mga namimilosopiya, ay napapaligiran ng mga kapuwa tao na nagsasalita. At kapag nagsisikap mamilosopiya ay pumipili sa wikang gagamitin niya, ang kanyang pagpili ay bunga ng kanyang atitud sa salita ng mga pumapaligid sa kanya. At ang kanyang atitud ay maaring katotohanan, maaring kasinungalingan.



Kakayahang Tumingin

Kung ugali ng taong gamitin ang ngala't konsepto bilang bungang-isip (panturo sa totoo), mararanasan niya na ang bawat wika ay may kakayahang turuan siyang tumingin. Mararanasan din niya na ang bawat wika ay may kakayahang yumaman. Para bagang natututo pati ang wika. At lumalago ang kakayahan ng wikang magbigay ng udyok tumingin, kapag ang gumagamit ay sabik maturuan at maudyukan tumingin. Matutuklasan niya na maaring bastusin ang isang wika, at ang kakayang ng wika na magturo ay hihina at maglalaho. Pero may malalim na buhay ang bawat wika, at maaring gisingin ito kung maliksi at alisto ang gumagamit. Kaya't ang paggamit ng isang wika, sa anumang wika, ay pakikisalamuha sa mga gumamit at gumagamit sa wika, pagkilatis sa kayamanang iniwan nila sa wika, pagtanggap, pang-ingat, pagsisid sa kalaliman, pagtampisaw sa kababawan … at tuluyang pagpapatubo sa wika. Sapagkat ang matinong pag-ibig sa wika ay sanhi ng matinding pagmemeron para sa mga gumagamit at para sa kanilang kasalamuha.



Kuwentuhan

Nangyari na hindi kami magkasundo ng isang kaibigan. Nag-initan kami. Hindi ko maalaala kung bakit. Sa isang sandali, `ika niya, "Mabigat na sabihin ito sa iyo. Ayaw ko sanang sabihin at may utang ako sa iyo, pero sasabihin ko pa rin."

"Anong utang ito? Wala kang utang sa akin."

"Ikaw talaga. Kung makarinig ka ng `utang' wala kang maisip kundi kuwarta. Hindi utang na kuwarta ang sinasabi ko. Utang na loob! Hindi mo ba alam?"

Noong nag-aaral kami sa seminaryo, nagkataon na lumalangoy kami sa isang ilog na malakas ang agos sa gitna. Natangay ako ng agos at paglingon ko, napuna kong hinahabol ako ni X. Malakas siya at mabilis. Umabay siya sa akin. Sabi niya, "Magrelaks ka lang. Paglapit ko ilagay mo ang dalawa mong kamay sa aking balikat. Wala kang ibang gagawin." Sinundan ko ang sinabi niya, at sa ilang saglit nasa tabing ilog na kami.

Sa daloy na panahon nagtapos kami sa seminaryo at may mga hindi kanais-nais na ginawa si X. Madalas siyang pintasan kapag nagkukuwentuhan ang mga nakakakilalala sa kanya. Sa loob ko alam kong totoo ang kanilang mga ipinipintas sa kanya, pero hindi ako nakikisali sa istoryahan. At kung may pagkakataon ay ikinekwento ko kung papaano niya akong inaahon sa mabilis na agos ng ilog noong araw pa. Utang ko sa kanya na ingatan ang alaala ng kanyang kabutihan.

Tingnan natin ang isang bersyon Iloko ng Mga Gawa. Naaalaala mo iyong sundalo na guwardiya ng mga presong Kristiyano. Nagkaroon ng lindol sa gabi. Nabuksan ang pinto ng bilangguan at natanggal ang tanikala ng mga preso. Akala ng guwardiyang nakatakas na ang lahat ng kanyang sakop at sa kanyang takot mapapakamatay na lamang siya. Nang makita ito ni Pablo, "Huwag mong sasaktanin ang iyong katawan!" sigaw niya. "Nandito kaming lahat." Naghanap ng sulo iyong guwardiya at patakbong pumasok sa kanila't lumuhod na nangininig sa takot sa paanan nina Pablo at Silas. Saka inilabas niya sila at winika, "Mga Ginoo, ano ang utang kong gawin upang ako'y maligtas?"

Natatanaw yata ng mga sinaunang humubog sa ating mga sari-saring wika na ang abot-tanaw ng totoo ay tigid sa ugnayan at relasyon. Ugnayan ng pangyayari sa pangyayari, ng angkan sa angkan, ng kalooban sa kalooban. Naunawaan nila na bukal sa mismong pagka-sarili ng bawat tao na magkaroon, tumanggap, lumikha ng ugnayang ito. Tinatanaw nilang sagrado ang ugnayan. Mula sa ugnayang ito lumitaw ang salitang "utang". Utang ng taong manatiling tapat sa tunay na pakikipagkapuwa sa kinapal, sa kapuwa-taong nilalang, pakikipagkapuwa sa Maykapal. Alam nila na may tunay at mapaglikhang pagtupad sa ugnayan, at meron namang huwad at nakakawasak na pagpanggap tupdin.

Palaging nagtutulungan sina Juan at Pedro. Sabi ni Juan, meron siyang utang na loob kay Pedro. Sabi ni Pedro, meron siyang utang na loob kay Juan. Walang nakakaalaala kung sino ang unang nagtulong kanino at walang nag-aabalang makaalaala. Isang dangal ang magkaroon ng utang na loob sa isang kaibigan. Hindi binabayaran, tinatanaw ang utang na loob. Tanawin. Ingatan. Alagaan. Bigyang halaga. Ibigin.

Nagsustituto ako sa kura paroko sa isang bayang bulubundukin. Mga ilog na nakabaon sa pagitan ng matataas na pampang. Matatarik na gilid ng bundok. Dudulas sa putik iyong dyip. Dumidikit sa iyong pilik-mata ang pinong pinong patak ng ulan.

"Ilang linggo ka ba dito?"

"Tatlo"

"Mag-ingles tayo. O kaya managalog. Magpraktis kami para sa Maynila."

"Huwag na. Sa eskwela ang Ingles. At pagdating mo sa Maynila, tatlong linggo lamang at magaling ka nang managalog. Magbisaya tayo."

"Hindi ka magaling."

"Tatlong linggo lamang at magaling na ako." Kaya't nagbisaya kami.

Tatlong linggo at oras nang magpaalam. Nagprograma kami. Nagkanta ng ingles iyong isa, at napansin ko na may pagkukulang sa salita at bigkas. At natauhan ako. Kung tatlong linggo sana kaming nag-iingles o nananagalog, palagi ko sanang winawasto ang kanilang salita at bigkas. Ang yabang yabang ko na sana. Baka iniisip ko na ngayon : ako lamang ang edukado, at taga-bundok silang lahat.

Kakaiba talaga ang nangyari. Tatlong linggo nilang winawasto ang aking salita at bigkas, pero hindi sila yumayabang. Mapasensiya sila. Tatlong linggo nilang ibinabahagi sa akin ang kanilang wika: isang espesyal na uri ng pagtingin, ng pakiramdam, ng karunungan. Ibinibahagi nila ang buong sibilisasyon. Sa boses, sa galaw ng kamay, sa kilos ng katawan, tinuturuan nila akong magsalita. Sapagkat ang nag-aaral ng bagong wila ay parang batang nagsisimulang magsalita. At kung siya'y matanda na, muli siyang natututong matuto. Sa oras ng pagpapaalam nadama kong nagpapaalam ako sa aking mga guro. At noong inikot ng aking tingin ang mga bundok na pumapaligid, nagalak ako na kay yaman ng mga bundok.

Sabi ng isa, "Salamat sa iyong pakikibagay sa amin." Pakikibagay. Malalim na salita iyan sa bisaya. Pakig-angay. Salitang nagmumula sa ugnayan. Loob sa loob, puso sa puso, tao sa tao.



Huwaran

Tinatawag sa ating pansin ni de Finance, na nararanasan natin ang abot-tanaw ng meron bilang totalidad ng meron na iba iba ang tindi sa di-masukat na kalawakan. At sapagkat napakayaman nito, ang bawat kalinangan ay gumagamit ng iba't ibang huwaran sa kanilang pagsisikap na mabuhay sa isang diwang matino at malusog sa gitna ng nakakabulagang kayamanan nito. Halimbawa, ginigiit ni Heidegger na ang huwaran ng kanluran ay ang huwaran ng mga sinaunang Griyego. Mababakasan sa kanilang wika na ang dating ng meron, ng katotohanan sa kanila ay physis, ang sanlibutan bilang sangtumutubo.

Ang mundong meron ay tumutubo. At katangian ng tumutubo na magtago at magpakita. Kaya't ang totoo ay ang meron na inakit magpakita, at nakita.

Ang huwaran ng totoo ng ating kultura, ng ating kalinangan ay tao bilang malalim, sagrado, mapaglikha at nakikipagkapuwa sa kapuwa tao at sa Maykapal. Kaya't ang dating sa atin ng meron, ng katotohanan ay ugnayan. Ang sanlibutan bilang personal na pakikisalamuha sa atin ng Maykapal. Kaya't ang totoo ay tao na tapat sa tao, tapat sa ugnayan at sa pakikipagbuklod.

Mababakasan ang paggalang sa kalaliman ng tao, sa iba't ibang paraan, sa kayamanan ng ating sari-saring wika. "Loob", sabi nila sa Pilipino; "Kabubut-on", sa Cebuano; "Nakem" naman sa Iloko. Tiyak ako na may katumbas ito sa lahat ng ating mga wika; bakas ng pagkagulat ng mga sinauna sa kalaliman at hiwaga ng bawat tao. May buong daigdig ang loob. Masiraan ng loob. Palakasin ang loob. Kalamayin ang loob. Buoin ang loob. … Sapagkat ang tao ay … sarili, ako … nararanasan natin na may kalooban. Maaring masiraan ng loob, buoin ang loob, gumalaw sa kagandahang loob, maging masamang loob, magbalik-loob. Kayang magbayad ng utang na kuwarta (pisikal at kemikal). Kayang alagaan, pairalin, gawing mapaglikha …. Sa madali't sabi .. tanawin ang utang na loob.

At sapagkat malalim ang hiwaga ng tao, malalim rin ang kanyang pakikibuklod. Tingnan ang katagang "kapuwa" na palaging ginagamit. Kapuwa tayong naghihintay sa dentista. Kapuwa kitang nag-aantabay na bumerde ang ilaw ng trapik. Sa ulan ay kapuwa kitang nakikisilong. At ang "ka" na tanda ng pakikipagkapuwa sa kapatid, kabayan, kaibigan, kasintahan, katoto, kasama, kababata, katrabaho, kainuman, kaaway…

Mababakasan iyang lahat, at higit pa riyan sa ating samo't saring wika. At lahat niyan ay potensyal. Maari nating buhayin, likhain muli. Maari nating gawing bahagi ng mga hindi inaakalang kombinasyon. Halimbawa, baka magawa natin ang hindi pa nagagawa: maglikha ng kalinangan na personal at makatao, at sabay, teknikal. Teknolohiya dahil sa tao; at huwag baliktad.

Pero sa buhay pang-araw-araw ngayon ay madalas ituring na makaluma at katawa-tawa ang mga katagang gaya ng "loob", "pakikipagkapuwa", at iba pa. At ang metodo ng maraming manunuri ay iuwi ang kalinangan sa makikisig na konseptong nakasara at iuwi sa mga kasong matatalakay sa metodo ng pagsukat. Ang potensyal, paglipad, paglikha, ang hindi inaakala ay nawawala.



Mungkahi Ukol sa Potensyal

Sa panahon na gagala-gala sa kadiliman ang mga kalinangan, mabuting alalahanin ang kasabihang Intsik, "Lalong mabuting magsindi ng isang kandila kaysa sumpain ang dilim."

Ito ang aking kandila: Magpakaalisto sa buhay pang-araw-araw sa potensyal ng kalooban at ugnayan; buhayin ito, ulitin at sariwain. Mag-imbento ng bagong istilo ng pananatiling tapat sa halaga at hiwaga ng kalooban at ugnayan. Sapagkat bahagi tayo ng sangkatauhan. At ang malubhang pangangailangan ng buong sangkatauhan ay gawin ang hindi pa nagagawa: maglikha ng kalinangang personal at makatao, sabay teknikal. Teknolohiya dahil sa tao; at huwag baliktad.



Sa Huli

At sa katapusan matatapos na rin ang sulating ito na hindi matapos-tapos. Sinusulat ang mga talatang ito sa isang bahay sa isang baranggay na ang salita ay Iloko. Dito ko sinimulan ang librong ito …ngayon ang huling araw ng 1990. Ang malaking bahagi ng librong ito ay dito ko rin isinulat. Sa bolpen at papel muna. Nasa Maynila ang kompyuter.

Maraming salamat sa mababait na kaibigang nakatira dito. May katahimikan dito. Mayayapakan mo ang lupa at mararamdaman mo ang sinaunang bisa ng planeta. Matitingala mo ang langit at mararamdaman mo ang bagsak ng enerhiya mula sa buong sansinukob.

Napapaligiran kami ng palayan. Matagal nang natapos ang paggapas. Nabilang na ang ani. Lumalapit na ang hating gabi at nagsisimula nang magputukan ang mga babati sa bagong taon. Maliwanag ang buwan at maaaninagan mo ang mga dahon ng monggo at mais na nakatanim ngayon sa kabukiran. Ngunit aangkinin ko pa rin ang ilang talatang isinulat ng isang pari, meron na higit sa isang daang taon:

At wiwikain ko ay mapalad ako

Ang kahalimbawa ko ay nagsabog ng binhi;

Tinamaan ko ay ang mabuting lupa.

At sa kinakamtan kong tuwa

Ang nakakaparis ko

Ay isang magsasakang kumita ng aliw

Uupo sa isang pilapil

Nanood ng kanyang halaman

At sa kanyang palayan na parang inaalon sa hirap ng hangin,

At sa bungang hinog na butil na gintong nagbitin ng uhay

Ay kumita ng saya

Munti ang pagod ko, munti ang puyat ko;

At palibhasa ay kapos sa lakas na sukat pagkunan

Ngunit ang pakinabang ko sa pagod at puyat

Ay naibayuhan.

At ikaw, mambabasa, naririyan ka pa ba? Sa iyo rin, salamat.



Urdaneta Bactad Proper
Urdaneta, Pangasinan
31 Disyembre 1990

Patakaran sa Klase

MGA PATAKARAN SA KLASE

1. PANGUNAHING BABASAHIN SA KURSO

Tingnan ang Silabus ng Kurso. Madalas sinasabi ito ng guro sa simula ng klase.

2. IBANG MAPAGKUKUNAN NG KAALAMAN

Ang ibang mga materyales, artikulo at aklat para sa gawaing indibidwal o panggrupo ay matatagpuan sa ilalim sa Dibisyon ng Pilosopiya o sa Aklatan ng Pamantasan o sa Internet na maari ninyong tingnan.

3. PAGDALO AT KAAGAPAN SA KLASE

Pakitala ang inyong pagliban. Ang bawat mag-aaral ay pinahihintulutan ng hindi hihigit sa sampung (10) pagliban sa mga klaseng nagkikita tatlong beses sa isang linggo, at pitong (7) pagliban sa mga klaseng nagkikita lamang ng dalawang beses sa isang linggo. Responsable ang bawat isa sa kanyang pagliban. Ang huli sa klase wala pang sampung minuto ay may katlong bahagi (1/3) na pagliban. Pagkatapos ng sampung minuto, isang pagliban na ito. Mahigpit na ipatutupad ang patakarang ito.

4. PAGBIBIGAY NG MARKA

Pakitala ang inyong mga marka. Ang kahuli-hulihang grado ay mahahalaw sa sumusunod na paraan:

*
* 20% mga salamisim (reflection papers), pagmumunimuni at markahang pagbibigkas o MP (oral recitations)
* 40% mahalagang pagsusulit (major exams, all exams are in essays)
40% pabigkas ng pagsusulit (oral exam, 15 mins per student)

Pagtutumbas:

* A - 92 pataas
* B+ - 88-91
* B - 84-87
* C+ - 79-83
* C - 76-78
* D - 75
* F - 70
* INC - 65
* FD - 60

5. ORAS NG PAGSANGGUNI:

* 8:00 - 11:00 n.u. Lunes at Miyerkules [Biyernes]
* 1:30 - 5:00 n.h. Miyerkules [Biyernes]
* 8:00 - 10:00 n.u Martes at Huwebes [Biyernes]
* 9:00 - 11:30 n.u. Sabado
*
Tumawag lamang sa Tel. 221-2411 lokal 329, o sumulat ng e-mail.

6. KARAGDAGANG PAKSA

Ang mga takdang aralin at sulatin ay nararapat ibigay sa simula ng klase, at hindi sa Dibisyon ng Pilosopiya. Hindi tatanggapin o pinahihintulutan ang mga huling gawain o pagsusulit maliban na lamang sa mga sumusunod na kadahilanan:

* malubhang karamdaman (pagsasagamutan)
* kapahamakan ng kalikasan
* pagkamatay sa pamilya

Walang espesyal na pagsusulit.

7. MGA DETALYE NG PATAKARAN SA KLASE

*
* Hinihingi sa mag-aaral na huwag magpahuli sa klase nang hindi maabala ang pagtalakay ng paksa sa klase. Kung merong MP (markahang pagbibigkas) sa simula ng klase, at ang tinawag ang mag-aaral ngunit wala pa siya, bibigyan siya ng gradong 70%.
* Hindi pinapayagan ang pag-iingay sa klase, pagbubulung-bulungan, lalo na sa pagsusulit.
* Kailangang patayin ang mga beeper, telepono, radyo, at iba pang instrumentong maiingay habang nasa loob ng klase.
* Maaring kumain sa klase o magdala ng maiinom na tubig. Basta gagawin lamang ito sa isang tahimik na paraan.
* Kailangang magpaalam muna sa guro bago lumabas papuntang palikuran.
* Hindi pinapayagang ang kahit sinumang mag-aaral na hindi bahagi ng klase na pumasok sa kuwarto nang walang pahintulot ng guro.
Lahat ng salamisim ay dapat sa isang maikling puting papel (short bond paper), nakamakinilya o kompyuter, double-spaced, hindi bababa sa apat (4) na pahina, at ang laki ng font ay 12 puntos lamang (12 pts.)

Silabus ng Kurso

Pambungad:

Bilang huling kurso ng pamimilosopiya sa pamantasan, nilalayon ng Etika na hubugin ang kakayahan ng mga mag-aaral na dumama sa pagpapahagang moral bilang batayan ng kanilang buhay. Kaya ang buong proseso ng pagninilay at pagmumuni ay umiikot sa mga pamantayan ng karapatang pantao at responsibilidad niya sa kanyang lipunan at sa buong kaayusan na nasa kalikasan.



Layunin:

* Magbigay ng pangkalahatang pananaw ukol sa kasaysayan ng pagpapahalagang moral;
* Tulungan ang mga mag-aaral na hubugin nila ang kanilang kakayahan na mag-isip at magtimbang kung ano ang mahalaga sa tao;
* Na makita ng mga mag-aaral ang halagang moral hindi lamang sa loob ng kultura, kundi sa pakikipagkapuwa-kultura sa ibang lahi upang palabasin ang nararapat sa tao, ang mas mabuti para sa tao
* Akayin ang mga mag-aaral na ang tunay na Mabuti at Totoo ay ang Diyos na ibinabahagi niya ang kanyang kabutihan at katotohanan sa lahat ng nilikha.

Pangunahing Teksto:

* Pambungad sa Kursong Pilosopiya ni Bong Eliab at Roque J. Ferriols, SJ
* Pambungad sa Etika ni Bong S. Eliab
* Pagpapahalagang Moral ni Rainier R.A. Ibana, Ph.D.
* Grounds and Norms of Morality ni Ramon C. Reyes, Ph.D.
* Bhagavad-Gita: makataong kalagayan bilang landas ng kaligtasan ni Bong Eliab
* Ekonomiya sa Larangan ng Espiritu ni Bong Eliab

Mga Pelikulang Panonoorin:

* Saving Private Ryan
* Schindler's List
* La Amistad
* Silent Scream
* Dreams
* Three (3) Tapes on Business Ethics

Mga Pangangailangan ng Kurso

* Mahalagang Pagsusulit (4)
* Pagmumunimuni at Salamisim (Reflection Papers)
* Markahang Pagbibigkas (Oral Recitation)
* Pabigkas na Pagsusulit (Final Oral Examination)